Ulat nina Saarah Papa, Rafa Piencenaves, at Emmanuel Pelobello
Sa kasalukuyang rainy season, tumaas ang bilang ng mga kaso ng Influenza-like Illnesses (ILI), isang uri ng sakit na may mga sintomas na kapareho ng trangkaso. Ito ay isang respiratory illness na dulot ng influenza virus na nakakaapekto sa ilong, lalamunan, at baga.
Ang ILI ay isang respiratory illness na nagdudulot ng mga sintomas tulad ng lagnat na hindi bababa sa 38°C, ubo, sipon, sore throat, panghihina, at pananakit ng katawan. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang ILI ay maaaring magtagal ng 10 araw o higit pa at mabilis na kumakalat, lalo na sa mga malamig at saradong lugar.
Ang ILI ay pangunahing naipapasa sa pamamagitan ng droplets mula sa ubo o bahing ng mga taong may sakit. Maaari rin itong kumalat sa pamamagitan ng paghawak sa bibig, ilong, mata, o mga kontaminadong bagay. Mas mabilis din itong kumalat sa mga saradong lugar.
Kung makakaranas ng sintomas ng ILI, mahalagang manatili sa bahay at umiwas sa makikipagsalamuha sa iba, lalo na sa mga “high-risk” na tao tulad ng matatanda, buntis, at mga may chronic diseases. Magpahinga, uminom ng paracetamol para sa lagnat, at kumain ng masustansyang pagkain. Huwag kalimutang maghugas ng kamay upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa ILI at flu ay ang pagpapabakuna. Mahalaga ring magsuot ng face mask at mag-obserba ng social distancing. Sa mga hindi pa nagkakaroon ng flu shot, magtungo sa pinakamalapit na health center upang magpabakuna at maprotektahan ang sarili laban sa flu at iba pang uri ng respiratory illnesses.
Mga sanggunian
https://www.who.int/teams/global-influenza-programme
https://www.philstar.com/nation/2025/09/28/2475903/rise-flu-cases-reported
https://www.instagram.com/p/DPs8N1RDqZO/?utm_source=ig_web_copy_link