Low-GI Rice, tugon sa lumalalang Diabetes?

Ulat nina Gian Mendoza, Gian Duran, at Cindrel Lapitan

LOW GI, HIGH PROTEIN. Ang International Rice Research Institute (IRRI) ay kasalukyang nagpapasibol ng mga uri ng white rice na mababa ang glycemic index at mataas sa protina para sa mga diabetics. (Larawan mula sa IRRI)

Hirap huminga, laging pagod, at tila wala nang gana sa pang-araw-araw. Ganito inilarawan ni Carlo R. Caspillo, 27, at residente ng Barangay San Antonio, ang mga unang linggo bago niya malaman na siya pala ay may borderline diabetes.

“Lagi po akong inaantok, tapos parang nanghihina,” kwento niya habang inaalala ang araw na nagbago ang takbo ng kanyang buhay. Hindi na niya mawari ang nararamdamang matinding pagkapagod, gutom na hindi maipaliwanag, at panlalabo ng paningin na kalaunan ay napatunayang sintomas ng isang kondisyong libu-libong Pilipino ang nakararanas araw-araw.

Nadiskubre ni Caspillo ang kanyang kondisyon matapos sundin ang payo ng ina na magpakonsulta sa doktor. “Bigla po akong nalungkot kasi borderline na po ako. Doon ko na-realize na kailangan ko nang baguhin ang pagkain ko,” saad niya. Mula noon, kasama na sa kanyang araw-araw ang pag-inom ng maintenance medicine at pag-iwas sa matatamis, pati na rin ang paghahati sa kanin — mga pagbabagong hindi niya inakalang magiging kasinghirap.

“Gusto ko sanang bumili ng brown rice o low-GI rice, kaso po mahal,” sabi ni Caspillo. May tanim silang gulay sa bakuran, ngunit hindi ito sapat para sa kanyang pangmatagalang dietary needs. “Mahirap po talaga. Kung ano na lang po ang kaya, ‘yun na lang,” dagdag pa niya.

Ang karanasan ni Caspillo ay hindi lamang personal na pakikibaka — ito ay salamin ng laban ng napakaraming Pilipino laban sa diabetes.

Blood glucose monitor na kalimitang ginagamit ng mga diabetics.

Ang white rice ay parte na ng kulturang Pilipino — madaling hanapin, abot-kaya, at pinagkukunan ng kabusugan lalo na’t mas mahal ang karne at ibang ulam. Ngunit para sa mga may diabetes, maaaring maging problema ito dahil mataas ang glycemic index (GI) ng white rice, ibig sabihin mabilis nitong pinapataas ang blood sugar. Ito ay dahil tinanggal na ang bran at fiber sa pag-proseso nito, kaya mas madali itong maging glucose sa dugo kumpara sa unpolished o whole-grain rice gaya brown, red, o black rice.

Ayon sa 2023 National Nutrition Survey, tinatayang 50 porsyento ng kinakain ng mga Pilipino ay kanin. Dito rin nila kinukuha ang kailangang protina, hindi sa karne. Ito ay na labis-labis sa inirerekomenda para sa isang mabuting kalusugan.

Lumolobong bilang ng mga Pilipinong may Diabetes

Ayon sa International Diabetes Federation (IDF) Diabetes Atlas, may tinatayang 4.7 milyong Pilipino ang may diabetes noong 2024, isa sa pinakamataas sa rehiyon. Higit pa rito, tinatayang 53.5% sa kanila ay hindi pa diagnosed, na nangangahulugang marami ang namumuhay nang hindi alam ang panganib sa kanilang kalusugan.

Makikita rin sa datos na ang age-standardised prevalence ng diabetes sa Pilipinas ay nasa 8%, at inaasahang tataas sa 9% pagsapit ng 2050. Sa madaling sabi, isa sa bawat 12 adultong Pilipino ang may diabetes — at posibleng mas dumami pa sa mga susunod na dekada.

Hindi lamang ang pagdami ng kaso ang nakakabahala — malaki rin ang bilang ng mga namamatay dahil sa diabetes. Ayon sa World Health Organization (WHO), tinatayang 68.5% ng non-communicable diseases (NCDs) ang sanhi ng kamatayan ng mga Pilipino, at kabilang dito ang diabetes mellitus.

Sa pinakabagong datos ng WHO, malinaw na kabilang ang diabetes mellitus sa nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas, na may 30.7 deaths per 100,000 population. Sa madaling sabi, isa ang diabetes sa mga pangunahing “silent killers” sa bansa  kasama ng sakit sa puso, stroke, at pneumonia.

Dagdag pa rito, ang diabetes mellitus ang panglima sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino noong 2024, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). May direkta ring kaugnayan ito sa ischemic heart at cerebrovascular diseases, ang una at pangatlo sa listahan, dahil ang matagal na hindi nakokontrol na diabetes ay nakapagpapabilis ng pagkasira ng mga ugat at daluyan ng dugo na nagdudulot ng stroke at heart attack.

Rice culture at ang epekto nito sa diabetes

Kung may pagkaing hindi kayang talikuran ng Pilipino, ito ay kanin — umaga, tanghali, at gabi. Para sa marami, kulang ang pagkain kapag walang kanin.

Ngunit ayon kay Glenn Vincent P. Ong, professional food technologist at Assistant Scientist mula sa International Rice Research Institute (IRRI), dito rin nag-uugat ang problema.

“Hindi kasalanan ng rice ang diabetes,” paglilinaw ni Ong. “Ang tunay na dahilan ay lifestyle at food choices.” Ngunit ang sobrang pagkain ng white rice — lalo na kapag ‘unli-rice’ — ay nagdudulot ng mabilis na pagtaas ng blood sugar dahil halos purong carbohydrate ito.

May mataas na glycemic index (GI) ang mga karaniwang variety tulad ng dinorado at regular long-grain rice, ibig sabihin mabilis itong nagiging glucose sa dugo.

HINDI KASALANAN NG RICE. Si Glenn Vincent Ong sa isang pagsasanay na pinangunahan ng IRRI. (Litrato mula sa IRRI)

Para naman kay Caspillo, malaking hamon ang limitahan ang kanin.

“Mahilig po talaga ako sa kanin… pero dahil sa sakit ko, napilitan akong bawasan ang dating dalawang tasa patungong kalahating tasa bawat kain.”

Low-GI rice ba ang sagot?

Ayon kay Ong, talagang nakakabahala ang pagtaas ng kaso ng diabetes dahil hindi lang kalusugan ang apektado, kundi pati ekonomiya.

“Nakakatakot ito kasi hindi lang sa nutrisyon ng isang tao yung epekto nito, kundi sa economy din natin.”

Isa sa mga tinitingnang alternatibo ng IRRI ay ang low-glycemic index (GI) rice, na mas mabagal gawing sugar sa dugo.

“Low-GI rice slows the conversion of starch to sugar. Hindi agad tumataas ang blood sugar, at mas controlled ang release ng energy. Mas maganda ito para sa diabetic at overweight individuals,” paliwanag niya.

Maganda rin ang balitang halos kapareho nito ang lasa ng regular rice, kaya hindi kailangang isakripisyo ang kulturang Pilipino sa pagkain. May ilang low-GI varieties din na mas mataas ang protein content.

Presyo at pagiging abot-kaya

Ngunit hindi pa rin madaling maabot ng masa ang low-GI rice. Ayon kay Ong, maraming salik ang nakaaapekto sa presyo tulad ng supply and demand, middlemen, at government policies, kaya nahihirapang bumaba ang presyo nito.

Kaugnay nito, nakipagtutulungan ang IRRI sa PhilRice ng Department of Agriculture at University of the Philippines Los Baños upang maparami ang low-GI rice varieties tulad ng PSB Rc 86 at NSIC Rc 182 na sumailalim na sa human trials sa Cagayan at Isabela.

Bahagi na ng kulturang Pilipino ang pagkain ng pagkaing may mataas na glycemic index. Ngunit upang makaiwas sa diabetes at iba pang komplikasyon, mahalagang may disiplina sa pagkain at tamang nutrisyon.

Isa ang low-GI rice sa mga makakatulong sa pag-manage ng blood sugar — ngunit nananatiling susi ang balanseng pagkain at malusog na pamumuhay.

Mga Sanggunian

IRRI researchers identify genes for low glycemic index and high protein in rice. (2024, August 30). International Rice Research Institute. https://www.irri.org/news-and-events/news/irri-researchers-identify-genes-low-glycemic-index-and-high-protein-rice

Philippines. (2025, March 20). Diabetes Atlas. https://diabetesatlas.org/data-by-location/country/philippines/

World Health Organization. (2023). Philippines data | World Health Organization. Data.who.int. https://data.who.int/countries/608