Cybersecurity magiging sentro ng isang UPLB webinar

Ulat nina Jillian Reez Palis, Christian Karl Babaran, Sophia Ann Ramilo, Angenina Paulette Damil, at Janzen Razal

Gaganapin ng UPLB Department of Development Journalism (DDJ) webinar na “Cybersecurity and the Blurring Lines of Media Platforms in Journalism”, bilang parte ng paggunita sa Cybersecurity Awareness Month ngayong Oktubre 2025. Bahagi ng DDJ Seminar Series ng College of Development Communication CDC), ito ay gaganapin sa ika-20 ng Oktubre (Lunes), 2:00–5:00 PM sa Zoom. Maaari pang magrehistro dito: https://bit.ly/DDJ2025Reg.

Dalawang eksperto ang magsisilbing tagapagsalita ng panayam.

Ang isa ay si Neil Arwin Mercado ay isang broadcast journalist sa INQUIRER.net at UPLB College of Development Communication alumnus. Ibinahagi niya ang kanyang adbokasiya para sa mobile journalism, na nagbibigay-diin kung paano patuloy na binabago ng makabagong teknolohiya ang paraan ng paghahatid at pagkonsumo ng mga kuwento sa digital na panahon.

Samantala, si Christine Apple Pre naman ay Information Technology Officer III at Cybersecurity Bureau Chief ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Magbabahagi siya ng mga kaalaman hinggil sa kalagayan ng cybersecurity at data landscape ng bansa, pati na rin ang mga programa at polisiya ng pamahalaan upang mapalakas ang digital resilience at seguridad sa paggamit ng teknolohiya sa Pilipinas.

Ang naturang webinar ay bukas sa lahat at layuning paigtingin ang kamalayan hinggil sa cybersecurity at sa mga hamon at oportunidad na dulot ng nagbabagong anyo ng media platforms sa larangan ng pamamahayag.

Tugon din ito sa resulta ng National Information and Communications Technology Household Survey (NICTHS) na inilabas Philippine Statistics Authority na nagpakita ng sabayang pag-angat ng internet connectivity at cyber risks ng Region IV-A (Calabarzon), na lalong nagpapatingkad sa pangangailangan ng mas malawak na cybersecurity awareness programs sa rehiyon.