Ulat ni Emmanuel Andrei Pelobello
“To be a healing community is to be a giving community,” diin ni Rev. Fr. Carl Angelo Pua sa kanyang homilya sa Thanksgiving Mass na nagbukas ng ika-24 na Bañamos Hotspring Baths Festival sa Los Baños noong Setyembre 16, 2025. Pinangunahan ang misa ni Rev. Msgr. Jose Barrion kasama ang ilang pari mula sa iba’t ibang parokya ng Los Baños.
Binalikan ni Fr. Pua ang kasaysayan ng bayan mahigit 400 taon na ang nakalilipas, nang madiskubre ng misyonerong si San Pedro Bautista ang mainit at nakagagaling na tubig sa Barrio Mainit na naging simula ng mga paliguan sa kasalukuyang bayan ng Los Baños.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang mapagbigay na komunidad sa kabila ng pagkakaiba-iba ng larangan ng mga mamamayan, upang patuloy na mapaunlad ang bayan at maitaguyod ang Los Baños bilang sentro ng agham at kalikasan.
Bago ang misa ay nagkaroon ng prusisyon na nagsimula sa Immaculate Conception Parish sa Brgy. Timugan patungong CCP Memorial Stadium and Evacuation Center, na dinaluhan ng iba’t ibang grupo, organisasyon, opisyal ng munisipalidad, at mga parokyano. Itinampok dito ang mga imahen ng mga patron ng bayan: San Antonio de Padua, Santa Teresita ng Batang Hesus, San Pedro Bautista, at Nuestra Señora de las Aguas Santas.
Mga larawan mula sa Municipality of Los Baños- The Special Science and Nature City/Facebook.
