Ulat ni Marchy Bacoy
Pormal nang ipinatupad ng Land Transportation Office (LTO) ang bagong regulasyon sa paglilipat ng pagmamay-ari ng mga sasakyan sa bansa simula Mayo 24, 2025. Sa ilalim ng Administrative Order (AO) AO-VDM-2024-046, ang sinumang bumili ng sasakyan, motor man o kotse, ay mayroong 20 working days mula sa petsa ng turnover o deed of sale upang maisagawa ang transfer of ownership.
Batay sa AO-VDM-2024-046, lahat ng pagbili ng secondhand na sasakyan, kabilang ang motorsiklo at kotse, ay kailangang maisailalim sa opisyal na transfer of ownership sa loob ng 20 working days. Ayon sa LTO, layunin ng panuntunang ito na alisin ang mga “colorum” na sasakyan, linisin ang database ng ahensya at mapanatili ang kaligtasan sa lansangan.
Ang pagbibilang ng 20 working days ay magsisimula alinman sa dalawang petsa: ang araw ng turnover ng sasakyan o ang araw ng pagkapirma ng deed of sale, alinman ang mauna. Kung lalampas sa palugit, maaaring patawan ng multa ang baong may-ari at posibleng lagyan ng “alarm tag” ang sasakyan, na makakaapekto sa registration, renewal at mga iba pang transaksyon.
Sa bagong sustem, hindi na kailangan pang ilipat ang tinatawag na “mother file”, kaya’t maari nang gawin ang transfer sa kahit saang sangay ng LTO. Upang mapadali ang proseso, pwede na ring gamitin ang LTMS online portal o ang bagong LTO Tracker upang subaybayan ang status ng mga dokumento at plaka. May opsyon na rin ang delivery ng plate number sa pamamagitin ng courier.
Para sa mga mamimiling walang access sa kumpletong dokumento (halimbawa, kung hindi makontak ang seller), pinapayagan ng LTO ang paggamit ng Pro-Forma Affidavit, basta’t may litrato at ebidensya ng aktwal na pagmamay-ari.
Ang mga sasakyang nabili bago ang Mayo 24 ay hindi sakop ng 20-working-day rule, ngunit hinihikayat pa rin ang maagang pagproseso bago ang susunod na rehistro.
Sa pagdami ng bentahan ng secondhand vehicles online at sa mga lokal na dealers, paalala ng LTO: Ang hindi pag-alam sa batas ay hindi dahilan upang makaiwas sa pananagutan. Kaya ngayong alam mo na, siguraduhin mong legal ang pagmamay-ari mo.