Kalidad ng Filipino diet, dapat itaas — UPLB RNDs

Ulat ni Angenina Paulette Damil

Sa gitna ng lumalalang metabolic disorders sa bansa, kailangang palakasin ang mga polisiyang nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng diyeta ng mga Pilipino.

Ito ang binigyang-diin ng Institute of Human Nutrition and Food (IHNF) ng University of the Philippines Los Baños ang pangangailangang Ito ang pangunahing tinutukan sa hybrid seminar na “From Plate to Policy: Strengthening Diet Quality and Policy Measures to Address Overnutrition and Metabolic Disorder in the Philippines” noong Disyembre 2, 2025.

Tinalakay dito nina Dr. Ana Katrina A. Mamino-Ancajas at Teaching Associate Karen Lee D. Monter ang ugnayan ng mga gawi sa pagkain, food environment, at personal choices sa paglala ng metabolic syndrome.

Binigyang-diin ni Dr. Mamino-Ancajas na nananatiling limitado ang akses ng mga low-income households sa masustansiyang pagkain, kaya’t napipilitan silang umasa sa high-calorie ngunit low-nutrition options na nag-aambag sa pagtaas ng metabolic disorders. Giit niya, kinakailangan ang mas matatag na mga polisiya, programa, at interbensiyon na tunay na magpapabuti sa kalidad ng pagkain at buhay ng mamamayan.

Inilahad naman ni Monter ang resulta ng 2021 Expanded National Nutrition Survey (ENNS), kung saan lumabas na tatlo sa bawat sampung Pilipino ang may metabolic syndrome—29% na mas mataas kaysa sa mga naunang tala. Sa masusing pagsusuri gamit ang Philippine Healthy Eating Index (Phil-HEI), Dietary Phytochemical Index (DPI), at Individual Dietary Diversity Scores (IDDS), lumitaw na nananatiling mababa ang diet quality sa bansa.

Sa ikalawang bahagi ng seminar, tinalakay ni Kioh C. Monato ang papel ng buwis sa sugar-sweetened beverages (SSB) sa pagregula ng pagkonsumo ng matatamis na inumin na kaugnay ng type 2 diabetes, obesity, cardiovascular disease, at dental caries. Bagama’t bumaba ang konsumo ng SSBs matapos ang pagpapatupad ng buwis, nananatili umanong hindi tiyak kung malaki ang nagiging epekto nito sa pangkalahatang diet quality ng mga Pilipino.

Kasunod nito, inilahad ni National Nutrition Council (NNC) Nutrition Officer Ellen Ruth R. Abella na wala pang pambansang polisiya ang Pilipinas na tuwirang nakatuon sa pag-iwas at pamamahala ng overweight at obesity. Aniya, nakapokus pa rin ang karamihan sa mga umiiral na programa sa pagresolba sa stunting, wasting, underweight, at micronutrient deficiencies, kaya’t malinaw ang pangangailangan para sa isang komprehensibong framework sa obesity prevention.

Bunga nito, pinangunahan ng NNC ang pagbuo ng National Policy in Addressing Obesity and Other Metabolic Disorder na magsisilbing pambansang balangkas para sa pag-iwas at pamamalakad kontra obesity. Kabilang dito ang Philippine Strategic Plan na nakaangkla sa apat na pangunahing larangan: prevention, management, policy and regulation, at research, monitoring, and evaluation.

Sa kabuuan, iginiit ng “From Plate to Policy” seminar ang kritikal na ugnayan ng siyensya, pampublikong polisiya, at community action sa pagbuo ng mas epektibong solusyon laban sa lumalalang krisis sa diet quality at metabolic health. Muli nitong ipinakita na ang laban para sa mas malusog na Pilipinas ay nakasalalay hindi lamang sa indibidwal na pagpili, kundi sa lakas at direksyon ng mga polisiyang humuhubog sa pagkain ng sambayanan.