Ulat Nina Ma Danjoemel Alonte at Karl David Encelan
Nanguna ang Laguna sa mga lalawigang may pinakamalaking bahagi sa Pambansang Gross Value Added (GVA) ng Industriya sa Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas sa taong 2024 ayon sa pinakahuling ulat ng PSA.
Batay sa ulat ng Kalagayang Pang-ekonomiya ng 82 lalawigan at 33 Highly Urbanized Cities (HUCs) noong 2024, umabot sa 44.9% o tinatayang ₱6.47 trilyon ang pinagsamang ambag ng mga nangungunang lalawigan at siyudad sa Pambansang Gross Value Added (GVA) ng Industriya.
Pinakamalaki ang naging bahagi ng Laguna sa pambansang GVA ng Industriya na umabot sa 9.9% o tinatayang ₱639. 51 bilyon. Kasunod ng Laguna ang mga karatig lalawigan nito sa CALABARZON tulad ng Cavite na may 5.9% o tinatayang aabot sa ₱383. 68 bilyon habang pumangatlo naman ang Batangas na may 5.8% o katumbas ng ₱375.91 bilyon.
Mula sa datos ng PSA, 59.2% ng Gross Domestic Product (GDP) ng Laguna ay mula sa sektor ng Industriya. Pinakamalaking bahagi nito ang industriya ng manufacturing na may 54.7% o tinatayang ₱591.67 bilyon na sumasalamin sa mahalagang papel ng Laguna bilang sentro ng pagmamanupaktura sa bansa. Kapwa naman itong sinundan ng industriya ng construction, pati na rin electricity, steam, water at waste management na parehong bumubuo sa 2.2% o humigit-kumulang ₱23.91 bilyon at ₱23.82 bilyon ng kabuuang GVA sa Industriya ng Laguna. Samantala, 0.01% o tinatayang nasa ₱ 105.9 milyon naman ang bahagi ng industriya ng mining at quarrying sa lalawigan.