Ulat nina Angelleanne G. Marfa, Franchezka Mish Molina at Hanna Renalen M. Morales
Tahanan ang nagsisilbing unang paaralan ng bawat bata. Dito nahuhubog ang pangunahing kaalaman sa gabay ng ating mga magulang. Ngunit, paano kung para sa ilan, hindi sa tahanan nagsisimula ang pagkatuto, kundi sa isang munting silid-aralan?
Sa maliit na silid ng Mayondon Elementary School sa Los Baños, Laguna, matatagpuan ang dalawang gurong magkasanggang itinataguyod ang pag-unlad ng mga kabataang may espesyal na pangangailangan.
Sina Jocelyn Serna at Anthony Serna ay mga guro ng Special Needs Education Program (SNED) ng paaralan. Sa kanilang unang taong pagtuturo sa SNED, araw-araw nilang hinaharap ang hamon ng paghubog sa isip at damdamin ng kanilang mga estudyante.
Lampas sa mga araling itinuturo, bawat ngiti, hakbang, at tagumpay ng kanilang estudyante ay nagiging patunay ng malasakit, pasensya, at dedikasyon na higit pa sa tradisyunal na pagtuturo. Dito, natututo ang mga bata hindi lamang ng akademikong kaalaman kundi ng tiwala sa sarili, respeto sa kapwa, at mga kasanayang maghahanda sa kanila para sa mas inklusibong kinabukasan.
Ano nga ba ang Special Needs Education?
Ang Special Needs Education Program (SNED) ay ipinatutupad alinsunod sa Republic Act 11650 o Inclusive Education Act of 2022 ng Department of Education (DepEd). Layunin ng batas na ito na bigyan ng angkop na edukasyon ang mga batang may natatanging pangangailangan mula sa pisikal, kognitibo, at emosyonal na aspeto.
Sa ilalim ng programang ito, higit na binibigyang-pansin ang social skills, behavioral adjustment, at self-help skills, upang ang bawat batang may espesyal na kondisyon ay maihanda at mailipat sa mga regular na klase (mainstream classes).
Isa ang Mayondon Elementary School sa mga paaralang may SNED program sa Los Baños. Sinimulan ang programa noong 2024. Ngayong school year 2025-2026, may kabuuang 40 estudyanteng nakatala sa klase.
“Nagstart [kami] sa labing tatlong mga bata. [Sa] second year, nagkaroon na ng 30 learners at ngayong academic year ay 40 na po sila,” wika ni Jocelyn.
Dagdag ni Jocelyn, ang bawat estudyante ay may Individualized Education Program (IEP) na nagsisilbing gabay para sa kanilang akademiko at personal na pag-unlad. Sa pamamagitan ng SNED, nabibigyan ang mga batang may espesyal na pangangailangan ng pantay na oportunidad na makibahagi sa edukasyon at makamit ang kanilang buong potensyal.
Mga hamon at pag-angkop
Hindi naging madali ang unang taon ng pagpapatupad ng programa para sa mga guro. Bagama’t mayroon silang praktikal na karanasan sa pagtuturo sa Mindoro, nahirapan pa rin silang umangkop sa programa, lalo’t sila ay mula sa regular na klase at walang pormal na pagsasanay bago lumipat sa Los Baños.
“Pare-pareho kaming nangangapa…” ani ni Jocelyn habang inaalala ang kanilang unang buwan sa SNED.

MASAYANG PAGKATUTO. Panimulang aktibidad ni Ma’am Jocelyn bago simulan ang aralin. Kuha ni Franchezka Mish Molina.
“Sila, bago sa akin, ako bago rin sa kanila. Kaya isa sa pinakamalaking hamon ay ang behavioral adjustment ng mga bata. Talagang ‘pag nakakakita sila ng bagong mukha, iba ‘yung kanilang reaction,” wika niya.
Sa tulong ng tamang pamamaraan ng pagtuturo, unti-unting naitama ang ilang pag-uugali at natutong makihalubilo ang mga bata sa iba. “Marami sa kanila ngayon, kaya nang makisabay sa mga typical learners,” paliwanag ni Jocelyn.
Sa unang taon, nakatuon muna ang programa sa paghubog ng character at self-help skills bago ang mga akademikong aspeto. “Bonus na lang ‘yung academics. Mas madali silang matuto kapag marunong na silang sumunod at makinig,” dagdag ni Jocelyn, na may banayad na ngiting puno ng pag-asa at paniniwala sa proseso.
Pagdating sa ikatlong taon ng isang bata sa programa, sinusuri ng mga guro kung maaari nang isama ito sa mainstream class sa tulong ng Individualized Education Program (IEP).
“Depende sa assessment kung na-achieve na ‘yung weakness nila. Kapag kaya na, pwede na silang i-partial mainstreaming,” saad niya.
Gayunpaman, nananatili pa rin ang hamon para sa kanila. May ilang batang maaaring ipasok sa regular na klase, ngunit kulang pa rin ang mga guro na may sapat na pagsasanay para sa paghawak ng mga batang ito sa mainstream setup.
Sa kabila ng puso at sipag sa pagtuturo, ang bawat araw ng dalawang guro ay may kaba at hamon, ngunit puno ng pag-asa. Sa bawat batang natututong ngumiti at makisalimuha, posible ang inklusibong kinabukasan para sa kanila—isang bagay na hindi matutumbasan ng anumang gantimpala.
Pagtutulungan at pagpapahalaga
Hindi lamang sa pagiging guro nagtatapos ang tungkulin nina Jocelyn at Anthony. Bilang mag-asawa, dala nila sa paaralan ang parehong pagpapahalaga bilang mga magulang sa kanilang estudyante.
“Ang tingin na rin namin sa kanila, parang mga anak namin,” giit ni Jocelyn. Kaya naman, isa sa pinakamahalagang kasanayan sa klase ang maging isang pamilya at tinuturuan nila nang may pag-aaruga, pag-unawa, at respeto sa bawat isa.
“Una pa lang talaga [na itinuturo] kung paano gumalang. Unang-una, pagdating nila, magmamano; pag-aalis, magmamano. Parang napakasimple no’n, pero pag nakita ng mga tao o ng pamilya nila, malaking impact na para sa kanilang learning,” aniya
Para naman kay Anthony, ang pagiging magulang ay nagsisilbing gabay sa kanilang pagtuturo. “Mahalaga kasi na maintindihan mo ‘yung sitwasyon ng mga bata…mahirap magturo kung hindi mo sila naiintindihan,” saad niya.
Ibinahagi rin ng mga guro ang kanilang personal na pananaw upang mas madaling matuto ang mga mag-aaral sa SNED. Ayon sa kanila, ang kanilang positibong pananaw ang nagpapasigla sa klase. Kapag nakikitang masaya ang guro, mas nagiging bukas ang mga bata sa pagkatuto. Ito ang naging tulay upang maisagawa ang tamang pagtugon sa kanilang mga estudyante ngayon.
“Dapat mahinahon at masaya. Sa umaga pa lang, dapat masaya ka na kasi kung hindi, madadala nila ‘yon buong araw,” wika ni Anthony.
Sa bawat araw, pinapatunayan ng mag-asawa na ang tagumpay ng isang bata ay resulta ng malalim na ugnayan sa pagitan ng guro, magulang, at komunidad. Sa kanilang pagtutulungan, natututo hindi lamang ang mga bata kundi maging ang mga nakapaligid sa kanila kung ano ang tunay na kahulugan ng pag-unawa at malasakit.

YAKAP AT PAG-ASA. Habang naghahanda sina Jocelyn at Anthony Serna, masayang nagkukumustahan ang klase. Kuha ni Angelleanne Marfa.
Tungo sa mas inklusibong edukasyon
Habang lumalago ang programa, mas nakikita ng magkasanggang guro ang pangangailangan sa pagpapalawak ng SNED sa paaralan. Isa sa mga hangarin nila ay ang pagkakaroon ng mas kumpletong pasilidad para sa mas epektibo na pagkatuto ng mga estudyante.
“May request na kami na magkaroon ng mini kitchen, para doon sila matutong magluto, maglinis, at matuto ng basic life skills,” ipinahayag ni Jocelyn.
Kasama rin sa kanilang hangarin ang malaking silid-aralan na may bedroom setup at mas malawak na palikuran at bentilasyon upang mas maging komportable, at natural ang mga aktibidad ng mga bata sa araw-araw.
Mahalagang masanay ang mga guro sa regular classes kung paano mag-handle ng mga special learners na isasama sa kanilang klase sa takdang panahon. “Para kapag umakyat sila sa inclusive class, hindi sila mabibigla,” ani Anthony.
Ang pagtuturo sa mga batang may espesyal na pangangailangan ay hindi simpleng trabaho at higit pa sa propesyon–ito ay panawagan ng puso. Kaya naman, labis ang panghihikayat ng mga guro, tulad ni Anthony at Jocelyn, sa mga magulang na may anak na may espesyal na pangangailangan na hindi pa huli ang lahat–may pag-asang matuto at lumago sa isang inklusibong kapaligiran ang kanilang mga anak. “Libre ang edukasyon; ang kailangan lang ay tiwala at pag-asa,” wika ni Anthony.