Ulat nina Raleign Pia F. Camarillo, Denyll Francine Almendras, at John Kennu E. Astibe

Si Nurse Reyes-Minas (kanan) nang magtrabaho sa isang ospital sa Saudi Arabia. Litrato ni Angeline Joy Marie Reyes-Minas.
Ito ay panghuli sa dalawang bahaging ulat. Basahin ang unang bahagi.
Noong 2020, itinaas sa Salary Grade (SG) 15 (P34,801) ang sahod ng mga nars mula sa SG 11 (P22, 316). Pinaigting naman ito ng Executive Order No. 64 na inilabas ng Malacañang noong ika-2 ng Augosto 2024 na nagtatakda ng 4.9 porsyentong pagtaas ng pasahod sa pampublikong sektor kada taon sa loob ng apat na taon. Nasa P38,413 na ang sahod ng mga entry-level na nars kada buwan dahil dito.
Gayunpaman, hindi lahat ng ospital ay saklaw ng panukalang ito. Ayon kay Elmer Bondoc, National President ng Philippine Nurses Association (PNA) noong 2024, dahil sa devolution sa ilalim ng Local Government Code (LGC), may ilang mga lalawigan pa ring hindi nakakasabay sa pagpapataas ng sahod ng sektor.

Datos mula sa Department of Budget and Management at Official Gazette of the Republic of the Philippines
Ang devolution ay ang desentralisasyon ng kapangyarihan mula sa pambansang pamahalaan patungo sa mga lokal na pamahalaan. Aniya, dahil dito, tanging ang mga lokal na pamahalaan ang may kakayahang magtakda ng mga sariling polisiya ukol sa sahod ng mga nars sa kanilang lugar na nakadepende rin sa kapasidad ng mga itong magpasahod.
Lalo namang dama ng mga nars sa mga pribadong ospital ang kakapusan ng probisyon sapagkat hindi nito saklaw ang kanilang mga institusyon. Makikita sa mga datos mula sa mga pampublikong job listing ang kaibahan sa pasahod ng mga piling pribadong ospital sa CALABARZON at ng itinalagang kita ng mga nars sa pampublikong ospital.
“All the top issues that we are currently facing, that we are dealing with, are all products of the systemic problem in the Philippines, where nurses feel dissatisfied,” paliwanag ni Bondoc.
Sa kanyang pagtatasa, isa ang pag-aabroad ng mga nars sa tatlong pinakamalaking kinakaharap na problema ng bansa pagdating sa propesyon. Pangalawa riyan ang nurse shortage. Taliwas umano sa mga datos na nilalabas ukol sa ‘surplus’ ng mga nars sa bansa, kailangan daw maintindihan ang shortage mula sa kakulangan ng mga gustong gumanap sa pangunahing tungkulin ng mga nars.
Ipinaliwanag ni Bondoc ang konsepto ng intra-migration sa hanay ng mga nars sa bansa, kung saan ang mga propesyonal na nars ay umaalis mula sa kanilang clinical jobs patungo sa ibang trabahong may kaugnayan lamang sa kanilang tunay na trabaho.

Datos mula sa mga pampublikong job listing sa Indeed, Glassdoor, JobStreet, at Facebook page ng ilan sa mga nailistang ospital noong 2024. View on Flourish.
Halimbawa nito ang kasalukuyang lagay ni Angeline Joy Marie Reyes-Minas, clinical instructor sa isang kolehiyo sa Laguna. Nagsilbi siya bilang nars sa San Pablo City bago lumipad sa Saudi Arabia ng 5 taon. Nang bumalik siya sa Pilipinas, nagtrabaho siya bilang research nurse bago lumipat sa pagtuturo na lamang sa ospital.
“Sobrang uncompensated ng mga nurse… kasi sa’yo lahat ang trabaho eh. ‘Yung nurse-to-patient ratio namin ay masyadong madaming pasyente kumpara d’on sa manpower… Nitong naging [clinical instructor ako], mas magaan ‘yung trabaho,” kuwento ni Reyes-Minas.
Katulad ni Marbie De Paz, hangad ni Reyes-Minas ang karagdagang suporta sa kanilang propesyon.
“Sana [ma-compensate] kung ano man ‘yung nagiging problema namin sa health related to overwork, stress, burnout,” hiling niya kung sakaling babalik sa paglilingkod bilang nars.
Panganib ng brain drain
“Brain drain of nursing professionals, that’s a very dark future,” ito ang pangamba ni Bondoc ukol sa dumaraming bilang ng umaalis ng mga nars na maaaring humantong sa malawakang kakulangan ng mga propesyunal sa Pilipinas.
Isa sa mga hakbang na ipinagtatambol ng kanyang organisasyon na maisagawa upang mapanatili ang mga nars ay ang pagkakaroon ng expanded benefits na kasalukuyang tinatamasa ng mga nars sa ibang bansa.
“There are what we call expanded benefits for nurses that they can actually get outside the country. We can actually benchmark from them and bring them in [the Philippines] para magkaroon tayo ng better healthcare system because, you know, when a person is satisfied with whatever he or she is receiving in a company, loyalty begins to like, develop even further,” aniya.
Binigyang-diin ni Bondoc na bukod sa pagbibigay ng edukasyon, ang tanging paraan upang maresolba ang isyu ng migration ay ang pagkakaroon ng pangmatagalang plano.
“The only way for us to be able to fix the problem about migration is not only about education-giving. It’s more of like coming up with a sustainable plan for the human health resources for them to stay in the Philippines,” sabi niya.
Nabanggit ni Bondoc ang pagkakaroon ng DOH Human Resources for Health (HRH) Master Plan 2020–2040. Ito ay inisyatibong naglalayong tugunan ang kakulangan sa mga propesyunal sa kalusugan ng bansa. Sa pamamagitan ng isang planong naglalapat ng mga istratehiya para sa pamamahala at pagpapaunlad sa puwersa ng mga manggagawa ng kalusugan, layon nitong mahikayat ang sigasig na maglingkod ng mga nars, mapanatili sila sa bansa, at matulungan ang mga umuuwing nars mula sa ibang bansa na makabalik sa serbisyo sa lokal na sektor ng kalusugan.
Gayunpaman, ayon kay Bondoc, nananatiling tanong kung kailan mararamdaman ang mga konkretong implikasyon ng planong ito.
“Hopefully, it sees the light of day,” hiling niya.
Panawagan sa kinauukulan
Sa gitna ng patuloy na pag-alis ng mga nars, umiigting ang kahalagahan ng agarang pagbibigay ng konkretong suporta sa sektor upang sila’y manatili. Ang karanasan nina Marbie De Paz at Angeline Joy Marie Reyes-Minas, kapwa naging tampulan ng mga kakulangan sa sektor, ay malinaw na paglalarawan ng hinaharap ng pagna-nars bilang propesyon sa Pilipinas.
“Sorry, Philippines,” ito na lang ang naisagot ni De Paz nang tanungin kung may plano pa siyang maglingkod muli sa bansa. Hindi na niya nakikita ang sariling bumabalik dito dahil sa mga inaalok na maayos at abot-kamay na oportunidad sa kanya ng Ireland, lalo na’t aniya’y pangarap niyang mapabuti ang pamumuhay ng kanyang pamilya.
“Kung hindi matataasan ang sahod mula Salary Grade 15 pataas, wala talagang mangyayari. Loyalty begins when a person is satisfied with what they receive,” ito naman ang paniniwala ni Bondoc sa reyalidad ng sektor.
Ipinapakita ng mga danas ng mga nars na naibahagi ang kahalagahan ng pagsasaayos ng sistema ng propesyon sa Pilipinas. Mula sa panawagan nina De Paz, Reyes-Minas, at ng PNA, isinusulong ang repormang tumutugon sa mga pangangailangan ng lakas paggawa ng sektor ng kalusugan. Ang pagbibigay ng makataong pasahod, dagdag na mga benepisyo, at suportang propesyonal ay ilan lamang sa mga hakbang na maaaring ipatupad ng mga kinauukulan.
Ang pagkilos para sa mga repormang ito ay hindi lamang makakabawas sa pag-alis ng mga nars, kundi magsisilbi ring pagkilala sa mahalagang ambag nila sa sistemang pangkalusugan ng bansa.
Mga Sanggunian
ABS-CBN Investigative and Research Group. (2024, October 28). Family or country? The hard choice Filipino nurses must make | ABS-CBN. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/spotlight/multimedia/slideshow/03/08/23/family-or-country-the-hard-choice-filipino-nurses-make
ACE Medical Center Sariaya Inc. Quezon. (2024). Facebook. https://www.facebook.com/photo/?fbid=353571654095402&set=a.136624862456750
Ang, A., & Tiongson, E.. (2023). Philippine migration journey: Processes and programs in themigration life cycle. https://www.researchgate.net/publication/371574672_Philippine_migration_journey_Processes_and_programs_in_the_migration_life_cycle?fbclid=IwY2xjawHaPUBleHRuA2FlbQIxMAABHcj8wy_rv7GqjsawfF9o5B1CQdaVpzFDcTL2F91PDCEPvzfJoX3MBYXmdQ_aem_wzcMlKBVZ8bt96fmjDvIyg
Balita, C. (2024, November 14). Number of newly hired nurses to work abroad Philippines 2022-2023. Statista. https://www.statista.com/statistics/1536083/number-of-newly-hired-nurses-for-overseas-work-philippines/
Buchan, J., & Catton H. (2020). COVID-19 and the International Supply of Nurses. Report for the International Council of Nurses. https://www.icn.ch/system/files/documents/2020-07/COVID19_internationalsupplyofnurses_Report_FINAL.pdf
Department of Budget and Management. (2020). Upgrading the Entry Level of Nurse Position.
Department of Health. (2020). Human Resources for Health
Philippine Masterplan 2020-2040. https://hrh2030program.org/wp-content/uploads/2020/08/x12.1_HRH2030PH_HRHMasterplan-Full.pdf
Hospital Management Asia. (2024). Tackling the ‘nursing exodus’ in the Philippines. HMA.
Glassdoor. (2024). Nurse – CALABARZON- Glassdoor.com.
Indeed. (2024). Nurse – CALABARZON- indeed.com.
JobStreet. (2024). Nurse – CALABARZON- jobstreet.com.
Lucena MMG General Hospital. (2022). Facebook. https://www.facebook.com/photo/?fbid=529039072557855&set=a.264537869007978
Mary Mediatrix Medical Center. (2022). Facebook. https://www.facebook.com/photo/?fbid=5555648161173663&set=a.137448162993717
Manila East Medical Center. (2020). Facebook. https://www.facebook.com/photo/?fbid=677390850854412&set=a.512277670699065
Nineteenth Congress of the Republic of the Philippines. (2023). Resolution Urging The Committee On Sustainable Development Goals, Innovation, And Futures Thinking To Conduct An Inquiry, In Aid Of Legislation, On The Status Of Human Resources For Health HRH) In The Philippines. https://web.senate.gov.ph/lisdata/4108037437!.pdf
Official Gazette of the Philippines. (2024). Updating The Salary Schedule For Civilian Government Personnel And Authorizing The Grant Of An Additional Allowance, And For Other Purposes. https://www.officialgazette.gov.ph/2024/08/02/executive-order-no-64-s-2024/
Professional Regulation Commission. (2023). November 2023 Philippine Nurses Licensure Examination results released in fourteen (14) working days | Professional Regulation Commission. https://www.prc.gov.ph/article/november-2023-philippine-nurses-licensure-examination-results-released-fourteen-14-working
Professional Regulation Commission. (2022). May 2023 Philippine Nurses Licensure examination results released in ten (10) working days | Professional Regulation Commission. https://www.prc.gov.ph/article/may-2023-philippine-nurses-licensure-examination-results-released-ten-10-working-days/6577
UNIHEALTH-Quezon Hospital and Medical Center | Facebook. (2023). https://www.facebook.com/profile/100046369436534/search/?q=salary