Kabuhayan, Tampok sa Unang 100 Araw ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños

Ulat nina Angelleanne Marfa, Freychelle Maye Aso, Aika Maeri Akioka, Alexandra Kelsey Ramosm Jhana Marie Umali, at Luna Macutay

Larawan ng Municipality of Los Baños- The Special Science and Nature City/Facebook

Kabuhayan at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya ang naging isa sa mga sentro ng mga programa ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños sa unang isandaang araw ng bagong administrasyon. Layunin ng mga proyekto na pasiglahin ang lokal na ekonomiya at paunlarin ang kakayahan ng mga residente sa munisipalidad.

Inihandog ni Mayor Neil Andrew Nocon ang mga ito sa isang talumpati ng kanyang First 100 Days Accomplishment sa Facebook.

Sa idinaos na 2nd Quarter Job Fair noong Agosto 15, 2025, lumahok ang 41 kompanya na nag-alok ng mahigit 4,845 lokal at 1,012 overseas na trabaho. Umabot sa 369 aplikante ang nagpatala, kung saan 259 ang agad na natanggap sa trabaho at 110 naman ang isinailalim sa karagdagang panayam.

Kasabay nito, nagsagawa rin ng iba’t ibang skills training upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente. Kabilang dito ang computer system servicing, hilot wellness, kasambahay, welding, at dressmaking.

Ipinatupad din ang mga local recruitment activities, livelihood training, at Lakbay Los Baños na layong sanayin ang mga tour guide sa turismo. Sa larangan ng agrikultura, inilunsad ang coffee production and processing, pamimigay ng fruit-bearing seedlings, at hands-on training sa knife fish processing para sa mga lokal na magsasaka.

Sa ilalim ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita (AKAP) program, 3,893 benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ang nakatanggap ng tulong-pinansyal na nagkakahalaga ng PHP 19,465,000 mula Agosto hanggang Oktubre 2025—patunay ng patuloy na pagtutok ng administrasyon sa inklusibong pag-unlad at kabuhayan ng bawat Los Bañeño.

Tampok din ang iba’t ibang proyekto sa kaalaman at kalikasan, kalusugan at kalinisan, at kaligtasan ng Los Baños sa unang 100 araw ng administrasyon.

Inaasahang magpapatuloy ang mga programang ito upang higit pang mapaunlad ang lokal na ekonomiya at matiyak na walang maiiwang mamamayan sa pag-asenso ng bayan.