Hiling ni Diokno sa kabataan: Gamitin niyo nang maayos yung inyong boto

Ulat nina Paolo Miguel Alpay at Ithan Grayne Borbon

Binisita ng Akbayan Partylist first nominee na si Atty. Chel Diokno ang bayan ng Los Baños nitong ika-7 ng Abril, Lunes, sa Mayondon Covered Court. Bahagi ito ng kanilang kampanya para sa darating na Midterm Elections sa Mayo. 

Binigyang-diin ni Atty. Diokno ang kahalagahan ng boto ng mga kabataan, “Panawagan ko sa lahat ng youth, ito na ang pagkakataon ninyo na kayo ang pipili. Gamitin niyo nang maayos yung inyong boto dahil boses niyo ‘yan, at karapatan ninyong bumoto.”

Ayon sa ulat mula sa GMA News Integrated Research, natagpuan na ang mga Millennial at Gen Z ang bumubuo sa 63% na populasyon ng mga botante sa bansa.

Tampok din sa programa ang iba’t-ibang suliraning nais lutasin ng partido. Sa pahayag ni Diokno, inisa-isa niya ang kinakaharap ng mga sektor kabilang ang mga kababaihan, manggagawa, magsasaka, mangingisda, mga katutubo, at kabataan. 

“Ang mga kababaihan, kulang pa rin ang mga batas para sa proteksyon… Sa mga manggagawa, dapat tapusin na natin ang endo… Sa mga katutubo naman, kulang pa rin ang ngipin ng batas—ang daming nakakapasok na proyekto na nakakasira sa kanilang ancestral domain,” pahayag niya.

Nangampanya si Akbayan party list representative Atty. Chel Diokno sa mga mamamayan ng Los Baños nitong Lunes, ika-7 ng Abril. Larawang kuha ni Mark Andrei Domingo

Mariin din niyang kinundena ang desiyon ng supreme court na makapasok ang mga commercial fishers sa loob ng mga dagat-munisipyo

Nang tanungin naman ang first nominee kung ano ang unang batas na kaniyang ipapasa sa kongreso, umikot ito sa dalawang pinakamalaking problema ng mga Pilipino– edukasyon at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 

“Isa sa pinakamalaking problema natin ay yung isyu ng edukasyon, lalo na’t nasa krisis mode na tayo. So dapat, yun ang isang maging priority ng lahat ng papasok na progresibo sa kongreso. May isa pa akong gustong imbestigahan, yung sobrang pagtaas ng bilihin, ng pagkain, at ng bigas,” pahayag niya. 

Matatandaang tumakbo na noong 2022 bilang parte ng senatorial slate ng Robredo-Pangilinan tandem si Atty. Diokno. Ngunit nang makita niya ang oportunidad upang makapasok sa kongreso, hindi na niya ito pinalampas at tinanggap ang pagiging first nominee ng partido.

Ang Akbayan Partylist ay kilala sa mga progresibong adhikain na nagrerepresenta sa mga interes ng mga nasa laylayang sektor kagaya na mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, at kabataan.

Binisita ng Akbayan Partylist first nominee na si Atty. Chel Diokno ang bayan ng Los Baños nitong ika-7 ng Abril, Lunes, sa Mayondon Covered Court. Bahagi ito ng kanilang kampanya para sa darating na Midterm Elections sa Mayo.