Ulat nina Saulo Paul Bautista, Xymun Peter Escasinas, at Margruz Angelo Olog

Mas mabilis matuto ng Science at Math ang mga estudyante ni Christine Sasuman ng Malinta Elementary School.
“Malaking factor talaga ang language sa pagtuturo ng Science at Math. Doon sila mas natututo, at ‘yon din ang paraan nila para mai-proseso ang mga impormasyon at kaalamang ibinibigay sa kanila.”
Ito ang sentimiyento ni Christine Sasuman, guro sa ikaapat na baitang sa Malinta Elementary School, sa kanyang karanasan sa silid-aralan.
Bagaman mandatong ituro ang mga naturang asignatura sa wikang Ingles ayon sa Sections 3 and 4 ng Enhanced Basic Education Act of 2013, mas pinipili ni Sasuman na gamitin ang wikang Filipino, ang wikang higit na naiintindihan ng kanyang mga mag-aaral.
“Mas comfortable talaga sila kapag Tagalog ang gamit namin. Halimbawa, kapag nagtatanong ako sa English, ayaw nilang sumagot. Pero kapag sinabi kong puwede silang sumagot sa Tagalog, doon lang sila naglalakas-loob na magtaas ng kamay at tumugon,” giit niya.
Aminado si Sasuman na mahirap balansehin ang paggamit ng dalawang wika, ngunit nananatiling batayan ng kanyang pagtuturo ang kung saan mas natututo ang mga bata.
“Since ang goal naming mga guro ay matuto sila, ina-adjust na lang namin,” dagdag niya.
Ngunit, hindi lahat ng guro ay pareho ang karanasan kay Sasuman.
Si Shernan Eustaquio, isang guro sa isang pribadong paaralan sa Los Baños, ay nagtuturo ng Science sa wikang Ingles sapagkat iyon naman ang mas naiintindihan ng kanyang mga estudyante.
“For Science, it would really be difficult if I discuss in Filipino. They won’t understand. They prefer English,” aniya.
Gayunman, gaya ni Sasuman, naniniwala rin si Eustaquio na mahalaga ang papel ng wika sa pagtuturo ng agham. Nang ikumpara niya ang sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas sa Japan, naisip niyang dapat pag-isipan kung bakit hindi ginagamit ang wikang Filipino sa pagtuturo ng Science at Math.
Nakaugat sa Pananaliksik
Aminado si Katrina Paula V. Ortega, propesor ng UP College of Education, na marapat lamang na ang wikang nakagisnan ng mga bata—na tinatawag na unang wika—ang gamiting pangunahing wikang panturo sa mabababang baitang.
“Ang best language program ay ‘yung nag-aral muna sila [mga estudyante] gamit ‘yung kanilang unang wika… ‘yung mga nag-aral gamit ‘yung first language nila, iyon ‘yung pinaka-okay ang achievement ng mga bata, versus doon sa mga batang dumeretso agad sa English,” ani Ortega na halaw mula sa pag-aaral nina Thomas at Collier noong 1997.
Ayon pa kay Ortega, nakabatay rin ang kaniyang pananaw batay sa mga pag-aaral nina Stephen Krashen at Jim Cummins hinggil sa wika, maging sa mga ilang eksperimentong isinagawa dito sa bansa na may kinalaman sa sistema ng edukasyon at ang ginagamit na wikang panturo.
Sang-ayon sa Comprehensible Input Hypothesis ni Krashen, naniniwala si Teacher Kat na nagkakaroon lamang ng pagkatuto kung naiintindihan ng isang mag-aaral ang itinuturo sa kanya batay sa wikang kaniyang nauunawaan.
“’Yung basic [principle] doon sa kanyang [Krashen] teorya na Comprehensible Input [hypothesis], kailangan lahat ng ating ibibigay na impormasyon o input sa learner ay naiintindihan niya,” katwiran niya.
Binigyang linaw rin ni Ortega ang kaibahan ng dalawang antas ng kasanayan sa wika–ang Basic Interpersonal Communication Skills (BICS) at ang Cognitive Academic Language Proficiency (CALP)—na lapat sa pag-aaral ni Jim Cummins.

Pagkakaiba ng mga kasanayang pang-wika na BICS at CALP na ginagamit sa komunikasyon / Disenyo ni Saulo Bautista
Sa paglalahad ni Ortega, meron nang wikang natutuhan ang mga bata batay sa kaniyang nakagisnan na dapat pang paunlarin sa mga unang taon ng eskwela.
“‘Yung sinasabi natin na BICS, [kung] five years old ang bata, sa loob ng unang limang taon niya, meron na siyang unang wika, meron na siyang language na ginagamit… basic pa lang ‘yon ‘tsaka kailangan pa ‘yon hasáin sa paaralan,” paliwanag niya.
Tugma pa rin sa pag-aaral ni Cummins, ipinunto ni Ortega na ang kasanayan sa BICS ng mga bata ang siyang magiging tungtungan para sa pagkatuto ng CALP na mas mataas na antas ng kasanayan sa wika na kakailanganin sa pagkatuto ng ibang asignatura sa paaralan.
“Papasok siya [ang estudyante] sa paaralan [na] may dala-dala na siyang wika [BICS], pero kailangan niyang mahasa doon sa higher level ng thinking, ng paggamit ng wikang iyon para matuto sa iba’t ibang academic subjects,” pagsasalarawan niya.
Binigyang-diin din niya na ang mga konseptong ito ay napatunayan na ng mga resulta ng ilang mga eksperimento gaya ng Iloilo Experiment, Rizal Experiment at pagpapatupad ng UP Palisi sa Wika sa UP Integrated School (UPIS) noong 1990 na laboratory school ng UP Diliman na kahalintulad ng UP Rural High School (UPRHS) ng UP Los Baños.
Mga Eksperimento at Patakaran sa Wikang Panturo
Parehong sinukat ng Iloilo Experiment at Rizal Experiment ang pagiging epektibo ng isang wika sa pagkatuto kumpara sa Ingles.
Mula sa resulta ng parehong eksperimento, kapwa pinaburan nito ang mga wikang lokal bilang epektibong wikang panturo sa mabababang baitang. Ang mga eksperimentong ito ang isa sa mga batayan sa pagtatatag ng Mother Tongue Based – Multilingual Education (MTB-MLE) ng Department of Education (DepEd) para sa batayang edukasyon.
Sa pag-aaral ni Ortega noong 2017 sa UPIS Patakarang Pangwika ng 1990, posibleng gamitin ang wikang Filipino, bilang wikang pambansa, na wikang panturo maging sa asignaturang Science at Mathematics sa lahat ng antas.
Sa nasabing polisiya, itinakda ang wikang Filipino bilang wikang panturò sa lahat ng asignatura maliban sa Communication arts (CA) English, Music, and Arts simula noong 1991 na tumagal nang 11 taon.
Inilarawan niya sa kaniyang pag-aaral na isang radikal at bukod-tanging hakbang sa kasaysayan ng batayang edukasyon ang polisiyang ito ng UPIS.
Halaw pa rin sa nasabing pag-aaral, inilatag ng iba’t ibang ebalwasyon at pagsusuri ukol sa polisiyang ito na “mabisa ang Filipino bilang wikang panturò at maganda ang mga resultang ibinunga ng paggamit nito.”
Sa kabila ng positibong resulta ng polisiyang ito, nilimitahan na lamang sa ikaapat na baitang at pababa ang paggamit ng wikang Filipino samantalang bilingguwal naman ang umiral na polisiya sa ikalimang baitang pataas, sang-ayon sa UPIS Patakarang Pangwika ng 2003.
Ito ay dahil sa isang resulta ng isang sarbey sa isang pag-aaral ng UPIS sa polisiyang ito na “nais ng mga respondent na bukod sa Filipino ay gamitin din ang Ingles bilang wikang panturo.”
Wika, Siyensiya, at Mass Media
Bilang science communicator at dating consultant ng palabas sa telebisyon na Sineskwela, naniniwala si Ruby Cristobal na wika ang salamin ng realidad at pundasyon ng pagkatuto.
“Language shapes our reality… understanding begins with language,” ani Cristobal.
Ang paggamit ng wikang Filipino sa Sineskwela ay isa sa mga dahilan ng tagumpay ng programa, ayon sa kanya.
“Marami ang naka-relate at nakaintindi dahil Filipino ang gamit,” paliwanag niya.
Ngunit para kay Cristobal, hindi sapat ang wika lamang. Dapat ding kilalanin ng guro ang kakayahan ng kanyang mga estudyante.
“Know your audience, understand the context… combine science education with science communication. Doon magkakaroon ng pagbabago sa performance ng mga estudyante,” aniya.
Translanguaging at Multilingualism: Ang Hinaharap?
Bagaman pabor si Ortega sa paggamit ng Filipino, naniniwala rin siyang mahalagang palawigin ang kaalaman sa Ingles lalo na sa konteksto ng multilingualism at translanguaging, ang mga kasalukuyang direksyon ng edukasyong pangwika.
“Hindi na dapat ‘straight English’ o ‘straight Filipino’ lang. Binabasag na natin ‘yon. Hinahayaan na nating gumamit ng iba’t ibang wika sa pagkatuto,” paliwanag niya.
Nakasaad din sa bagong MATATAG Curriculum na dapat tanggapin ng pedagohiya ng wika ang prinsipyong ito: ang paggamit ng unang wika (L1) upang matutuhan ang target language, at sa kalaunan, ang mga asignatura.
Para kay Sasuman, mahalagang manatiling bukas ang patakaran sa ganitong pagsasanib.
“Bilang teacher, sana maging flexible lang. Maganda kung puwedeng i-integrate ang Tagalog sa pagtuturo ng Science. Doon kasi mas nagiging comfortable ang mga bata, pero nandoon pa rin ‘yung concept sa English,” aniya.
