Ulat nina Julia Caballero at Gwen Salespara

TINIG AT TAGUMPAY. Tampok ang husay at diwa ng musikang Pilipino sa pagtatanghal ng HimigEskultura sa ika-8 Biñan National Choral Festival, sa pangunguna ng konduktor na si Carlos Domingo Pullan. (Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office [BHACTO]/Facebook).
Bagaman nasa murang edad, si Pullan ang nagsisilbing puso ng Himig Eskultura Chorale, isang grupong isinilang mula sa pangarap, tiyaga, at pagtataguyod sa kabila ng samu’t saring pagsubok.
Para sa marami, ang musika ay isang simpleng libangan. Ngunit para kay Pullan, ito ang wika ng kanyang kaluluwa—isang panata para sa sining at para sa kapwa artistang Pilipino.

PARANGAL PARA SA SINIG. Tinanggap ni Carlo Domingo Pullan ang sertipiko ng pagkilala sa entablado ng ika-8 Biñan National Choral Festival—patunay ng kanyang dedikasyon sa musika at masigasig na pagtataguyod nang napiling larangan. (Photo from: Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office [BHACTO] Facebook page.)
Hindi naging madali para kay Carlo Domingo Pullan ang unang hakbang sa mundo ng musika. Noong siya ay nasa ika-apat na baitang, sumubok siyang sumali sa choir ngunit mabilis din natanggal. Isang matamis na pagkatalo na tila nagbukas ng oportunidad para mas magkaroon nang matibay na determinasyon. Hindi siya sumuko; sa halip, ginamit niya ang pagkakatanggal na iyon upang mas pagbutihin ang kanyang sarili. Paglipas ng isang taon, bumalik siya sa choir na may mas matatag na loob at mas malalim na pagtingin sa mundo ng musika.
Mula sa unang pagkakatanggal niya sa choir noong elementarya, unti-unting umangat si Pullan sa piniling larangan, bitbit ang dedikasyon at kagustuhang patunayan ang sarili.
Sa junior high school, lalo pang lumalim ang kanyang pag-unawa sa mundo ng choral. “Hindi lang pala ito basta kanta at harmony,” ani Pullan. Natutuhan niyang ang musika ay hindi lang basta tamang timpla ng pagkakasabay-sabay ng mga boses at mga instrumento; ito ay isang sining na may puso ay kaluluwa. “Noong sumali kami sa mga National at International competitions — doon ko napatunayan na ito ang gusto kong gawin. Ito ay tunay kong passion,” dagdag pa niya.
Sa tulong at gabay ng kanyang dating kundoktor sa Nicolas L. Galvez Memorial Integrated National High School, natagpuan niya ang direksyon na tatahakin sa Kolehiyo—hindi lamang bilang isang tagapagtanghal kundi bilang tagapagtaguyod ng mayaman na sining at kulturang Pilipino.
“Sa LSPU, kinausap ko si Sir Melvin Guache. Hindi ko na matiis—gusto ko nang simulan ang choir,” aniya. At doon isinilang ang HimigEskultura, isang choir sa loob ng unibersidad na sumasalamin sa pinagsama-samang pangarap, sipag, at pagmamahal sa sining ng bawat miyembrong bumubuo rito.
Ang Sining Bilang Serbisyo at Adbokasiya
Sa paghawak ni Pullan ng posisyon ng pagiging konduktor ng HimigEskultura, unti-unti niyang naramdaman ang bigat ng responsibilidad. Hindi lang basta pagkanta ang kanyang inaalagaan; kailangan din niyang siguraduhing maayos ang samahan at kapakanan ng bawat miyembro.
May mga pagkakataong siya’y napapagod at napanghihinaan ng loob sa tuwing sumasagi sa kanyang isip kung may napatutunguhan pa ba ang oras at lahat ng paghihirap na binubuhos ng grupo. Ngunit napapalitan ito ng kasiyahan tuwing naririnig niya ang magandang resulta ng kanilang halos araw-araw na pag-eensayo. Muling nananabik ang puso niya at naaalala ang dahilan kung bakit niya pinili ang landas na ito.
Para kay Pullan, ang musika ay higit pa sa isang sining. Ito ay adbokasiya na naglalaman ng tinig at kultura ng kanyang probinsya, pati na rin ng iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas. Sa bawat pagtatanghal, hindi lamang talento ang kanilang ipinapakita kundi pati ang malasakit at pagpapahalaga sa kultura ng bansa.

KUMPAS NG PAG-ASA. Buong puso’t giting na itinataas ni Carlo Domingo Pullan ang kumpas sa entablado sa ika-8 Biñan National Choral Festival, habang inilalahad ng HimigEskultura ang diwa ng musikang Pilipino sa bawat tinig at pag-awit. (Biñan Metropolitan Chorus/Facebook).
Mga Hamon ng Artistang Lokal
Tulad ng maraming lokal na alagad ng sining, kinakaharap din ng grupo ang kakulangan sa pondo para makapagtanghal. “Kulang talaga pagdating sa financial support, lalo na sa costumes. Yung mga piyesa na kinakanta ng choir, binibili talaga ’yan. Hindi mo pwedeng basta kantahin kung magko-compete ka.”
Bagaman kinikilala sila sa ilang mga imbitasyon mula sa munisipyo, hindi ito sapat upang tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta.
Maraming nagsasabi na “walang pera sa art,” ngunit para sa katulad ni Pullan, isang malaking pagkakait ito sa yaman ng lalawigan—lalo na sa musika. Ang Laguna, aniya, ay hindi lamang tahanan ng mga mananayaw kundi ng napakaraming tinig at tugtuging naghihintay marinig, masuportahan, at mapalago.
Boses ng Institusyon: Ang Papel ng Turismo at Kultura
Ang pagtataguyod ng sining sa Los Baños ay hindi lamang nasa kamay ng mga artist; katuwang din nila ang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga programang pangkultura ng Los Baños Tourism Office. Sa pangunguna ni Ms. Edmarie Calungsod, Municipal Tourism Office Head, isa siya sa mga naniniwala na mahalaga ang papel ng kabataan sa pagpapatuloy ng kultura at sining ng bayan. Para sa kanya, ang mga personal na kwento—tulad ng kay Pullan—ay nagpapatunay na ang sining ay higit pa sa libangan; isa itong paraan ng pagbuo at pagpapakilala ng ating pagkakakilanlan bilang isang komunidad.
Ibinida rin ni Calungsod ang naging ugnayan ng kanilang opisina sa mga lokal na artist at tagapagsanay mula sa Philippine High School for the Arts (PHSA) at MakiSining: The Makiling Art Group. Sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya ng Miracles of Makiling, mga workshop, at ilang programang inilunsad ng opisina, nabibigyan ng pagkakataon ang kabataan na mas mailubog ang sarili sa iba’t ibang anyo ng sining—mula sa mural painting hanggang sa pagsasayaw at iba pang uri ng pagtatanghal tulad ng buskings.
Gayunman, aminado siyang may mga kakulangan pa rin. Wala pa umanong kongkretong grant system o pormal na talaan ng mga artist sa bayan. “Pero ongoing ang tourism development plan, ito ang susunod naming hakbang—ang mas konkretong suporta at representasyon,” aniya.
Pagkilala, Pagpupugay, at Pagpapatuloy
Hindi lamang talento ng mga artista ng bayan, tulad ni Carlo Domingo Pullan, ang nagsusulong ng pag-unlad para sa sining, musika, at kultura kundi pati na rin ang buong komunidad. Mula sa binibigay na suporta ng mga taong naniniwala sa kanila, tiwala ng lokal na pamahalaan, at ang mga kasamang gumagawa ng paraan upang mas lalong palakasin ang larangan ng sining.
Hindi maitatanggi na sa likod ng pagtatanghal, may mas malalim na tanong na dapat sagutin: Sapat ba ang pagkalinga natin sa mga artista ng bayan tulad ni Pullan?
Para sa mga tagapagtulak ng sining sa Los Baños, ang sagot ay “hindi pa, ngunit patuloy.” Ayon nga kay Calungsod, “Mauubos lang ang programa kung walang sasali.” Sa puntong ito, ang sining ay hindi lamang pagtatanghal, kundi panawagan para sa mas matibay na suporta, mas malawak na pagkilala, at mas buhay na pagsulong sa pagpapatuloy nito.
Tinig ng Hinaharap
Higit pa sa isang pagiging konduktor, pangarap ni Pullan ang isang mas matibay na espasyo para sa lokal na sining. Isang espasyo na may sapat na oportunidad, sapat na pagkakakilanlan, at higit sa lahat sapat na suporta para sa mga artistang tulad niya. Para sa kanya, kailangang may mapagkukuhanan hindi lang ng pondo kundi ng kaalaman at inspirasyon, upang mas lalong umusbong ang sining sa bawat sulok ng bayang madalas nakalilimutan.
Sa mga kabataang sumusubok sa landas ng sining, dala niya ang simpleng paalala, “Huwag kang mawawalan ng tiwala sa sarili dahil ito ang magtutulak sa’yo para gawin ang anumang gugustuhin mo. Matutong tumanggap ng oportunidad. Doon ka matututo.” Dahil sa bawat pagtanggap ng hamon, doon nahuhubog ang galing—at higit pa, ang puso.
At sa bawat kumpas ng kanyang kamay, sa bawat tinig na kanyang pinangungunahan, hindi lamang musika ang nalilikha—kundi isang kolektibong paalala ng pangarap, pagkakakilanlan, at pag-asa. Ito ang kumpas ng pangarap ni Carlos Domingo Pullan. Pinalalakas ng himig ng bayan. Lalo’t higit ng Himig ng hinaharap.