Kontaminadong tubig-poso natuklasan sa Los Baños

Ulat nina Loreilane Cristianne Cases at Liane Ona

Nagpasa ng mga resolusyon ang Pamahalaang Bayan ng Los Baños upang tugunan ang mga panganib sa kalusugan na dulot ng paggamit ng tubig-poso bilang inuming tubig. Ito ay kasunod ng isang pag-aaral na nagpakita ng posibleng kontaminasyon at presensya ng antimicrobial resistant na bacteria sa ilang pinagkukunan ng tubig sa bayan. Ito ay ayon sa isang ulat ng Philippine Information Agency (PIA) Calabarzon.

Ang nasabing pag-aaral ay pinangunahan ng Microbiology Division, Institute of Biological Sciences ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).

Ayon kay Municipal Councilor Muriel Laisa Dizon, chairperson ng Committee on Health, Nutrition and Sanitation, layon ng mga resolusyon na maiwasan ang posibleng krisis pangkalusugan at matiyak ang maagap na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa mga banta sa kaligtasan ng publiko. Isa sa mga hakbang ang mas pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) at ng munisipyo para sa magkatuwang na pagtukoy at pagsusuri ng mga artesian wells, pagbabalangkas ng mga rekomendasyon sa pamamahala, at pagbibigay ng teknikal na tulong sa mga apektadong komunidad.

Kasama rin sa resolusyon ang pag-aatas na ipagkaloob sa Sangguniang Bayan ang mga pag-aaral ng UPLB na may implikasyon sa kalusugan ng publiko, upang magsilbing batayan sa paggawa ng mga polisiya at crisis management. Dagdag pa rito, pinalalakas din ang pagpapatupad ng municipal ordinance na umaayon sa Philippine Water Code o Presidential Decree No. 1067, sa pamamagitan ng mas malawak na information dissemination hinggil sa wastong paggamit, pamamahala, at regulasyon ng mga poso sa loob ng Los Baños.

Ayon kay Dizon, ang mga balon ay hindi itinakda para sa direktang domestic o inuming paggamit, bagaman patuloy pa rin itong ginagamit ng ilang residente para sa paghuhugas, paliligo, at iba pang pangangailangan. Nakikipag-ugnayan na rin ang lokal na pamahalaan sa Municipal Health Office at mga opisyal ng barangay upang mapabilis ang disinfection procedures at makabuo ng pangmatagalang solusyon para sa ligtas at matatag na suplay ng tubig sa munisipalidad.

Sa tatlumpung sampol ng tubig na sinuri ng pag-aaral, walong sampol ang nagpakita ng kontaminasyon ng dumi ng tao, at tatlo ang nakumpirmang positibo sa Escherichia coli o E. coli.

Higit pang natuklasan ng pag-aaral na ang ilan sa mga E. coli isolate ay may resistensya sa iba’t ibang uri ng antibiyotiko. Isa sa mga isolate ang natukoy na lumalaban sa apat na antibiyotiko, kabilang ang cefoperazone, meropenem, ofloxacin, at trimethoprim-sulfamethoxazole. Sa pamamagitan ng molecular analysis, natukoy rin ang presensya ng TEM gene, isang beta-lactamase gene na nagbibigay kakayahan sa bakterya na maging resistant sa mga beta-lactam antibiotics.

Napag-alaman din na ang isa sa mga kontaminadong pinagkukunan ng tubig ay ginagamit bilang inuming tubig ng humigit-kumulang sampung kabahayan, na nagpapakita ng seryosong banta sa kalusugan ng komunidad. Ayon sa mga mananaliksik, ang presensya ng multi-drug resistant bacteria sa mga pinagkukunan ng tubig ay maaaring magpataas ng panganib ng mga sakit na mahirap gamutin at magdulot ng karagdagang komplikasyon sa pampublikong kalusugan.

Binigyang-diin ng pag-aaral ang pangangailangan para sa regular na pagsusuri ng tubig-poso, mas mahigpit na pamamahala sa mga pinagkukunan ng tubig, at pagpapalawak ng akses sa ligtas at nasuring inuming tubig. Ipinapakita rin nito ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan at mga institusyong akademiko sa pagpapanatili ng kalidad ng tubig at pagprotekta sa kalusugan ng mga komunidad.