Pangarap na prangkisa

Ulat nina Miguel Alfonso Santiago at Angeline Galacgac

“Mga ilang beses na kaming sinisita, nahuhuli, nati-ticket-an, natitigil. Pero pagkalipas ng ilang panahon, balik ulit kami sa trabaho.”

Karaniwang bahagi na ng araw-araw na buhay ng mga habal-habal rider sa Los Baños, Laguna na kagaya ni Kuya Angel—lalo na sa loob ng University of the Philippines Los Baños (UPLB)—ang ganitong sitwasyon. Paulit-ulit na pagbabawal at pagbabalik; paulit-ulit na pangamba at pagpapatuloy.

Sa isang kampus kung saan hindi madaling marating ang lahat ng lugar, nagsisilbing mahalagang transportasyon para sa maraming estudyante ang habal-habal.

Isa sa mga regular na pasahero ay si Abby, isang mag-aaral ng UPLB na nakatira pa sa Bay.

“Mas convenient siya,” aniya. Hindi na raw niya kailangang maghintay na mapuno ang jeep, lalo na’t wala nang byahe pagdating ng alas-otso ng gabi.

Gayunpaman, sa araw-araw nilang serbisyo sa komunidad, nananatiling walang kasiguraduhan kung saan patungo ang kanilang kabuhayan.

Kuya Angel at ang Safety Riders

Mahigit dalawang dekada nang namamasada si Angel Yagas, o mas kilala bilang “Kuya Angel.” Siya ang presidente ng Safety Riders, isang samahan ng mga habal-habal driver sa Los Baños na nabuo noong 2006.

Araw-araw, nagsisimula siyang bumiyahe mula alas-siyete ng umaga at umaabot hanggang alas-dos ng madaling araw. Kaakibat ng mahabang oras ng trabaho ang pangambang mahuli o sitahin.

“Kagaya rin kami ng ibang tao na naghahanapbuhay. Pero ang ginagawa namin, aaminin ko, hindi legal—may batas kaming nasasagasaan, ‘yung Republic Act 4136 o ang Land Traffic Code of the Philippines. Bawal kasing gamitin ang motorsiklo bilang public utility kung hindi ito may tatlong gulong,” paliwanag niya.

Sa loob ng UPLB, ilang ulit na rin silang pinagbawalan, sinita, at nabigyan ng tiket. Kapag nahuli, ang tanging magagawa nila ay maghintay. “Pinapahupa lang namin. Kahit patago.”

Malinaw na Pangangailangan

Kahit hindi legal, nananatiling mataas ang pangangailangan sa kanilang serbisyo—lalo na tuwing may mga aktibidad sa unibersidad tulad ng Feb Fair.

“Talagang puyatan ‘yon,” ani Kuya Angel. “Hinihintay naming makauwi ang mga estudyante para maihatid sila—pagod na, puyat, kaya magha-habal sila.”

Bukod sa mga aktibidad, araw-araw na mahalaga ang habal-habal para sa mobilidad ng mga estudyante. Ayon kay Kuya Angel, may mga pagkakataong kailangang sumakay ng isa o dalawang estudyante sa tiyak na oras at lugar.

“May pangangailangan talaga sa gano’ng klaseng serbisyo,” giit niya.

Pag-oorganisa para sa Kaligtasan

Binuo ni Kuya Angel ang Safety Riders upang maging organisado at responsable ang kanilang operasyon.

“So, noon, naisip namin na buuin ang isang grupo. May presidente, may mga opisyal.”

Sa loob ng grupo, nagtakda sila ng mga patakaran—mula sa kaligtasan hanggang personal na kalinisan.

“May mga rules and regulations kami. Safety, personal hygiene. Bawal ang alak. Noong 2010, una kong pinatupad na kahit amoy alak ka lang, hindi ka na pwedeng pumasada. Kailangan naligo ka, kahit hindi maganda ang damit mo, basta mabango ka,” ani Kuya Angel.

Ayon kay Abby, naging maganda ang karanasan niya sa mga rider ng grupo. “Madalas, maayos sila. Tsaka convenient kasi pwede ka nilang daanan kahit saan. Kahit late na ng gabi, may masasakyan ka.”

Mga Pagsubok sa Legalidad

Sinubukan ng grupo na gawing legal ang kanilang operasyon. Noong 2007–2008, kinausap nila ang pamunuan ng UPLB.

“Ang nangyari, konsiderasyon lang. Parang sinabi na mag-iingat kami sa ginagawa namin. Kailangan walang madidisgrasya. Pero hindi ‘yon nangangahulugang pinayagan kami,” ani Kuya Angel.

Pagsulong sa Panukalang Batas

Batay sa Republic Act 4136, bawal ang paggamit ng motorsiklo bilang pampublikong transportasyon. Gayunpaman, may nakabinbing panukala sa Kongreso—House Bill 10424 o The Motorcycles-for-Hire Act—na layong gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi sa bansa. Kung maipapasa, magiging legal ang mga habal-habal na tulad ni Kuya Angel kung walang Motorcycle Taxi Platform Provider (MTTP) sa lugar at kung may prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC) mula sa LTFRB.

Habang inaabangan ang batas, ipinangako ng DOTr Secretary na si Vince Dizon na maglalabas ng department order para pansamantalang gawing legal ang kanilang operasyon. Subalit, kasama lamang sa order ang mga motorcycle taxi apps tulad ng Angkas, JoyridePH, at Move It—hindi ang mga tradisyunal na habal-habal gaya nina Kuya Angel.

Ang Papel ng Lokal na Pamahalaan at Akademya

Ayon kay Lou Gepuela ng Move As One Coalition, nasa kamay ng lokal na pamahalaan ang kapangyarihan. “Ang habal-habal, hindi defined sa batas. So, kung nasa jurisdiction ng LGU, sila ang bahala. Ang tanong—gusto ba silang tulungan ng LGU? Kung gusto, maraming paraan.”

Dagdag pa niya, puwede ring kontratahin ng UPLB ang grupo nina Kuya Angel para sa kanilang serbisyo. “May legal ways naman para diyan. Kung gustuhin ng UPLB, maaaring sila na lang ang kuhanin.”

Habal-habal at Ride-Hailing Apps

Ang paggamit ng motorcycle taxi apps ay isa ring nakikitang solusyon. Ayon kay Gepuela, “Mas organisado sila, may regular na sweldo at benepisyo tulad ng SSS at PhilHealth.”

Bukas naman si Kuya Angel sa posibilidad. “Kung magkaroon ng ganito, baka magamit ng UPLB ang pagiging autonomous nila at sila na mismo ang mag-allow sa amin na kami na lang ang kunin nila.”

Pangarap na Ginhawa

“Gusto ko sanang iparating na nandito kami kasi may pangangailangan sa ganitong klaseng serbisyo. Sana, kung magkaroon ng permanent law, ma-recognize nila kami,” mensahe ni Kuya Angel sa pamunuan ng UPLB.

“Wala naman kaming naaksidente sa history ng grupo. Maingat kami. Taga-rito lang din kami. Sana ma-prioritize na kami na lang ang bigyan ng hanapbuhay dito sa mismong komunidad ng Los Baños.”