Mula kay ina patungong komunidad: Ang breastfeeding journey ng LATCH Los Baños

Ulat nina Daniela Nicole Gavina at Shanez Vivien Soriano

Sentro ng adbokasiya ng LATCH Los Baños ang pagbibigay ng suporta sa mga ina at pamilya sa pamamagitan ng mga breastfeeding classes, pakikipag-ugnayan sa LGUs, at pagpapatibay sa operasyon ng Laguna Human Milk Bank. (LATCH Los Baños/Facebook)

Nagsimula ang breastfeeding journey ni Vanessa Liwanag-Librero, mas kilala bilang “Nanay Vanni,” nang ipanganak niya ang kanyang nag-iisang anak na lalaki. Inihayag niya na hindi naging madali sa kanya ang breastfeeding sapagkat hindi sapat ang nilalabas niya na gatas para sa kanyang anak.

Nakalarawan ang pag-aalala at pag-aalinlangan sa kanyang isipan sapagkat ang kanyang katawan ay hindi makagawa ng sapat na dami ng gatas. Dahil rito, nag desisyon siyang bumili ng ilang kagamitan na posibleng makatulong sa pagpaparami ng kanyang produksyon ng gatas.

Sa lahat ng sinubukan niya para sa pagbibigay ng sapat na suplemento alang-alang sa kanyang anak, ang counseling ang mistulang nagbigay sa kanya ng mga kasagutan.
Isa sa mga klase na dinaluhan ni Nanay Vanni, na naglalayong turuan ng tamang pamamaraan ng breastfeeding, ay isinagawa ng organisasyong LATCH, (Lactation, Attachment, Training, Counseling, Help) Inc. Ito ang nakatulong at nagbigay linaw at gabay sa kanya upang maunawaan ang breastfeeding na nakatulong upang ipagpatuloy niya ang pagpapasuso nang higit sa dalawang taon. Dahil sa magandang layon ng organisasyon, naging kabahagi si Nanay Vanni ng organisasyon bilang volunteer peer counselor.

Naitatag ang LATCH sa Quezon City noong 2006. Pagkalipas ng sampung taon, sinimulan ng ngayo’y chapter head na si Armi Shyr Baticados ang pagtatatag ng LATCH Los Baños, Laguna chapter. Kasama niya sina Vanessa Liwanag-Librero, Ruby Gonzales, at Eloise Rodriguez na mga pawang breastfeeding moms na nakapanayam para sa artikulong ito.
Ang organisasyon ay binubuo ng mga nanay na nagsisilbing mga volunteer upang matulungang protektahan at suportahan ang adbokasiya ng breastfeeding sa pamamagitan ng peer counseling at pagbibigay edukasyon tungkol sa lactation.

Ang proseso sa pagiging volunteer ng LATCH ay nagsisimula sa isang paanyaya para sa mga aplikante.Matapos nito, sila ay sumasailalim sa screening gamit ang isang online form upang matiyak kung sila ay akma sa organisasyon.

LATCH Los Baños/Facebook

Isa sa mahalagang pamantayan sa pagtanggapng mga bagong volunteer ang kawalan ng conflict of interest kaugnay ng Philippine Milk Code. Ang Executive Order No. 51, kilala bilang Philippine Milk Code, ay isang batas na naglalayong magbigay ng ligtas at sapat na nutrisyon sa mga sanggol, itaguyod ang breastfeeding, at maibahagi ang tamang impormasyon tungkol sa paggamit ng milk substitutes at supplements para sa kaligtasan ng mga ina at kanilang sanggol. Upang maging breastfeeding peer counselor,, kailangang mayroon silang hindi bababa saisang taong karanasan sa pagpapasuso at sasailalimsa breastfeeding counseling training.

Ang mga peer counselor ay sumasailalim sa isang intensive training sa tamang breastfeeding position, tamang pag-latch, busting myths tungkol sa breastfeeding, lactation massage, at tamang paraan sa pagbibigay ng counseling.

Ayon kay Librero, itinuturo sa mga training ang wastong paraan ng pagtatanong upang masiyasat ang mga nagpapa-counsel at mas maunawaan ang mga isyung may kinalaman sa kanilang problema sa pagpapasuso.

Noong Hunyo ngayon taon ay kinilala ng University of the Philippines System ang LATCH Los Baños ng Gawad Pangulo Para sa Natatanging Alumni (LATCH Los Baños/Facebook)

Bukas din ang LATCH sa anumang tulong mula sa community action partners. Ito ay tumutukoy sa kahit na sinong indibidwal o organisasyon na nais maging bahagi ng programa ng LATCH Los Baños. Isang halimbawa nito ay ang LB MIYCF Action Team na nabuo noong kasagsagan ng COVID-19 pandemickasama ang Los Baños LGU at ilang civil society organizations

Nakapamahagi ang grupo ng nutrition care packs na nakapaloob sa reusable amBAGs na naglalaman ng mga gulay, bigas, at iba pang sangkap pagluluto. Layunin nito na isulong ang tamang nutrisyon para sa buong pamilya lalu na sa may buntis, sanggol, at maliliit na batang 2 taong gulang pababa.

Katuwang pa din ito ng pag-facilitate ng informal breastmilk-sharing para sa mga sanggol na nangangailangan ng supplemental feeding.

Bukod sa pag-iral ng misinformation ukol sa breastfeeding, isa pang hamon na kinakaharap ng LATCH Los Baños ay ang usapin ng conflict of interest. Ang mga kumpanyang gumagawa ng breastmilk substitute ay bahagi ng isang malaking industriya na may sapat na pondo upang isulong ang kanilang marketing strategies, gaya ng pagbibigay ng scholarships, sponsorships, at iba pa. Nagkakaroon ng posibilidad ng conflict of interest kung may ugnayan ang ilang health professionals sa mga kumpanyang sakop ng regulasyon ng Milk Code.

Ayon kay Baticados, may lugar ang commercial milk formula (CMF) sa kabuuang larawan ng infant feeding at malaya itong magagamit ng mga pamilya kung talagang kinakailangan. Subalit, nagiging hamon kung ang mensahe tungkol sa paggamit ng CMF ay higit na nabibigyang-diin kaysa sa kahalagahan ng breastfeeding—lalo na kung hindi nagtutugma ang payo ng health professionals at peer counselors.

Si Baticados ay naniniwala na mas magiging matibay ang suporta para sa mga mag-iina kung magtutulungan ang mga health professionals at mother support groups tulad ng LATCH upang sama-samang maisulong ang tamang impormasyon tungkol sa breastfeeding.
Isa pa sa mga hamon na kinahaharap ay ang mindset o pananaw ng mga nanay. Ayon kay Librero, kapag may problema sa pagpapasuso, madalas na ang sisi ay naiuugnay sa katawan ng ina—na maaaring may mali o may problema sa kaniyang dibdib. Dahil dito, nagkakaroon ng pakiramdam ang ilang nanay na kailangan nila ng produkto o ibang interbensyon. Subalit, kadalasan ang kasagutan ay nakabatay sa tamang kaalaman tungkol sa lactation at sa paggabay tungo sa wastong paraan ng pagpapasuso.

Sa puntong ito, pumapasok ang mahalagang papel ng mga volunteer peer counselors na nagbibigay-linaw sa mga ganitong isyu. Ang mga organisasyong tulad ng LATCH ay nakatuon sa pagbabahagi ng evidence-based na impormasyon tungkol sa breastfeeding. Kaya’t binibigyang-diin ng LATCH Los Baños ang pagbubuo ng mga programang nakaugat sa breastfeeding at ang pagbibigay ng lactation education para sa mga nanay, tatay, at buong pamilya.

“We depend on the generosity of the people,” wika ni Librero, kaugnay ng kanilang natatanggap na mga kontribusyon mula sa iba’t ibang volunteers at donors.
Higit sa lahat, pinahahalagahan ng organisasyon ang paghikayat sa mga nanay at kanilang pamilya na dumalo sa breastfeeding preparation classes. Sa pamamagitan nito, nahuhubog ang kanilang pananaw at napalalalim ang kaalaman hinggil sa kahalagahan ng breastfeeding sa pagpapatibay ng pundasyon ng kalusugan at kinabukasan ng bawat isa.