Ulat nina Alexandra Ysabelle Macasaet at Juthea Ann Gonzales
Si Kyn Aguirre, isang mag-aaral mula sa UPLB, ay isa sa mga maituturing na halimbawa ng likas na malapit sa community animals. Sa kasalukuyan ay mayroon siyang dalawang pusa na inampon sa pamamagitan ng CATS of UPLB, at kasama niya sa kanyang dormitoryo dito sa Los Baños. Ito ay si Maki, na nakuha niya noong Hunyo ng nakaraang taon, at si Bruno na nakuha naman niya noong Agosto lamang sa taong ito.
Ayon kay Kyn, nagsimula siyang mag-ampon ng mga stray animals noong nasa high school pa lamang siya. Mahilig daw talaga siyang mag-uwi at mag-alaga ng mga hayop, partikular ng mga kuting, sapagkat naaawa siya kapag nakikita ang mga ito sa lansangan. Dagdag pa niya, minsan daw niyang narinig na nakikita sa kilos at pag-uugali ng mga pusang gala ang kanilang pasasalamat at pagmamahal kapag sila ay inaampon.
“Kapag nakikita nila na inadopt sila, they show na thankful sila,” banggit ni Kyn. Naranasan niya raw mismo ito, dahilan para maging mas malapit sa kanyang puso niya ang pag-aampon kaysa sa pagbili ng mga alagang hayop.
Pagdating naman sa kanyang naging karanasan sa pag-aampon at pangangalaga ng mga pusa, ibinahagi ni Kyn na isa sa pinakamalaking hamon na kanyang hinaharap ay ang pangangalaga sa kalusugan ng mga ito.
“Since hindi ako ganun ka-financially stable, syempre parang nangangapa talaga ako. Pero kapag may nakita kasi akong prominent na parang illness sa kanila, halimbawa nagsusuka or ‘yung nagdudumi, syempre dinadala ko sila sa vet for checkup,” aniya.
Dagdag pa ni Kyn, kapag wala namang sakit o karamdaman ang mga inaampon niyang pusa ay nangangapa rin siya sa mga posibleng allergies nito lalo na pagdating sa mga pagkain.
Masigasig namang pinupunan ni Kyn ang pangangailangan ng kanyang mga alagang hayop. Pagdating sa usaping pinansyal, siya ay nagtatrabaho bilang part-time nail technician, kung saan kumikita siya upang masuportahan ang pagkain, gamutan at bakuna, at iba pang pangangailangan ng kanyang mga alaga. Sinisiguro rin niya na natutugunan niya ang mga emosyonal na pangangailangan nila, sa pamamagitan ng pag-aalaga at pagmamahal.
Tahanan sa mga lansangan
Itinatakda ng datos ng Philippine Animal Welfare Society o PAWS na nasa mahigit labintatlong milyon ang stray dogs o mga asong inabandona o di kaya naman ay walang may-ari at pagala gala lamang sa mga lansangan sa bansa sa taong 2024. Mas mataas ito ng 8% kumpara sa datos ng nasabing organisasyon noong 2019, na itinatayang nasa labindalawang milyon ang mga stray dogs sa bansa sa naturang taon.
Ayon naman sa CARA (Compassion and Responsibility for Animals) Welfare Philippines, itinatayang nasa 100,000 hanggang 500,000 stray cats and dogs ang dumadagdag sa mga lansangan taon-taon.
Sa likod ng mga numerong ito, hindi lahat ay ipinanganak sa lansangan. Ang iba rito, minsanang nagkaroon ng pamilya at tahanan, ngunit kalaunan ay naging pagala gala na lamang dulot ng iba’t ibang dahilan. Kabilang na sa mga pinaka karaniwang dahilan na ito ay ang kahirapan at ang kakulangan sa pagiging responsable ng mga nag-aalaga rito.
Itinatayang nasa 64% ang mga sambahayan sa bansa na may mga alagang hayop, ngunit hindi maikakaila na marami pa ring mga isyu ang umuusbong patungkol sa animal welfare at responsible pet ownership.
CATS of UPLB
Sa bayan ng Los Baños, Laguna, matatagpuan ang CATS of UPLB (Compassion for Animals Through Service of UPLB Students). Isa sila sa mga kilalang organisasyong sumasaklaw sa animal welfare at responsible pet ownership sa UPLB. Ito ay binubuo ng mga mag-aaral, alumni, at empleyado ng unibersidad, na pinagbubuklod ng adhikaing mapangalagaan ang mga karapatan ng mga hayop sa komunidad o community animals. Binibigyan nilang halaga ang agham at pananaliksik sa pagtitiyak ng mga hakbang para sa masolusyunan ang mga isyung patungkol sa stray animals.
Isa sa mga pangunahing inisyatiba ng organisasyon ay ang pagsubaybay at pagtala sa sensus ng mga hayop sa kampus.
Sa kabuuan, nasa 270 na pusa ang nasa opisyal na tala ng CATS of UPLB mula sa kanilang pagkatatag noong 2020. 116 dito ang napaampon na, 54 ang pumanaw na, 51 ang nawawala, 42 ang aktibong nasa kampus sa kasalukuyan, at 7 naman ang kasalukuyang fostered o nasa pangangalaga ng mga boluntaryo.
Sa kabilang banda, 52 naman ang kabuuang bilang ng kanilang sensus ng mga aso. Base sa numerong ito, 18 ang kasalukuyang aktibong nasa kampus, 12 ang nawawala, 10 ang napaampon na, 7 ang pumanaw na, at 5 ang kasalukuyang fostered.
Pangangalaga sa community animals
May iba’t ibang konseptong dapat bigyang pansin sa pag-unawa ng mga nabanggit na bilang, lalo na kung ilalagay ito sa konteksto ng animal welfare.
Binibigyang diin ng CATS of UPLB na ang pangangalaga sa mga community animals ay isang pamamaraan ng pag-kontrol ng stray animals base sa siyensya. Batay kasi sa pag-aaral ng STRAYS Project ng Four Paws USA, ang mass culling o ang malawakang pagpatay ng mga hayop upang makontrol ang bilang ng kanilang populasyon sa isang lugar, pati na rin ang long-term sheltering ng mga galang hayop, ay hindi epektibo. Sa halip, nagdudulot lamang ito ng vacuum effect sa isang komunidad, kung saan nagkakaroon ng isang walang katapusang siklo ng pagdating at pagpapalit ng mga galang hayop.
Kabilang din sa mga madalas na nababanggit pagdating sa mga usaping populasyon ng mga aso at pusang gala ay ang mga pounds at shelters. Pagbibigay lalim ng CATS of UPLB, ito ay mga band-aid o panandaliang solusyon lamang.
Ang pangunahing layunin kasi ng mga pounds ay ang maiwasan ang rabies at iba pang sakit para sa mas malinis na kapaligiran. Kadalasan ay galing sa gobyerno ang kanilang pondo, kung kaya limitado lamang ang kanilang kapasidad sa pagkupkop sa mga hayop. Dahil dito, sila ay nagpapatupad ng kill-by-date o euthanasia. Sa kabilang banda, ang pangunahing layunin naman ng mga shelter ay ang pagliligtas at pag-rehabilitate sa mga inabandona o inabusong hayop. Kadalasan itong nakakalikom ng pondo mula sa mga pribadong indibidwal o mga institusyon. Gayunpaman, tanaw pa rin nila ang limitadong resources at pasilidad, pati na rin ang overpopulation sa kinalaunan.
Dito naman pumapasok ang konsepto ng community animal care. Sa gawing ito, binibigyang halaga ng CATS of UPLB ang trap-neuter-vaccine-return o TNVR kinikilala bilang isang makataong pamamaraan ng pamamahala ng populasyon ng stray animals. Binubuo ito ng apat na hakbang:
- Trap (Hulihin) – Ang mga galang hayop sa kalsada o komunidad ay ligtas na hinuhuli gamit ang mga traps na hindi nakakasakit, tulad ng cage trap.
- Neuter (Pag-sterilize o pag-kastrate) – Ang mga nahuling hayop ay dumadaan sa sterilization o kastration procedure upang hindi na sila makapagparami.
- Vaccine (Bakuna) – Kasabay ng sterilization, binibigyan ang mga hayop ng mga bakuna, karaniwan laban sa rabies at iba pang sakit, upang maprotektahan ang kalusugan ng hayop at ng komunidad.
- Return (Pagbabalik) – Pagkatapos ng operasyon at pagbabakuna, ibinabalik ang mga hayop sa kanilang komunidad o dating tirahan, upang maiwasan ang vacuum effect.
Bilang bahagi rin ng adbokasiya ng CATS of UPLB ukol sa community animal care sa pamamagitan ng pamamaraang ito, binabantayan nila ang bilang ng mga kapon sa mga ito. Mula taong 2020, nasa 183 (68%) na pusa at 26 (50%) na mga aso ang CATS of UPLB ang kapon.
Sa kategorya ng mga active campus animals sa kasalukuyan, 40 (95.2%) na pusa ang nakakapon na at dalawa (4.8%) naman ang hindi. Pagdating naman sa mga aso, 15 (83.3%) dito ang nakakapon na at 3 (16.7%) ang hindi pa.
Kaugnay nito, ipinaliwanag din ni Engr. Christian Paulo C. Altoveros mula sa Stray Animal Management Committee ng UPLB Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) na ito ay isang mabisang paraan upang maiwasan ang pagpasok ng stray animals sa komunidad, na maaari pang magdulot ng kapahamakan.
“Based on studies kasi, kapag may nakabantay na community animal diyan [sa isang komunidad], so parang territorial, yung territory na ‘yun kanya na. Meaning, hindi na tayo papasukin ng stray animals na hindi natin alam kung vaccinated ba, baka mamaya may rabies na,” ani Altoveros.
Kung kaya naman patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang pangkat at institusyon – tulad ng CATS of UPLB, College of Veterinary Medicine, at Municipal Agriculture Office – para sa aktibong pag-suporta sa inisyatibang ito.
Kalayaan para sa kapakanan ng mga alagang hayop
Ang istorya ni Kyn ay isang patunay na ang animal welfare at responsible pet ownership ay hindi nasusukat sa pagbibigay ng tahanang masisilungan at pagkain sa pang-araw araw sa mga alaga nating hayop. Pagbabahagi ni Kyn, “Before you get a pet, dapat ready ka physically, emotionally, and financially. And dapat makita sila as part of your family, not as an animal na nagbabantay lang.”
Kaugnay nito, pahayag din ng CATS of UPLB na mayroong limang uri ng kalayaan na dapat tignan patungkol dito. Ito ay ang Five Freedoms for Animals, na siyang binuo ng Britain’s Farm Animal Welfare Council noong 1965. Binabalangkas nito ang mga pamantayan sa pagtitiyak na natutugunan ang mga mental at pisikal na pangangailangan ng mga hayop.
- Kalayaan mula sa gutom at uhaw (freedom from hunger and thirst)
- Kalayaan mula sa kakulangan ng ginhawa (freedom from discomfort)
- Kalayaan mula sa sakit o karamdaman (freedom from pain, injury, or disease)
- Kalayaan sa pagpapahayag ng natural na pag-uugali (freedom to express normal behavior)
- Kalayaan mula sa takot at pagkabalisa (freedom from fear and distress)
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ito, maipapakita natin ang tunay na pagmamalasakit at responsableng pag-aalaga mga alagang hayop, maging sa kanya-kanya mang tahanan o sa mga lansangan ng komunidad.
Nararapat na kaakibat din nito ang mga makatao at siyentipikong solusyong isinusulong sa larangan ng animal welfare at responsible pet ownership upang mawakasan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga alagang hayop na inabandona o pagala-gala sa mga kalsada.

