Ulat nina Anne Jeline Pascua, Karylle Payas, at Ian Carlson Panuelos
Mula sa ghost projects hanggang sa nawawalang pananagutan, patuloy tayong minumulto ng korapsyon. Ngayong Halloween, balikan ang mga pagkilos nito mga nakaraang linggo na naglantad ng mga halimaw sa banga at nagsinag sa aninong bumabalot sa kaban ng bayan.
Noong Setyembre 19, idinaos ang #UPLBWalkout sa Oblation Park—isang kilos-protesta na nilahukan ng tinatayang 7,000 estudyante, guro, REPS, at iba pang kawani at sektor ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB). Layon ng pagkilos na ipanawagan ang pananagutan kaugnay ng mga isyu sa #FloodControlProjects.
Batay sa datos, tinatayang P1.47 trilyon ang inilaan ng pamahalaan mula 2011 hanggang 2025 para sa mga proyektong flood control. Gayunman, lumabas sa mga ulat na humigit-kumulang 60% ng pondong ito ang posibleng nauwi sa katiwalian, sa pakikipagsabwatan umano ng ilang opisyal ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya. Mula P72.90 bilyon noong 2017, umakyat ang pondo sa P248.08 bilyon sa 2025.
Noong Setyembre 21, ipinagpatuloy ng mga delegado mula sa UPLB ang panawagan sa “Baha sa Luneta: Aksiyon sa Korapsiyon” rally sa Luneta-Mendiola. Makalipas ang halos isang buwan, muling nagsagawa ng kilos-protesta ang mga estudyante sa Carabao Park noong Oktubre 17, bilang bahagi ng Youth Day of Action, upang ipagpatuloy ang panawagan para sa pananagutan at reporma.