Fact-Checking: Kalayaan Mula sa Fake News

Ulat ni Samantha Morales

Ngayong Agosto 30, 2025, ipinagdiriwang ng bansa ang National Press Freedom Day bilang pagpupugay sa kalayaan ng pamamahayag at sa tungkuling ginagampanan ng midya sa pagtataguyod ng katotohanan. Sa panahon ng laganap na misinformation at disinformation, higit na nagiging mahalaga ang papel ng fact-checking upang mapanatiling ligtas ang publiko laban sa maling balita.

May tatlong uri ng “fake news”: misinformation (maling impormasyon na walang intensyong manakit), disinformation (maling impormasyon na sadyang ikinakalat upang manlinlang), at malinformation (tunay na impormasyon ngunit ginagamit upang makapinsala).

Isang pag-aaral noong 2025 ang nagpakita na 75% ng mga news links sa Facebook ay naibabahagi nang hindi binabasa, na lalo pang nagpapabilis ng paglaganap ng maling impormasyon.

Upang labanan ito, ipinakilala ang SIFT Method: Stop (huminto at magmuni), Investigate the source (suriin ang pinagmulan), Find better coverage (maghanap ng mas maaasahang ulat), at Trace the original context (balikan ang pinagmulan ng impormasyon). Sa pamamagitan ng ganitong paraan, natutulungan ang publiko na maging mas kritikal at mapanuri sa kanilang nakukuhang balita.

Sa diwa ng Press Freedom Day, ipinapaalala na ang tunay na kalayaan sa pamamahayag ay nakaugat sa responsibilidad: ang paghahatid ng tama, makabuluhan, at mapagkakatiwalaang impormasyon. Sa isang lipunang mulat at mapanuri, nagiging matatag ang demokrasya at napoprotektahan laban sa panganib ng panlilinlang.