Ulat nina Arianne Joy De Torres at Mariejo Jalbuena

Isinagawa ang Kailangan Bang May Krisis Kapag May Kalamidad? sa REDREC Auditorium, Setyembre 12. (Mariejo Jalbuena/LB Times)
Inaasahang aabot sa P422 bilyon ang halaga ng taunang pinsalang maidudulot sa Pilipinas ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo at lindol na siyang tinatayang sasaklaw sa tatlong porsyento (3%) ng gross domestic product (GDP) ng bansa kada taon.
Ilan lamang ito sa mga numerong itinampok ni Everette Villaraza, lecturer mula sa UPLB College of Economics and Management (CEM) Department of Economics (DE), sa kanyang naging diskusyon na “Kailangan Bang May Krisis Kapag May Kalamidad: Pagtalakay sa Climate Change & Disaster Risk Finance and Insurance” noong ika-12 ng Setyembre 2025 sa UPLB REDREC Auditorium.
Sinimulan ni Villaraza ang kanyang diskusyon sa pagtalakay sa kasalukuyang lagay ng bansa sa aspetong pampinansyal tuwing may mga krisis pangkalamidad. Ayon sa kanya, tinatayang aabot sa mahigit 12 milyong Pilipino ang naaapektuhan ng mga kalamidad taon-taon.
“Tayo sa Philippines, konting ulan pa lang, wala na tayong pasok, ‘di ba? Dahil konting ulan lang, lalangoy na ‘yung iba. Kailangan bang laging gano’n?” ani Villaraza nang talakayin ang dinaranas ng bansa tuwing tag-ulan.
Batay sa mga ipinakitang datos, umabot sa mahigit P506 bilyon ang nawala sa bansa dulot ng mga krisis pangkalamidad mula 2010 hanggang 2020. Tinatayang nasa P48 bilyon naman ang halaga ng taunang pinsala mula sa mga nasabing taon.
Dagdag pa niya, nasa mahigit $124 bilyon naman ang inaasahang kabuuang halaga ng pinsalang maaaring maidulot ng mga water-related disasters tulad ng bagyo, baha, at tagtuyot sa bansa mula 2022 hanggang 2050.
Kaugnay nito, isa sa mga konseptong binigyang-diin ni Villaraza ay ang Climate Disaster Risk Finance and Insurance (CDRFI), isang framework ng financial instruments, policies, at systems na naglalayong makapaghatid ng napapanahon at akmang tulong pinansyal para sa pagtugon at pagbangon mula sa krisis na dulot ng kalamidad.
Gayunpaman, pinaalalahanan niya ang mga dumalo tungkol sa mga limitasyon ng financial instruments tulad ng CDRFI.

Ipinaliwanag ni Everette Villaraza, lecturer mula sa CEM Department of Economics, ang konsepto ng CDRFI. (Mariejo Jalbuena/LB Times)
“Hindi lahat ng financial instrument makaka-address ng lahat. There is no one single solution to everything, even in the land of finance,” saad ni Villaraza. Ipinaliwanag rin niya ang kahalagahan ng napapanahong pagpopondo upang makapaglaan ng sapat na panustos para sa relief, recovery, at reconstruction phases.
Dagdag pa rito, nilinaw rin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kongkretong aksyon sa pagbibigay-solusyon sa mga krisis pangklima. Ayon sa kanya, hindi sapat na paglaanan lamang ng pera ang krisis dahil dapat ay “targeted” din ito sa iba’t ibang apektadong sektor.
“How the money reaches the beneficiaries is just as important as how it is sourced,” paliwanag niya.
Binigyang-diin din ni Villaraza ang problema ng mga lokal na sektor sa pagpapababa ng pondong nakalaan para sa mga lugar na apektado ng kalamidad. Isa umano ito sa mga rason kung bakit hindi paminsan-minsan nararamdaman ng publiko ang pondong may kinalaman sa disaster risk management.
“Ang dali pababain ng pera from the sovereign. Pero ‘pag pababain mo ‘yan sa baba [sa lokal], mahirap na,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din sa diskusyon ang kahalagahan ng buong usapin sa mga mag-aaral hindi lamang ng ekonomiks kundi ng iba’t ibang larangan. Paliwanag ni Villaraza, bawat estudyante ay may bahagi sa pagtugon sa mga ganitong uri ng krisis panlipunan.
“Hindi porket labas kayo sa field ko, hindi kayo parte nito. This affects you whatever your field is,” aniya. Dagdag pa rito, mahalaga rin umanong palawakin ang kaalaman sa labas ng silid-aralan.

Nagbahagi ng kanilang pananaw ang ilang mag-aaral ukol sa ibinigay na scenario sa programa. (Mariejo Jalbuena/LB Times)
Matapos ang diskusyon, nagkaroon ng isang maikling activity kung saan hinikayat ni Villaraza ang mga mag-aaral na suriin ang isang real-life scenario at magbahagi ng solusyon batay sa mga konseptong tinalakay sa buong programa.
Bilang pagtatapos, ipinahayag ni Asst. Prof. Maria Nova Nguyen sa kanyang pangwakas na pananalita na hindi kailangang may krisis tuwing may kalamidad. “We can decouple crises from disasters,” wika niya.
Upang bigyang-diin ang krisis pangpinansyal ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad, isinagawa ng DE ang nasabing diskusyon bilang bahagi ng Ekonomiks Para Sa Lahat, isang two-part lecture series na nakatuon sa pagtalakay sa mga isyung pang-ekonomiya. Bahagi rin ito ng paggunita sa ika-50 na taon ng nasabing departamento.