Ulat ni Marian Zoe Ramirez
Lumilipad na balahibo, kumakawag-kawag na buntot, at masayang mga estudyante—ilan lamang ito sa mga tanawin tuwing makakasama ang mga asong miyembro ng BARKada at CATropa, isang Animal-Assisted Intervention (AAI) program ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA). Makikita sila tuwing Lunes hanggang Biyernes sa UPLB Learning Resource Center (LRC).
Inilunsad noong 2021, layunin ng programa na maghatid ng suporta para sa mental health ng mga estudyante sa UPLB, at palakasin din ang kanilang physical, mental, and social well-being. Ayon sa mga pag-aaral, ang pakikipag-ugnayan sa mga hayop ay nakababawas ng stress at negatibong emosyon, habang nakadaragdag ng kasiyahan at motibasyon.
Tatlong Uri ng AAI
-
Animal-Assisted Activities (AAA) – mga kaswal at nakaka-relax na aktibidad upang makatulong magpababa ng stress at makapagbigay ng dagdag na gana at focus.
-
Animal-Assisted Therapy (AAT) – mas nakatutok sa pagtulong sa mga mas seryosong mental health issues sa tulong ng mga hayop.
-
Animal-Assisted Education (AAE) – mas structured at goal-oriented, gamit ang mga hayop upang mas mapaengganyo ang pagkatuto.
Kilalanin ang ilan sa fur staff
Sylvie
Si Sylvie ay isang Pembroke Welsh Corgi na ipinanganak noong ika-24 ng Marso, 2022. Isa siyang masiglang aso na mahilig makipaglaro kasama ang ibang mga estudyante. Marunong siyang maupo o sumalo ng mga treats kapag inuutusan, at gustong-gusto niya kapag ginagamitan ng suklay ang kanyang balahibo. Mahilig din siya sa mga dog biscuits, at mas gusto niya ang solo sessions kaysa makisama sa ibang mga aso.
Bailey
Si Bailey ay isang Golden Retriever na ipinanganak noong ika-17 ng Marso, 2024. Siya’y mabait na asong kadalasang nakikita sa opisina na nakaupo o nakahiga. Pero kahit ganoon, mahilig pa rin siya sa mga aktibidad sa labas, at natutuwa siya sa mga belly rubs na nakukuha niya mula sa mga bisita.
Bobbi
Si Bobbi ay isang Pembroke Welsh Corgi din, katulad ni Sylvie, at siya’y ipinanganak noong ika-23 ng Marso, 2022. Sa kanilang dalawa, si Bobbi naman ang proud na ina ng LRC Corgi Squad. Bilang isang tahimik at kalmadong aso, mas gusto niyang manatili sa loob ng gusali habang nakikihalubilo kasama ang ibang mga estudyante. Mahilig din siyang makakuha ng belly rubs at dog treats mula sa mga bisita.
Simba
Bilang isa pa sa mga napaka-energetic na fur staff, si Simba ang pangalawang Golden Retriever ng BARKada na mahilig sa mga aktibidad na panlabas tulad ng paglalakad at pagtakbo sa malalawak na mga espasyo. Kapag nasa loob, mas gusto niyang umupo malapit sa kanyang supervisor habang binibigyan siya ng belly rubs at yakap ng mga bisita. Malapit na rin ipagdiriwang ang kanyang kaarawan dahil siya’y ipinanganak noong ika-30 ng Mayo, 2023.
Patches
Si Patches, ang pinakamaliit at pinaka-behaved na fur staff sa grupo, ay isang Chihuahua na ipinanganak noong ika-22 ng Hunyo, 2022. Mahilig siyang buhatin na parang sanggol, at kapag nakaupo sa mesa, mas gusto niyang gumamit ng unan bilang kutson. Mahilig siya sa mga treats at palagi siyang sabik batiin ng mga bisita sa LRC.
Scout
Isa si Scout sa mga Golden Retriever ng grupo. Ipinanganak siya noong ika-5 ng Abril, 2023, at isa rin siya sa mga masisiglang aso ng BARKada. Mahilig siyang lumibot sa opisina at learning hub upang batiin ang mga bisita o estudyanteng nag-aaral. Mahilig din siyang makipaglaro sa mga estudyante at kapwa niya fur staff.
Anim lamang sila sa mas malaking pamilya ng BARKada at CATropa—at patuloy pang nadaragdagan. Kung nais mong isali ang iyong alagang hayop o maging bahagi ng programa, puwede kang maging:
-
PAWtner (handler na may therapy animal)
-
PAWtroller (Animal Welfare Team)
-
PAWcilitator (Peer Support)
-
PAWlunteer (Steward)
Makipag-ugnayan sa kanila sa Facebook Group ng UPLB BARKada at CATropa, sa email na [email protected], o sa landline na (049) 536-2238.
Ang kanilang schedule ay nagbabago kada semestre, kaya’t abangan ang mga anunsyo.
Mga Sanggunian:
University of the Philippines Los Baños (2022). Students engage in “pet therapy” for finals week. University of the Philippines Los Baños. https://uplb.edu.ph/all-news/students-engage-in-pet-therapy-for-finals-week/
Jose, R. L. (2021). Animal-Assisted intervention in the Philippines: the case of Communitails. DSpace Repository. http://dspace.cas.upm.edu.ph:8080/xmlui/handle/123456789/1681
The Philippine Animal Welfare Society (n.d.). https://paws.org.ph/dr-dog/
BARKada at CATropa (n.d.). BARKada at CATropa, Animal-Assisted Intervention Program [Brochure].
