Epekto ng fecal coliform sa Laguna de Bay sa kabuhayan ng mga mangingisda

Ulat nina Sophia Bonifacio, Sean Guevarra, at Maria Soledad

Mga pante o fish laborer sa Barangay San Antonio Fish Port, Bay, Laguna na abala sa paghahanda ng kanilang gagamiting lambat. (Sophia Bonifacio/LB Times)

“Ngayon na lang uli nagka-isda, noon talaga nawala. Gawa nga nung mga pabrika raw na nagtatapon ng mga kemikal sa dagat. Nakaaapekto yun sa isda. Ngayon, kaya lang nagkaroon ng isda, noong bagyong Kristine at Leon nasira ang mga fish pen. Kaya nagkaroon ng isda dito.”

Ito ang inihayag ni Aling Apolonia, isang pante o fish laborer sa Barangay San Antonio sa Bay tungkol sa mababang kalidad ng tubig sa bahagi ng Laguna de Bay. Patuloy itong nagdudulot ng iregular na huli sa mga mangingisda ng Bay at mga karatig na bayan sa lawa.

Direktang apektado ang Bay River sa Laguna ng pagtaas ng fecal coliform level sa kabila ng puspusang inisyatiba ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) para mapanatiling malinis ang lawa. Dahil dito, lumutang ang mungkahing ipanawagan sa nasyunal na pamahalaan ang paglalagak ng pondo sa nasabing ahensya na sa kasalukuyan ay hindi nakatatanggap.

Estado ng lawa

Bagaman bahagyang pasado sa ibang parameters ang Bay River na malapit sa pinangingisdaan ni Aling Apolonia, kapansin-pansin ang mataas na lebel ng fecal coliform dito base sa quarterly water quality report na inilalabas ng LLDA.


Ang fecal coliform ay isang bacteria na matatagpuan sa tubig na kontaminado ng dumi mula sa mga kabahayan, imburnal, at iba pang pinagmumulan ng dumi ng tao at hayop. Meron itong negatibong epekto sa kalikasan at kalusugan ng tao, sapagkat maari nitong pababain ang lebel ng oxygen sa tubig na nakakapinsala sa mga yamang tubig katulad ng mga isda at magdulot ng malubhang sakit katulad ng pagtatae.

Makikita sa graph ang paggalaw ng fecal coliform levels mula sa mahigit 50 libo hanggang sa mahigit 109 libong MPN/100 mL, Setyembre ngayong taon. Malayo ito sa 100-200 MPN/100 mL na itinakda bilang ligtas na lebel para sa class C bodies of water tulad ng Laguna de Bay kung pagbabasehan ang DENR Administrative Order No. 2016-08 and 2021-19.

Ayon sa naunang administrative order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 1990, ang Laguna de Bay ay itinalaga bilang isang Class C water body na sumusuporta sa pangingisda, mga gawaing pang-rekreasyon, at agrikultura.

Gaya ng Bay River, ganito rin ang estado ng fecal coliform sa maraming river tributaries na konektado sa lawa. Karamihan sa nagtala ng mas matataas na lebel ang mga ilog sa paligid ng Metro Manila at ibang urbanisadong komunidad.

Isa lamang si Aling Apolonia sa maraming mangingisda na nakasalalay ang pangkabuhayan sa Laguna De Bay, ang pinakamalaking lawa sa buong Pilipinas.

Ayon sa isang pag-aaral mula sa Journal of Management for Global Sustainability sa Ateneo de Manila University, ang bukas na pangingisda sa Laguna Lake ay nagbibigay ng trabaho sa higit kumulang 13,139 na mangingisda, hindi pa kasama ang mga katulad ni Aling Onyang na siyang tagalinis ng isda matapos itong mahuli upang maibenta sa merkado.

Gayunpaman, patuloy na nagdudulot ng malaking banta sa biodiversity ng lawa ang agricultural runoff at ang mga dumi mula sa alkantarilya dahil humantong ito sa mataas na antas ng fecal coliform at mabibigat na metal na nagdudulot ng kontaminasyon sa tubig.

Upang mapanatili ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda habang pinangangalagaan ang biodiversity ng lawa, ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay nagpapatupad ng mga hakbang sa pagkontrol ng polusyon at sinusubaybayan ang kalidad ng tubig sa pamamagitan ng buwanang pagtatasa na kanilang isinasagawa sa 15 monitoring stations na nakapaligid sa lawa.

Sanhi ng kontaminasyon

Ayon kay Engr. Jocelyn G. Sta. Ana, Division Chief III ng Environmental Laboratory and Research Division sa LLDA, isang pagsubok nila ang domestic waste.

“Actually one challenge, hindi lang dun sa lake, kundi dun sa buong watershed is the domestic waste… [at] hindi pa siya lahat septaged. But for the domestic waste, especially yung mga nonclustered point sources kasi sa ngayon covered na namin yung subdivisions and condominiums, but for the other nonpoint sources [hindi pa],” paliwanag niya.

Karugtong ng nonpoint sources na ipinunto ni Sta. Ana ang pahayag ni Dr. Agustin Arcenas, isang environmental economist ng College of Public Affairs and Development (CPAf) sa University of the Philippines Los Baños at nagsilbi sa environment department ng World Bank sa Washington, D.C.. Aniya, mahalagang matukoy ang mga nasa likod ng pagtatapon o pagdudumi sa komunidad upang hindi madiskaril ang mga kabuhayang nakadepende sa lawa.

“If nonpoint source pollution — sa ilog kasi hindi mo alam kung kanino galing yung pollutants and everybody can contribute a little to the pollution… Everybody can claim na maliit lang naman yung pollutant na binigay ko pero collectively of course dadami kasi.”

Tugma ang konklusyon ng isang pag-aaral mula sa UP Diliman sa sinasabi ng LLDA. Ayon dito, malaking bahagi ng kontaminasyon sa Laguna de Bay ay mula sa dumi ng tao at duming agrikultural na direktang dumadaloy sa mga ilog tributaryo at mismong lawa. Nakita na pinakamalaking sanhi ang sewage at human feces, na sinundan ng poultry, swine, at iba pa.

Sinabi naman ni Jonathan Nicolas, Senior Environmental Management Specialist mula sa Biology Division sa LLDA, na lumampas sa rate ang mga suspendidong solid [wastes] sa panahon ng tag-araw ng 2024.

Aniya, umabot na ang antas ng fecal coliform sa 2 milyong MPN/100 ml, isang bilang na 10,000 beses sa kasalukuyang maximum na pinapayagang limitasyon para sa Class C sa lawa. Kadalasan na naaabot sa ganitong kataas na porsyento ang fecal coliform tuwing Marso hanggang Hunyo dahil sa tag-init o mataas na temperturang nakaapekto sa lawa.

Sophia Bonifacio/LB Times

Mga pante o fish laborer sa Barangay San Antonio Fish Port, Bay, Laguna na abala sa paghahanda ng kanilang gagamiting lambat. Kuha ni Sophia Bonifacio.

Kung tatanungin ang isang pante tulad ni Aling Onyang, isa sa mga napansin niya ang mga basura na palutang-lutang sa dagat mula sa mga pamayanang baybayin na nakapaligid sa lawa. Ayon sa kanya ay regular na kinokolekta ang mga basura sa kanilang lugar ngunit may mga ibang komunidad na hindi nadadaanan ng serbisyong ito kaya natatangay ng malalakas na hangin ang mga basura papunta sa lawa.

Tugma muli ito sa problema sa solid waste bunga ng kakulangan sa landfill sites ng ibang LGUs na isinalaysay ni Sta. Ana.

“Another challenge is yung solid waste kasi not all LGUs ay may sarili pang landfill sites. So andami pa ring mga garbage trash na nadi-dispose sa mga water bodies and it will eventually go into the lake. May mga initial studies na rin of the presence of microplastics,” paliwanag niya.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Arcenas na mahalagang tukuyin ang pinagmulan ng polusyon. Kung ito ay nagmumula sa mismong komunidad, maaaring umanong magpatupad ng mga hakbang upang kontrolin ito. Ngunit kung ang polusyon ay mula sa ibang lugar o isang nonpoint source pollution, nagiging mas komplikado ang problema. Dagdag pa niya, ipinapakita ng mga pag-aaral na ang Metro Manila ang pangunahing nagdudulot ng polusyon sa Laguna de Bay, na nasa labas ng saklaw ng LLDA.

Aniya, dapat magpataw ng buwis sa polusyon o regulatory fees, ngunit isang hamon ang pagpapatupad nito. Ipinaliwanag niya na kung ang pinagmulan ng polusyon ay wala sa hurisdiksyon ng ahensya, magiging mahirap singilin ang mga may pananagutan.

Maituturing din umanong problema ang pinansyal na katayuan ng LLDA na siyang namamahala sa lawa at ang kakulangan ng suporta mula sa nasyunal na pamahalaan. Pinuna niya ang sistema ng user fee, kung saan pinapayagan ang mga tao o kompanya na magdumi. “These people, companies are allowed to pollute as long as they pay, which is the principle of user fee, [and] which I have disagreed with before. Kasi it gives them the license to pollute.”

Sa kasalukuyan, may mga ipinapataw na regulatory fees ang LLDA sa iba’t ibang entidad at industriya na gumagamit ng lawa. Isa rito ang discharge fee na nagbibigay ng legal na permiso sa mga establisyemento para maglabas ng wastewater o maruming tubig.

Mga inisyatibo ng awtoridad

Kaiba sa river tributaries na nasa palibot ng Laguna de Bay, mas mabagal ang pagtaas ng fecal coliform sa mga lake stations na nasa gitna ng lawa. Kaakibat nito ang pagiging akma sa pangingisda.

Sa tingin ni Lisette Talan-Aragoncillo na isang microbiologist ng LLDA, mas nirerepresenta nito ang kabuuang lagay ng katubigan.

“We have 15 stations sa lake and we analyze it for total coliform, fecal coliform and e. coli… May mga times na mataas ang coliform pero sabi ko nga nakikita naman sa data na most of the stations that we are monitoring ay complaint sya, nandun sya kasi sa gitna. So ang meron lang kaming monitoring for the rivers is nasa mga river mouths which is yun yung medyo alarming,” paliwanag niya.

Aktibong binabantayan ng LLDA ang kalidad ng tubig sa lahat ng istasyon at konektadong ilog na maaaring panggalingan ng kontaminasyon.

Ayon kay Sta. Ana, “So far, in terms of water quality naman, as I mentioned, within pa rin siya in terms of class C. But then hindi rin ito reason to be complacent. Lake kasi ito so iba rin yung behavior. Baka biglang ma-saturate siya and mag-collapse, so yun ang iniiwasan natin na condition.”

Bukod sa regular na paglilinis at maintenance, ilan din umano sa mga kasalukuyang hakbang ng LLDA katuwang ang Local Government Units (LGUs) ang national greening program at solid waste recovery. Binanggit nila na isinasagawa ang mga cleanup activities nang isa o dalawang beses bawat buwan, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa mga LGU upang talakayin ang mga kinakailangang pagbutihin. Anila, may nakalaang pondo kung saan maaaring magmungkahi ang mga LGU ng kanilang mga proyekto.

Tinatanaw rin ng ahensya ang pagpapaigting ng septage management programs upang pamahalaan ang mga septic tank, kasama na ang pagsipsip o pag-alis ng laman. Kaakibat nito ang paghakot, pagdidisimpekta at pagtapon ng septage sa maayos na pamamaraan.

Ani Sta. Ana, may mga centralized treatment facilities na sa Metro Manila at ilang lugar sa Muntinlupa at Santa Rosa. Gayunpaman, kasalukuyan pa lamang nilang pinaplano ang pagpapatupad ng septage management sa iba pang nalalabing bahagi.

Nanindigan ang opisyal na masinsinang ipinapatupad ng LLDA ang mga pamantayan o regulations sa mga entidad na nakapalibot sa lawa. Ipinaliwanag niya na ang mga hindi sumusunod sa effluent standards ay pinapatawan ng multa o binibigyan ng cease and desist orders kung hindi nila kayang maabot ang itinakdang pamantayan. Idinagdag din niya na nasasaklaw na ng kanilang regulasyon ang mga subdivision at condominium, na ngayon ay kinakailangan na ring sumunod sa mga alituntunin.

Para kay Aling Apolonia, malaking tulong din sa kanilang mga mangingisda ang LLDA at ang paghuhulog nito ng mga isda sa oras ng pangangailangan.

“Naghuhulog sila ng mga isda para magkaroon ng huli dito. Nung sinabi naming walang huli, lagi silang naghuhulog. Kung hindi bangus, tilapia,” sabi niya.

Ngayong taon, ang Laguna De Bay ay naging palatandaan ng kaunlaran. May mga pangunahing iminungkahing at patuloy na proyekto sa ilalim ng Private-Public Partnership (PPP) sa lawa sa rehabilitasyon, renewable energy, at expressway, na pinagmumulan din ng kita para sa LLDA.

Dagdag pa ni Sta Ana, “Dapat mayroong floating solar farms at environmental impact assessments, public scoping per LGU per area at budget revenue mula sa mga proyektong ito, at maging sa LLDA para sa mga proyekto o programa, ay naaayon sa quality management. So, [we] allocate from our finances but then focus LLDA on water quality improvement and not only in the lake but also tributary rivers in the whole watershed.

Gayunpaman, ang ilang mga proyekto ay umani ng pagsalungat dahil sa mga posibleng negatibong epekto nito sa kapaligiran at ekolohiya. Kasalukuyang pinag-aaralan ng LLDA ang mga ito.

Pagpapaigting ng mga programa at panawagan sa pamahalaan

Bilang parte ng pagpapalakas sa mga programa upang pababain ang fecal coliform at linisin ang kabuuan ng Laguna de Bay, naniniwala si Sta. Ana na dapat paigtingin pa ang regulasyon sa domestic waste ng mga industriyang sangkot sa lawa.

“So ito yung nakita na one of the challenges na dapat magkaroon ng treatment for the domestic waste. Kasi sa industries, nare-regulate na rin sila. Kapag hindi sila nag comply with the effluent standards, they are penalized or given cease and desist orders kung talagang hindi na nila mameet yung [standards],” paliwanag niya.

Para naman kay Arcenas, may pangangailangang magpataw ng pollution tax at regulatory fees, ngunit hindi ito magiging madali. Ipinaliwanag niya na kung ang pinagmulan ng polusyon ay wala sa saklaw ng isang ahensya, magiging mahirap singilin ang mga responsable. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kooperasyon sa iba pang LGUs, partikular sa Metro Manila, at ang posibleng pangangailangan ng isang kasunduan o batas para maisakatuparan ito.

Giit ni Arcenas, dapat lagakan ng nasyunal na pamahalaan ang LLDA ng mas malaking pondo upang matuldokan ang pagdedepende nito sa user fees at pollution taxes. “Maliit lang ang nakukuha niyang budget from the national government, so kailangan talaga niyang mag-generate ng sarili niyang pera, kailangan nilang kumuha ng funds from somewhere.”

Bilang ‘quasi-government agency’ na hindi direktang sakop ng gobyerno, sa kasalukuyan ay walang anumang pondo na natatanggap ang LLDA mula rito.

“Hindi naman masama na mag-impose sila ng pollution tax, it’s just that they should use it to clean the lake. Not to fund operations [gaya sa] bayad ng kuryente nila, bayad ng kung ano mang mga bayarin nila. So for basic operations, I think it should come from the national government,” dagdag pa ni Arcenas.

Nagpahayag din ng pagsang-ayon si Sta. Ana rito. Aniya, “Actually, that’s the sentiment of the employees. We are governed by the rules on benefits. Instead of remitting dividends, why can’t the amount be given as extra benefits to the employees who work for the generation of revenues and programs for the protection of the lake and its watershed?”

“It would also be helpful for the agency if the LLDA is given budget so that more programs can be implemented at the right time.”

Mga Sanggunian

Chinfak, N., Charoenpong, C., Sompongchaiyakul, P., Wu, Y., Supcharoen, R., & Zhang, J. (2023). Environmental factors influencing the distribution of fecal coliform bacteria in Bandon Bay, Thailand. Regional Studies in Marine Science, 68, 103277. https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S235248552300467X

Department of Environment and Natural Resources (n.d.). DENR Administrative Order No. 2016-08. https://pab.emb.gov.ph/wp-content/uploads/2017/07/DAO-2016-08-WQG-and-GES.pdf

Laguna Lake Development Authority (n.d.). Laguna de Bay and its Tributaries. https://llda.gov.ph/ldb-and-its-tributaries/?fbclid=IwZXh0bgNhZW0CMTAAAR1TPwLm3y3w1a3KknwdLbrsv5s5x8KW372KG4s_OLoxdjh4vgtmTb5BE1g_aem_UTG_DMX-dLxN58frdMT8RQ