Ginanap noong umaga ng Agosto 22 at 23 ang libreng cataract screening para sa mga senior citizens ng Los Baños, sa Bagong Los Baños Ambulatory and Urgent Care Center sa Brgy. Mayondon. May 18 na mga senior citizens ang nakapagpatingin sa dalawang araw na ginanap ang cataract screening, na isinagawa ng Los Baños Municipal Health Office, katuwang ang Healthserv Los Baños Medical Center.
Ayon kay Brgy. Health Worker Rosemarie Villamor, kailangan lamang dalhin ng senior citizen ang kanilang PhilHealth card upang magpatingin ng kanilang mata. Kung sakaling makakitaan sila ng katarata, sila ay ipapa-schedule para sa libreng cataract operation, na gagawin sa Eye Center ng HealthServ LB. Sasagutin ng PhilHealth ang gastusin sa operasyon, pati na ang mga materyales at gamot. Alinsunod ito sa PhilHealth Circular 2025-0001, na nagpatupad ng “enhanced benefits package for extracapsular cataract extraction with insertion of intraocular lens”.
“Yung cataract, ang only treatment noon is surgical,” paliwanag ng ophthalmologist na si Dr. Emilio Serafin Adriano. “So basically, we remove the cataract and then we replace the cataract with an artificial lens, that supposedly is tailor-made for the patient,” aniya.
Sa 18 na pasyenteng natignan, 11 ang na-diagnose na may cataract, ngunit hindi lahat sa mga ito ay ay maaaring operahan. Ayon kay Dr. Adriano, kung ang pasyente ay may ibang karamdaman sa mata, katulad ng glaucoma o retinal problems, o karamdaman sa katawan tulad ng diabetes, maaaring hindi makatulong ang surgery sa kanila. “Even if you perform the surgery, hindi siya magiging optimal o hindi siya masyado lilinaw. That’s why it’s very important to screen patients (so that) at least you could guarantee a very good outcome after the (cataract) surgery,” aniya.
Ang cataract screening na isinagawa sa Ambulatory Clinic ay ang ikatlong ginawa ng Los Baños Municipal Health Office ngayong buwan ng Agosto. Nanuna nang nagkaroon ng screening sa Mayondon Health Center at sa LB Rural Health Unit, ayon kay BHW Villanueva.
Ayon sa PhilHealth, ang pagkabulag at paglabo ng paningin ay kabilang sa 20% na mga pinakamabigat na karamdaman sa Pilipinas; samantalang katarata ang pinaka-karaniwang dahilan ng visual impairment, batay sa datos ng Philippine Eye Research Institute (PERI). Ayon sa World Health Organization, ang katarata ay ang paglabo ng ilang bahagi ng lens ng mata, at karaniwang nakaka-apekto sa mga nakatatanda. Maaari din itong mangyari sa ilang mga bata, sa mga taong nakaranas ng injury sa mata, sa mga taong may glaucoma o diabetes, o sa mga gumamit ng steroids. Ayon sa LB MHO, may limang karaniwang senyales ng katarata: Malabo, Mausok, Maliwanag, Maputla at May Bilog.
Ayon sa pag-aaral ng PERI, tinatayang nasa isang milyong Pilipino ang apektado ng katarata; at nasa 300,000 sa mga ito ang nangangailangan ng cataract surgery. Bukod dito, pinuna rin ng pag-aaral ang pagkakaroon ng glaucoma at diabetic retinopathy sa mga pasyenteng malinaw ang paningin. Payo ng PERI, pag-igtingin pa ang vision screening at treatment programs upang agad na ma-detect ang mga kondisyon na ito, at mapigilan ang pagkabulag ng mga tao dahil sa mga ito.
Para sa mga susunod na schedule ng screening, mag-abang sa anunsyo sa Los Baños Municipal Health Office Facebook Page.
