Ulat ni Julia Malabanan
Ginanap ang Los Baños Awards 2025 bilang bahagi ng ika-24 na Bañamos Festival upang kilalalanin ang mga huwarang mamamayan, organisasyon, negosyo, at establisimyento na nagpakita ng malasakit, dedikasyon, at malikhaing inobasyon para sa bayan noong Setyembre 17, 2025 sa CPP Memorial Stadium and Evacuation Center.
Tampok dito ang apat na pangunahing kategorya: Gawad Dangal para sa malikhaing solusyon na iginawad sa Bayog Elementary School sa pangunguna ni Principal Marvin Alemaña Umali, Ed.D., para sa Project UHAW; Gawad Lingkod Bayan para sa tapat na serbisyo na tinanggap ng Rotary Club of Los Baños Makiling sa proyekto nilang Unite For Good; Gawad Kasalag ng Bayan para sa pangangalaga ng kalikasan at kahandaan sa sakuna na tinanggap din ng Rotary Club of Los Baños Makiling sa pamumuno ni Mr. Jon Albert T. Dequilla; at Gawad Sulo para sa malinaw na epekto ng proyekto sa komunidad na iginawad kay Josefa Sevilla-Eusebio, RND, MSc., PhD., para sa BIDANI Development Foundation Inc.
Kabilang sa mga kinilala sa seremonya ang Mernel’s Food Corporation bilang isa sa LB Iconic Businesses at ang Laresio Lakeside Resort and Spa na itinanghal bilang Most Visited Tourism Establishment in 2024. Sa usapin ng buwis, nanguna ang Sanford Marketing Corporation (Savemore) sa Top Ten Taxpayers, habang kabilang sa Taxpayer Hall of Fame ang Euro Products Inc. Bilang pagwawakas, ginawaran din ng Posthumous Awards sina Hon. Mark Lester B. Dizon, Hon. Procopio A. Alipon, at Hon. Caesar P. Perez bilang pagpupugay sa kanilang naiambag sa bayan.
