Ulat ni Adrielle Stephanie Dollizon

Ang mga bagong halal na opisyal ng Los Baños matapos manumpa sa Municipal Hall Activity Center, Hunyo 30, 2025. (Adrielle Dollizon/LB Times Intern)
Sa ilalim ng bagong administrasyon sa Los Baños, nakatakdang bigyang prayoridad ang tatlong pangunahing sektor: Kaalaman, Kalusugan, at Kabuhayan. Ang mga programang ito ay inaasahang magbibigay ng mas malawak na serbisyo at oportunidad para sa mamamayan ng Los Baños.
Matapos manumpa sa tungkulin bilang mga bagong punong bayan noong Hunyo 30, 2025, sa Los Baños Municipal Hall Activity Center, isinaad ni Mayor Neil Nocon ang planong sumanding sa mga nasimulang proyekto ng mga naunang alkalde ng bayan. Binalikan niya ang simula niya sa UP Rural High School hanggang sa University of the Philippines Los Baños at ang termino ng ama niyang si dating mayor Andrew O. Nocon.
“Napakalaki po ng investment sa atin ng taumbayan. Kayo po, lahat po kayo dito, ang nagtustos ng pag-aaral ko—pag-aaral na ‘tin—ng mga produkto ng public school,” aniya.
Sa sektor ng kabuhayan, planong pagtuunan ng pansin ang pagsulong at pagtangkilik sa lokal ekonomiya, sapagkat marami pang bilang negosyo ang hindi nakakabangon mula sa epekto ng pandemya. Kadikit nito ang planong pangkalusugan na medical at laboratory fee assistance para sa mga nangangailangang Los Bañense.
Sa isang panayam, tinalakay ng alkalde ang paghahanay ng pag-unlad ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños, “Good neighbor relations. Dapat hindi tayo nag-aaway, dapat hindi tayo nagko-compete. Dapat ‘yong development ng UP should be aligned with Los Baños.”
Dagdag pa nito, “We should be a university town, tourism destination. ‘Pag university town, kailangan may security, maliwanag, people can just walk. Students can go out of campus (at) two o’clock in the morning, three o’clock go to the market. They feel safe, ‘yong nag vision na’tin dito.”
Pagyakap sa rural na diwa ang salubong ng bagong administrasyon sa turismo. Sa halip na magiging urbanong siyudad, ang turismo ay iikot sa pagkilala sa Los Baños bilang “town of urban efficiency with rural charm”. Isa itong paraan upang itampok and taglay nitong yamang pangkalikasan. Para naman sa kalusugang pampubliko, “open spaces” ang isinusulong na kasagutan salungat sa pagtatayo ng dagdag na instruktura upang tumutok sa pag-iwas sa sakit kaysa paggamot nito.
Ayon kay Konsehal Leren Mae Bautista , mayroong plano sa rehabilitasyon at pagbubukas ng General Yamashita Memorial Monument bilang isang tourist spot. Binigyang diin ang pangangailangan ng “cultural mapping” sa mga bayan ng Los Baños.
“Kasi hindi na’tin alam ‘yong identity na’tin. Excited tayo at nilu-look forward natin na mas makilala ‘yong bayan ng Los Baños sa pagku-cultural mapping. Hopefully, sana, within three years ma-accomplish na’tin ‘yon,” paliwanag niya.
Maliban dito, magsasawa ng consultative meeting sa iba’t-ibang sektor ng lokal upang alamin ang bagong pangangailangan ng mga mamamayan ng Los Baños. Ang mga programa sa kabuhayan, kababaihan, at mga proyekto ng pakikiisa sa LGBTQIA+ community ay ipagpapatuloy rin. Binanggit rin ni Councilor-Elect Myla Alunsina ang layuning itaas ang sektor ng mga kababaihan.
Mula sa taumbayan, ayon sa ulat ni Princess Leah Sagaad sa Rappler, ang isyung pangkalusugan at pantubig ang lokal na nais ng mga botante na pagtuunan ng pansin ng mga bagong opisyal ng Los Baños. Ito ay dahil sa kawalan ng pampublikong hospital sa Los Baños at paulit-ulit na water shortage, pati na ang kontaminasyon ng arsenic sa groundwater dito.