Ulat ni Rafa Piencenaves
Namulaklak ang galing at pagkamalikhain ng kabataang Los Bañense sa Dish Garden Contest na tampok sa Flower and Garden Show 2025 ng ika-24 na Bañamos Festival. Ginanap ang patimpalak noong Setyembre 16, 2025, at nilahukan ng mga junior at senior high school students mula sa iba’t ibang paaralan.
Tinanghal na kampeon si Gen Gwyneth F. Ombrog ng BN Calara Integrated National High School, sinundan ni Christine Mae M. Poulsen ng LBNHS Poblacion bilang 1st runner-up, at ni Allia Banasihan ng Tuntungin Putho Integrated National High School bilang 2nd runner-up.
May temang “Abante Los Baños: Ang Natatanging Bayan ng Agham, Kalikasan at Sining”, ipinamalas ng mga kalahok ang kani-kanilang miniature gardens na kumatawan sa pagmamahal sa kalikasan at sa makulay na pagkakakilanlan ng bayan.
Bilang kabuuang bahagi ng Flower and Garden Show, pinuno rin ng makukulay na bulaklak at halamang tampok sa mga booth ng mga lokal na plantito at plantita ang paligid ng munisipyo, na nagdagdag ng kasiglahan sa pagdiriwang.
Mga larawan mula sa Municipality of Los Baños- The Special Science and Nature City/Facebook.
