Ulat nina Aleli Bacolod at Leon Paul Olores
TIAONG, QUEZON — Muling umugong ang usapin sa pagbabalik-operasyon ng isang dating sinuspindeng poultry farm sa Sitio Tabing Ilog, Barangay Del Rosario, Tiaong, Quezon.
Naging sentro ito ng debate sa pagitan ng pag-asang magbibigay ito ng kabuhayan at pangambang bumalik ang mga dating problemang pangkalusugan at pangkapaligiran.

KALUSUGAN BAGO KABUHAYAN. Si Rowena Armamento at iba pang mga residente ng Sitio Tabing Ilog na hindi sang-ayon sa muling pagbubukas ng poultry farm. Litrato ni Aleli Bacolod at LP Olores.
Dating Bangungot, Muling Babalik
Sinuspinde ang operasyon ng poultry farm noong Oktubre 2023 matapos ang sunod-sunod na reklamo mula sa mga residente.
Ayon sa ilang mga residente ng Sitio Tabing Ilog, nangangamba silang muling bumalik ang masasamang epekto na dinulot ng farm, tulad ng dating mga problema sa kalusugan at kapaligiran.
“Unang una ay mabaho, malangaw. Nagkakasakit ang mga bata. Kahit mga matatanda, nagkakaroon din,” saad ni Danilo Balba, residente mula sa Sitio Tabing Ilog.
Makalipas ang dalawang taon matapos ang pagsasara, nais muling buksan ng may-ari ang farm. Ayon sa pahayag ng may-ari, gagamit sila ng modernong teknolohiyang tinatawag na tunnel ventilation system, na sinasabing kayang bawasan ang amoy at pigilan ang pagdami ng langaw. Layunin nilang maiwasan ang mga masasamang epekto na nangyari noon.
Habang maraming residente ang naninindigan laban sa pagbabalik ng operasyon, may iba namang bukas sa posibilidad, lalo na iyong mga hindi direktang naapektuhan ng dating operasyon.
“Kung sa akin ay sang-ayon ako para naman magkaroon ng hanap buhay ang mga tagarito sa Barangay Del Rosario dahil ipinangako naman nila na aayusin nila ang pasilidad ng poultry,” ani Jose “Akla” Rosales, na naninirahan sa mas malayong bahagi ng Barangay Del Rosario.
Kinilala ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Tiaong ang potensyal na mabubuting epekto at benepisyo ng poultry farming. Anila, ang ganitong negosyo ay may malaking ambag hindi lamang sa lokal na employment kundi pati sa food security ng buong bayan.
“Kung nasa proper barangay at tamang zoning, malaki ang maitutulong nito. Una sa trabaho at ang isang pinakamagandang epekto niyan sa agrikultura ay ang food security. Para may kasiguraduhan na may patuloy na supply ng livestock at poultry meat sa ating bayan, hindi lang sa barangay kundi pati sa buong bayan,” paliwanag ni Zenaida V. Amargo, Municipal Agriculturist ng Tiaong.
Panawagan para sa Mas Malinaw na Kasunduan
Gayunpaman, binigyang-diin ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) na hindi sapat ang teknolohiya upang masabing ligtas ang operasyon. Ayon sa kanila, dapat may malinaw na kasunduan sa pagitan ng pamunuan ng farm at mga residente.
“Isa sa sina-suggest natin ay magkaroon ng Memorandum of Understanding (MOU) between the residents and management o kaya magkaroon ng tinatawag nating monitoring team na represented ng mga residente, ng sanggunian,” ani Lanie Limpo, Municipal Environment and Natural Resources Officer ng Tiaong.
Isinaad rin ng Punong Barangay ng Del Rosario na maaaring magkaroon ng pampublikong pagpupulong upang talakayin ang isyu sa isinusulong pagbabalik-operasyon ng poultry farm.
“Sa banda banda-riyan ay ipapatawag natin dito sa barangay ang mga residente ng tabing ilog pati ang may ari ng poultry para sa sila ay magkaroon ng pagpupulong para madesisyunan na kung ipapabukas ba ang poultry o hindi na,” saad ng Punong Barangay ng Del Rosario.
Panahon ang Magpapasya
Sa ngayon, habang wala pang kumpirmadong desisyon mula sa mga may-ari ng poultry farm ngunit puno ng tensyon ang komunidad habang hinihintay ang susunod na mga hakbang.
Habang patuloy ang diskusyon, nananatiling bukas ang tanong: bubuksan ba muli ang poultry farm? O tuluyan na ba itong ililibing sa alaala ng isang komunidad na matagal nang naghahanap ng balanseng pag-unlad?

