PA Act, nagbunsod ng pagkabahala sa mga sektor ng edukasyon at kooperatiba

Ulat ni Adrielle Dollizon 

UPLB School of Environmental Science and Management Political Scientist Dr. Antonio P. Contreras sa isinagawang Public Town Hall Meeting ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) College of Economics and Management (CEM). Larawang kuha ni Adrielle Dollizon.

“Sino ang nararapat na magsanay ng agrikultura?”, isang tanong na nagpasiklab ng mainit at kritikal na diskusyon sa isinagawang Public Town Hall Meeting ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) College of Economics and Management (CEM) sa RedRec Hall noong ika-7 ng Hulyo. Dito tinalakay ang bagong batas, ang Republic Act (RA) 12215 o Philippine Agriculturists Act (PA Act).

Ano ang PA Act? 

Isinabatas noong Mayo 2025, layunin ng PA Act na i-professionalize ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Ayon sa Kagawaran ng Agrikultura o ng Department of Agriculture (DA), ang pagtatalaga ng mga pamantayang ito ay para kilalanin ang gampanin ng mga agrikulturista sa sektor at sa kaunlaran ng bansa sa pamamagitan ng pagtatakda ng pamantayan sa propesyon. Itinatag sa ilalim ng batas na ito ang Professional Regulatory Board of Agriculture na mangunguna sa pagsusuri, pangangasiwa, at pamamahala ng regulasyon, lisensya, at pagsasanay ng mga rehistradong agrikulturista .

Ang limang miyembro ng regulatory board ay magsisilbing kinatawan ng anim na larangan ng agrikultura–Crop Science, Animal Science, Soil Science, Crop Protection, Agricultural Economics (o Agribusiness at Agri-entrepreneurship) at ang Agricultural Extension and Communication. Ang mga larangang ito ay siyang magiging bahagi ng Licensure Examination for Agriculturists (LEA).

Sa pagsulong ng PA Act, inaasahan na mas mapabubuti ang sistema ng edukasyon at ang curriculum ng Batsilyer ng Agham sa Agrikultura. Dagdag pa rito, ang mga rehistradong agrikulturista lamang ang maaaring pumuno sa mga posisyon sa gobyerno upang maisigurado na sila ay may sapat na kaalaman at kasanayan.  

Mula sa kaliwa, Asst. Professor Geny Lapina bilang tagapamagitan, at DA Science Research Specialist Dr. Karen Bautista, PAA President Dr. Roberto Rañola, at dating UPLB chancellor Dr. Fernando Sanchez para sa open forum. Larawang kuha ni Adrielle Dollizon.

Pagrerehistro at pagkuha ng lisensya bilang agrikultor

Maaring magparehistro ang mga agrikulturista na hindi kumuha ng board exam sa Accredited Integrated Professional Organization (AIPO) kung sila ay nasa ilalim sa mga kategoryang ito:

  1. Nagtapos ng BS Agriculture at;
  2. Hindi kukulang sa limang taon nang nagtatrabaho sa sektor ng agrikultura bago ipinatupad ang RA 8435 (Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997), bago nagsimula ang Agriculture Licensure Examination noong 2003 at bago itinatag ang Board of Agriculture o;
  3. May doktorado sa agrikultura sa ilalim ng anim na fields of specialization na itinakda sa batas.

Ang mga hindi kwalipikado rito ay kinakailangang kumuha at pumasa sa Licensure Exam for Agriculturists (LEA) upang makapagturo at makapagsanay muli. Ang mga hindi naman nagtapos ng BS Agriculture ay kailangan kumpletuhin ang mga coursework sa kurso bago sila makakuha ng pagsusulit.

Ngunit ang probisyon ng batas–partikular sa mga nauugnay sa pagtuturo at pananaliksik–ay nagbunsod ng malalim na pagkabahala, lalo na sa mga kawani at estudyante ng UPLB na kinuwestiyon ito. Idiniin ni Dr. Emma Sales, chair ng Professional Regulatory Board of Agriculture, na ito ang kailangan ng mga nagtuturo ng mga asignaturang pang-agrikultura.

“Kung highly-specialized ka, can you go down to the level of the foundational course na hindi naman ‘yon ang pinagdaanan mo? For example, you are a BS Biology graduate. You will be teaching crop science? ‘Yong agricultural biotech can teach kasi meron silang 27 units of foundation courses. Kung PhD lang dapat meron kang BS in Agriculture,” aniya.

Dagdag pa niya, “We have to protect the profession. For your information, yong iba kaya nagbi-BS Bio because they know that they will be accepted as agriculturists. Ayaw lang nilang lumusong sa init. Kasi kami lumusong kami, nagtanim kami doon ng palay, nag-castrate kami ng mga baboy. They will not undergo that. Tapos kaming nag-undergo that difficult five years…five years kami noon. Then aagawan [lang] kami ng BS Bio? That’s unfair for us! That’s very unfair for us!”

Idiniin ni Dr. Sales na foundation courses lamang ang kailangan kunin ng mga hindi nagtapos ng BS Agriculture subalit pinuna ni UPLB School of Environmental Science and Management Political Scientist Dr. Antonio P. Contreras ang pagkawala ng terminong “foundation courses” sa batas. Aniya, hindi ito maaaring idagdag sa IRR dahil hindi pwedeng baguhin ng dokumento ang probisyon ng batas. Dahil dito, kinakailangang kunin ng mga nais magparehistro, na hindi kumuha ng BS Agriculture, ang lahat ng asignatura sa kurso. 

Bukod pa rito, kinuwestyon din ni Dr. Contreras ang pag-ayon sa konstitusyon ng batas. Depensa ni Dr. Roberto F. Rañola, Jr., chairman ng Philippine Association of Agriculturists, “There’s the law, there’s nothing we can do about it except later on when we have to come up with the amendments.”

Umalma ang mga dumalo sa pahayag na ito. Puna niya sa reaksyon ng kaguruan, “All the meetings we’ve had, they’ve been giving suggestions. But, I guess the most tense discussions seem to be in UPLB, in our university. I can understand that. But sa ibang SUCs, wala naman e. Dito lang talaga medyo tense.”

Epekto sa mga kawani ng pamantasan

Saklaw ng tatlong sugnay ng Artikulo IV, Seksyon 26 ng Philippine Agriculturists Act ang mga pagsasanay sa agrikultura sa  pamantasan, kabilang ang pananaliksik at pag-aaral, pagsasanay at agricultural extension work, at pagtuturo ng mga asignaturang pang-agrikultura. 

Ayon sa Seksyon 28 ng nasabing artikulo, hindi maaring magturo, magtrabaho sa mga research project, at maging agriculture extensionist  ang sinumang hindi board passer at lisensyado ng Professional Regulatory Board of Agriculture. Pinagtitibay ang probisyong ito ng Seksyon 31 na nagsasaad na lahat ng miyembro ng kaguruan  na nagtuturo ng agrikultura ay dapat rehistradong agrikultor.

Dahil sa probisyon ng Seksyon 31, umalma ang mga propesor ng pamantasan. Ayon kay Dr. Contreras, ang probisyon sa batas ay manghihimasok sa saklaw ng pamantasan. “You have a provision here, which now allows the board to encroach on the domain of the university by telling us who can teach subjects. According to the principles of the court, boards such as yours can only regulate the practice of the profession, not the teaching of it. Because the teaching of it will be in the province of the universities,” pahayag ni Dr. Contreras sa mga kinatawan ng DA. 

Ayon sa Artikulo V, Seksyon 39 ng batas, ang sinumang lalabag sa probisyong ito ay maaaring multahan ng hindi bababa sa P100,000.00 hanggang P500,000.00 at maaaring makulong nang mula anim na buwan hanggang anim na taon.

Paliwanag ni Department of Agriculture Chief Science Research Specialist Dr. Karen Bautista, hindi raw apektado ng pagbabawal na magturo ang mga tenured na propesor na hinirang ng Civil Service Commission (CSC). Samantala, ang mga non-tenured na propesor, mga researcher at extension workers naman ay bibigyan ng tatlong-taong transition period upang makumpleto ang mga coursework para sa BS Agriculture at makapaghanda para sa pagsusulit. Gayunpaman, ang probisyong ito ay wala pa sa binubuong Implementing Rules and Regulations (IRR). 

Epekto sa mga Agrikulturistang Hindi Rehistrado

Ayon sa seksyon 26 ng batas, labag ang pagkonsulta, pagsusuri, at pangangasiwa ng mga serbisyong nangangailangan ng aplikasyon ng agrikultura ng mga agrikulturistang walang lisensya.

Idiniin ni Dr. Fermin D. Adriano, dating UPLB Vice Chancellor at dating DA Undersecretary of  Policy and Planning, na ito’y panganib sa mga beteranong agrikultista na taon ang iginugol sa propesyon subalit hindi nagtapos ng BS Agriculture.

Binigyan-diin niya na ang batas ay lumalabag sa kalayaan ng pamamahayag, “Enforcement of the law means I am no longer legally allowed to share and practice my expertise on agriculture if I did not take the examination or obtain an official exemption from taking the examination and [if I am not] duly registered as part of the national organization of practitioners. That is really terrifying. It’s an infringement of the freedom of speech, isn’t it?”

Tugon ni Dr. Karen Bautista, hindi bago ang probisyon sa Article IV, Seksyon 28 ng RA 12215 sa mga professional regulatory laws (PRLs) tulad ng PA Act. Ayon sa kanya, layunin ng batas na lutasin ang problema sa human resources sa propesyon, lalo na ang paglalagay ng mga hindi nakapagtapos ng BS Agriculture sa mga plantilla position sa sektor ng agrikultura sa gobyerno.

 Paliwanag niya, “But with this PRL we are ensuring that all personnel working in the national government, in the local government, in the private sector, in the academe will need to ensure or will need to regulate the qualifications of those personnel.”

Epekto sa mga Kooperatibang Pang-agrikultura

Nagpahayag ng pagkabahala si Bon Ian dela Roca, presidente ng League of Cooperative Managers of Batangas, Inc. (LCMAB) ukol sa magiging posisyon ng mga kooperatiba sa ilalim ng bagong batas. 

Ayon sa Artikulo IV, Seksyon 26 ng PA Act, bahagi sa saklaw ng batas ang pangangasiwa at pagmemerkado ng mga serbisyong kaugnay ng agrikultura bilang negosyo o industriya. Dahil dito, nilinaw ni Dr. Bautista na kinakailangan ng mga kooperatiba ng isang rehistradong agrikulturista upang magpatuloy ang pagpapatakbo ng kanilang kooperatiba. 

“For us to require at least one, kasi sasabihin ng iba ‘di na nga kami makapaghire ng manager—ng general manager—para itaguyod ‘yong operations ng aming cooperative, irerequire pa na mag-hire ng ganitong professions?” saad ni dela Roca dahil mahihirapan ang mga kooperatiba na magbigay ng eksaktong bilang ng agrikulturista na kailangan sa pagpapatakbo ng koopertiba dahil sa iba’t-ibang antas ng kooperatibang agrikultural sa bansa. 

Binigyan-diin din niya bilang kinatawan ng isang kooperatiba, ang pagiging praktikal sa pagbuo ng IRR.

UP alumnus Francis C. Laurel habang nagbibigay ng kaniyang mensahe sa isinagawang Public Town Hall Meeting ng UPLB CEM. Larawang kuha ni Adrielle Dollizon.

Agrikultura bilang Propesyon at Disiplina

Ipinaliwanag ni Dr. Rodymr Datoon, direktor ng Agricultural Systems Institute ng UPLB College of Agriculture and Food Science, na mataas ang passing rate ng pamantasan dahil malalim ang dedikasyon ang mga kaguruan sa pagpapaunlad ng disiplina ng agrikultura. 

Ayon kay Dr. Datoon, ang kanilang layunin ay hindi sa pagkuha ng lisensya, kundi sa pagpapaunlad ng agrikultura, “We don’t aim for the licensing, we aim for the development for the body of knowledge. When you do that—di ko minamaliit ‘yong licensing—second nature na na bini-build mo ‘yong proficiency ng mga estudyante on the licensing. But the college does that by having a transdisciplinary approach sa sector,” aniya.

Binigyan-diin din niya na mahalaga ang kolaborasyon ng iba’t-ibang disiplina sa mga research at extension projects sa pamantasan. Paliwanag niya, maaaring hindi buong masasaklaw ng anim na field specializations sa batas ang disiplina ng agrikultura sapagkat transdisciplinary ito para sa kolehiyo, lalo na sa farmer-to-farmer extension programs nito. Aniya, masasayang ang talento ng mga may mga propesyonal sa agrikultura na huli lamang na napamahal sa disiplina dahil sa probisyon ng batas na sila’y pinagbawalang magturo .

“Mas maraming nagreresearch, mas maraming nagegenerate na knowledge. Sana ‘yong definition atin ng other disciplines ay mas liberal tayo,” paliwanag niya. 

Umalma ang mga kaguruan sa kakulangan ng tatlong taong transition period na ibinigay. Subalit, pinanindigan nina Dr. Bautista na dumaan ang PA Act sa samut-saring pagsusuri at konsultasyon mula sa Commission on Higher Education (CHE), Professional Regulatory Commission, Civil Service Commission (CSC) at iba pang mga akademikong institusyon. Gayunpaman, umapila ang mga kawani na wala sa mga konsultasyong ito ang umabot sa UPLB. 

Hindi rin sumangayon si Francis C. Laurel, UP alumnus, sa pahayag na wala nang magagawa ang mga kaguruan ng pamantasan ngayong naipasa na ang batas. Aniya, maging ang RA 9500 o ang University of the Philippines Charter of 2008”, na nagtatag sa pamantasan, ay walang IRR na sinusunod. Kanya ring iginiit na politika pa rin raw ang malaking dahilan kung bakit napupunta ang mga plantilla positions sa maling kamay. 

Mensahe ni Laurel, “We want to professionalize. I definitely 150% agree. But please look at it at a very larger perspective and a deeper comprehension of our agriculture. At the end of the day, sinong ating paglilingkuran? ‘Yong magsasaka, hindi naman ‘yong agriculturist.”

Sa mga Guro at mga Opisyal

Umusbong ang diskusyon sa reaksyon ng mga kaguruan sa RA 12215. Paliwanag ni Dr. Contreras, ang matinding emosyon sa pagpupulong ay dulot ng naghalong gulat at takot sa magiging epekto ng pagpapatupad ng batas. “You have to understand the kind of emotions coming out of the room. [It] means they are coming from people who are threatened that their careers have been put in jeopardy by your law. So, therefore, you have to understand that this is a consultation. And that you have to listen to the fears of people, you have to listen to our fears. Kasi nakikita ko, you are not recognizing that. You’re not recognizing the fact that the law will threaten many of us.”

Mungkahi niya, ang pinakamabisang solusyon ay ang mag-organisa, kumilos, at makinig sa mga tao. “Makinig naman. Pakinggan po yung mga tao kasi may problema,” ani niya sa kagawaran.

Nilinaw ng Kolehiyo ng Ekonomika at Pangangasiwa ang kanilang katayuan sa pagpapatupad ng RA 12215 o Philippine Agriculturists Act matapos maglabas ng Facebook post ang Department of Agriculture na tila umaayon ang kolehiyo sa batas.