Ulat nina Anne Jeline Pascua at Karylle Payas
Tinatayang ₱118 bilyon ang nakatakdang ilaan para sa sektor ng bigas sa 2026. Ngunit, binigyang-diin ni Dr. Fermin D. Adriano, dating Undersecretary ng Department of Agriculture (DA), na hindi pa rin ito sapat upang mapataas ang produktibidad ng bansa.
Ibinahagi niya ito sa ikatlong policy seminar na inorganisa ng Center for Strategic Planning and Policy Studies (CSPPS) at ng College of Public Affairs and Development (CPAf) noong Setyembre 30, 2025, sa CPAf Multipurpose Hall, na may temang “When the Staple Isn’t Stable: Philippine Rice Policy and Its Impact on the Economy and Social Welfare.”
Sa datos na inilatag mula sa seminar, 64% ng budget sa bigas ay katumbas ng pinagsamang pondo ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA). Mula rito, ang pinakamalaking bahagi ay nakalaan sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na may halagang ₱30B. Sumunod dito ang NIA na may ₱32B, ₱29.9 B para sa National Rice Program, ₱11.18B sa National Food Authority (NFA), ₱10B sa Rice for All Program, ₱4.5B sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at ang may pinakamababang alokasyon ay ang PhilRice na may ₱642M.
“Unfortunately, kahit na ganyan na ang budget na binibigay, wala pa ring significant increase in productivity”, ani ni Adriano.
Paliwanag niya, mainam na ituon ng pamahalaan ang pondo at mga programa sa mga pangmatagalang sustenableng solusyon na higit na magpapaunlad sa sektor ng bigas. Binanggit niya ang kahalagahan ng pagtutok sa mga productivity enhancement programs, partikular sa Total Factor Productivity (TFP), na sumusukat sa kung gaano kaepektibong napapataas ng sektor ng agrikultura—lalo na sa produksyon ng bigas—ang ani sa pamamagitan ng mahusay na paggamit ng mga input tulad ng lupa, paggawa, kapital, at abono.
Paglalagom niya, mahalaga na pagtuunan ng pansin ang mga pananaliksik, makabagong teknolohiya, pagtatayo ng mga farm-to-market roads, at paglalaan ng mas maraming pasilidad katulad ng cold storage rooms.
Ipinahiwatig niya na ang mga pansamantalang ayuda, pamimigay ng punla, o pagpapalawak lamang ng lupang sakahan ay hindi sapat sa pagpapatuloy ng paglago ng produksyon ng bigas at produktibidad ng bansa.
Nabanggit din ni Adriano ang direktang epekto ng pagtaas ng presyo ng bigas sa food inflation rate na bumubuo ng 43% sa pangkalahatang inflation rate ng bansa. Dahil dito, higit na naaapektuhan ang mga mahihirap na Pilipino sapagkat ang 60% ng kanilang kita ay napupunta sa pagkain. Ika ni Adriano, “High inflation is anti-poor, remember that.”
Kaugnay nito, ipinunto niya na 29% ng mga batang Pilipino na may edad 0–5 ay nakararanas ng stunting o pagkabansot. Ito ay nagpapakita ng isang malinaw na anyo ng kahirapan na ugat ng kakulangan sa seguridad sa pagkain at nutrisyon na patuloy na nararanasan ng maraming Pilipino.
Dagdag ni Dr. Aileen Virrey Lapitan, ang kasalukuyang Dean ng CPAf, UPLB, nagiging mababaw ang pananaw sa food security dahil nakasentro lamang ito sa availability at affordability ng pagkain, at hindi isinasaalang-alang ang mas malawak na dimensyon nito gaya ng access, utilization, at institutional resilience. Ayon sa kanya, ang ganitong makitid na pagtingin ay naguugnay sa kasalukuyang rice policy ng bansa.
“Philippine Rice Policy prioritizes short-term price stability over long-term sectoral efficiency”, paliwanag niya.
Pinalitaw din niya na ang suliranin sa polisya ay dahilan ng hindi koordinadong pamamahala ng pamantasan. Ito ay nakaapekto hindi lamang sa nilalaman ng polisiya kundi pati na rin sa kredibilidad nito.
Bilang pagtatapos, ibinahagi ni Dr. Sc. Hadji C. Jalotlot, kasalukuyang Director ng CSPPS, ang kahalagahan ng patuloy na paggamit ng datos bilang batayan sa pagbuo ng mga polisiya. Aniya, sa pamamagitan nito ay nagiging mas may kaalaman ang mga mamamayan at nakakagawa ng mas epektibong hakbang tungo sa pagpapabuti ng produktibidad at pag-unlad ng bansa.
Mga Sanggunian:
Briefer on the 2026 Proposed National Budget. (n.d.). Department of Budget and Management. https://www.dbm.gov.ph/wp-content/uploads/Our%20Budget/2026/Briefer-on-the-2026-Proposed-National-Budget.pdf
Congressional Policy and Budget Research Department. (2025, August). BB2025-06: Expenditure Assessment and the Proposed FY 2026 National Budget [PDF]. https://cpbrd.congress.gov.ph/wp-content/uploads/2025/08/BB2025-06-EXPENDITURE-ASSESSMENT-final.pdf
Department of Budget and Management. (2025, October). Budget para sa Bansang Masagana: PBBM administration allocates P256.5 billion for Agriculture sector in 2026 [Press release]. https://www.dbm.gov.ph/index.php/management-2/3628-budget-para-sa-bansang-masagana-pbbm-administration-allocates-p256-5-billion-for-agriculture-sector-in-2026
Esguerra, D. J. (2025, October). “Rice for All” Bags P10b, Agri Budget hits P256.5B in 2026 NEP. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1260062
Office, D. P. (2025, October). DA chief seeks higher crop insurance subsidy of P8B to cover 4.2m Agri Workers. Official Portal of the Department of Agriculture. https://www.da.gov.ph/da-chief-seeks-higher-crop-insurance-subsidy-of-p8b-to-cover-4-2m-agri-workers/#:~:text=Under%20the%20proposed%202026%20General,we%20need%20about%20P8%20billion.
