Ulat nina Charisse Platon at Samantha Morales
Nakilahok ang mga mag-aaral ng Los Baños Central Elementary School (LBCES) sa “BINHI: Sowing Seeds of a New Generation Journalists,” isang pagsasanay sa campus journalism na isinagawa noong Setyembre 13 at 20, 2025. Layunin ng programa na paunlarin ang kasanayan ng mga mag-aaral sa pamamahayag bilang paghahanda sa District Schools Press Conference (DSPC).
Sa pangunguna ng School Paper Advisers (SPA) na sina Normelita V. Torino at Kent Hermie A. Marciano, nakipag-ugnayan ang LBCES sa UPLB College of Development Communication (CDC), partikular sa NSTP 2 – CWTS Section DCC1, katuwang ang Los Baños Times. Kabilang sa mga kalahok ang 30 mag-aaral mula sa Tinig Timugan at Southern Echo, ang dalawang pahayagan ng paaralan.
Tinalakay sa unang araw ng pagsasanay ang mga kategoryang News Writing, Editorial Writing, Editorial Cartooning, Science and Technology Writing, at Copyreading and Headline Writing. Nagpatuloy naman sa ikalawang araw ang mga sesyon para sa Collaborative Desktop Publishing, Photojournalism, Feature Writing, Sports Writing, Column Writing, at iba pang kategorya. Pinagsama sa bawat sesyon ang lektura at praktikal na pagsasanay upang malinang ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang anyo ng pagsulat at pamamahayag.
Matapos ang serye ng mga lektura, sumailalim ang mga mag-aaral sa mga aktibidad sa pagsusulat at pagsusuri ng output. Nagbigay ng puna at gabay ang mga tagapagsalita mula sa NSTP 2 – DCC1 upang matulungan ang mga kalahok na mapahusay ang kanilang gawa.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga School Paper Advisers sa pakikipagtulungan ng Los Baños Times at NSTP class. Ayon kay Torino, malaking tulong ang pagsasanay upang maihanda ang mga mag-aaral sa darating na kompetisyon. Kasama rin sa patnubay ang iba pang SPAs at coaches na sina Nancy D. Guttierez, Rosalyn L. Maregmen, Angela V. Sulit, Amalia C. Olpot, Jamaica O. Cantillo, at Jecel Reyes.
Pinangunahan ang proyekto nina Charisse Marianne C. Platon bilang Project Head at Samantha Andrea A. Morales bilang Project Co-Head, sa pangangasiwa ni Asst. Prof. Miguel Victor Durian bilang Faculty-in-Charge. Naging katuwang din ng LBCES ang Tanglaw at UP Community Broadcasters’ Society, Inc.
Kasunod ng pagsasanay, lumahok ang mga mag-aaral ng LBCES sa District at Division Level Press Conference kung saan nakamit nila ang iba’t ibang parangal. Ilan sa mga kalahok ang nakapag-qualify upang lumaban sa Regional Schools Press Conference (RSPC).
