Mga taga-Pakil, nagsagawa ng lakad-panalangin laban sa Ahunan Dam

Ulat ni Rafael Benavente Borito

PAKIL, Laguna—Nagsagawa ng isang “lakad-panalangin” o prayer rally ang mga residente, environmental groups, at iba pang mga tagasuporta mula sa lalawigan nitong Agosto 23, 2025 upang ipanawagan ang pagpapatigil sa pagputol ng mga puno at konbersyon ng lupain sa Mt. Ping-as at Mt. Inumpog para sa itatayong Ahunan Dam. Nakiisa rin sa rally sina dating presidential candidate Ka Leody De Guzman at dating kongresista Teddy Baguilat.        

Nilakad ng mga lumahok ang mga lansangan ng Pakil upang ipanawagan ang pagpapatigil sa pagputol ng mga puno. Larawang kuha ni Rafael Benavente Borito

Nagsimula ang programa sa isang misa sa San Pedro de Alcantara Parish Church dakong 6:30 ng umaga, sinundan ng isang “lakad-dasal” sa mga lansangan ng bayan, at nagtapos sa Plaza Adonay sa pamamagitan ng isang maikling pagtitipon. Bukas ang aktibidad sa lahat ng Katoliko at hindi Katoliko, kabilang ang mga indibidwal at grupong may malasakit sa kalikasan.

De Guzman at Baguilat, nakiisa sa “lakad-panalangin”. Larawang kuha ni Rafael Benavente Borito.

Ayon sa mga tagapag-organisa, layunin ng rally na ipanawagan ang pagpapatigil ng pagpuputol ng mga punongkahoy sa Mt. Ping-as at Mt. Inumpog, na ayon sa kanila’y isinasagawa ng Ahunan Power Inc. nang walang kaukulang permit. Kabilang sa mga isyung kanilang binigyang diin ang paggamit ng mga hindi lisensyadong power saw, ang sapilitang pagpapalayas sa mga magsasaka, at ang umano’y paglabag ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pagko-convert ng 466 ektaryang lupang agrikultural tungo sa pang-industriyal na gamit, higit sa saklaw ng Environmental Compliance Certificate.

Naghanda ang mga tagapag-organisa ng kariton para sa mga patay na punongkahoy. Larawang kuha ni Rafael Benavente Borito.

“Nakakatakot na nawawala na ang mga ibon at baboy ramo sa kabundukan” ayon kay Fernando Ybardolaza, isang lokal na mamumundok. Para sa kanya at iba pang mamuundok, magsasaka, at mangingisda, malaki ang banta ng proyekto sa kanilang kabuhayan, lalo na sa bentahan ng lanzones at iba pang prutas mula sa kabundukan.

Pinuno ng mga nakilahok sa rally ang mga lansangan ng Pakil. Larawang kuha ni Rafael Benavente Borito.

Binalaan naman ni De Guzman ang panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa sakaling magpatuloy ang konstruksyon, habang inugnay naman ni Baguilat ang proyekto sa umano’y katiwalian at kakulangan ng konsultasyon sa mga mamamayan.

Itinuturing ng mga taga-Pakil na hindi lamang isyung pangkalikasan ang Ahunan Dam kundi isang krisis na apektado ang kanilang kabuhayan, kaligtasan, at maging ang kanilang pananampalataya sa nakaugat sa kalikasan.

***

Ang Ahunan Dam ay bahagi ng Pakil Pumped Storage Hydroelectric Power Project, na naglalayong  magkaroon ng generating output capacity na 1,400 megawatts, ayon sa Ahunan Power Inc. (API). Ang API ay isang joint venture sa pagitan ng JBD Water Power Inc. at Prime Infra, na pagmamay-ari ng negosyanteng si Enrique Razon.

Ayon sa  Center for Environmental Concerns (CEC) – Philippines, ang Ahunan hydropower project ay itatatag sa bayan ng Pakil, Laguna, sa silangang pampang ng Laguna de Bay. Sasakop ang proyekto ng halos 300 ektarya, na kasalukuyang kinatatayuan ng mga barangay ng Baño, Burgos, Rizal, at Taft.

Paliwanag ng CEC,  nag-umpisa ang pagpaplano ng Ahunan power project noong 2021, at inaasahang matapos ito sa taong 2027. Nakatanggap ng kritisismo ang proyekto dahil sa pagkasira ng kagubatan na isasagawa nito. Noong Hunyo 2022, dinakip umano ng mga pulis at militar ang noo’y 69-taong gulang na environmental advocate na si Vertudez “Daisy” Macapanpan matapos itong magsalita sa isang pagpupulong laban sa Ahunan hydropower project.