Mr. and Ms. Los Baños 2025 nagmula sa Batong Malake, Timugan

Ulat ni Maegan Abigail Punzalan

Kinoronahan sina Jan Paolo Ratilla ng Brgy. Batong Malake at Elaiza Tisalona ng Brgy. Timugan sa Mr. and Ms. Los Baños 2025 na ginanap sa CPP Memorial Stadium and Evacuation Center noong Setyembre 18, 2025, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-24 Bañamos Festival.

Naglaban-laban ang 26 na kandidato mula sa iba’t ibang barangay ng Los Baños, kabilang ang iba’t ibang minor awards at premyo mula sa sponsors. Dumaan ang mga kalahok sa mga mahigpit na segment gaya ng swimwear competition, casual interview, at evening gown segment bago napili ang Top 5 na sumabak sa question-and-answer portion.

Tinalakay ng mga tanong ang mahahalagang isyu hinggil sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalakas ng turismo sa bayan, bilang pagpapatibay sa pagkakakilanlan ng Los Baños bilang isang Special Science and Nature City.

Ayon kay Mr. Los Baños 2025 Jan Paolo Ratilla, mahalagang isaalang-alang ang eco-tourism para maisulong ang layuning palakasin ang turismo habang patuloy na pinangalagaan ang mayamang kalikasan ng Los Baños.

Bukod sa korona, nasungkit din ni Ratilla ang walo pang parangal at premyo, habang naiuwi naman ni Tisalona ang anim na pagkilala mula sa nasabing patimpalak.
Samantala, itinanghal na 1st runner-up sina Edmund Velasco ng Brgy. Malinta at Erika Kaligayahan ng Brgy. Anos. Nakamit naman nina John Arvie Madriaga ng Brgy. Maahas at Heather Aquino ng Brgy. Lalakay ang 2nd runner-up.

Para sa mga espesyal na parangal, kinoronahan bilang Mr. and Ms. Science and Nature City sina Cristo Moliñawe ng Brgy. Anos at Atasha Espino ng Brgy. Batong Malake, habang hinirang namang Mr. and Ms. Tourism sina Ken Diwa ng Brgy. Mayondon at Fiona Angeles ng Brgy. Lalakay.

This slideshow requires JavaScript.