Pekeng honey, tinutukoy ng DOST-PNRI device

Ulat nina Charlie Centeno, Angelo James Fababeir, at Maria Isabella Ordoñez

BENEPISYO NG KIWOT. Tinatalakay ni Dr. Cleofas R. Cervancia, ang nangunguna sa UPLB Bee Program, ang mga stingless bees o kiwot at mga benepisyong hatid nito. (Charlie Centeno at Raymond Balagosa/LB Times)

Taong 2020 nang magsimulang mag-alaga ng mga bubuyog si Ma. Elena Violeta ‘Marlene’ Francia, may-ari ng Blushing Beekeeper mula sa Los Baños, Laguna. Kasabay ng pag-aalaga ng mga Philippine stingless bees (Tetragonula birioi) o kiwot, ibinebenta niya ang pulot mula sa mga ito.

I first took the Intensive Beekeeping Training under the UPLB Bee Program last November 2019. Gusto ko talaga. Part yan ng aking life experiencessustainability and saving bees,” kwento ni Francia.

Nagsimula lamang si Francia sa sampung kolonya ng mga kiwot at ngayon ay nakaka-harvest na siya ng pulot mula sa mga ito isa o dalawang beses sa isang taon. Samantala, kaakibat ng pagkasira ng kalikasan na tirahan ng mga bubuyog, problema din para sa mga negosyanteng katulad ni Francia ang pagdududa ng mga tao kung tunay nga bang pulot ang kanilang ibinebenta.

Ayon sa datos ng Department of Science and Technology – Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI), tatlo sa bawat apat na pulot na ibinebenta sa merkado at apat sa bawat limang pulot naman na nabibili online ay adulterated o hinaluan ng ibang asukal katulad ng corn syrup.

Kaugnay nito, maging ang mga serbisyo ng honey authentication ay hindi madaling gawin para sa mga beekeepers.

Ani Francia, “Hindi pa [nakaka-try ng honey authentication] kasi its too much for me. Although meron akong standing invitation sa PNRI. Mahal yan eh, mahal yang authentication. A small beekeeper like me won’t be able to do it.”

Para sa mga kagaya ni Francia, may bagong pamamaraan ng pagpapatunay ng pulot ng kiwot na nadiskubre ang mga eksperto na mas mura at mas mabilis.

BILI NA SUKI. Si Marlene Francia (kanan) habang nag-aabang ng mga mamimili para sa kanyang mga ibinebentang pulot, propolis, at iba pang organic agricultural products sa LB Sunday Market. (Charlie Centeno/LB Times).

Pag-asa sa Handheld XRF

Sa pananaliksik ng DOST-PNRI, kasama ang University of the Philippines, natagpuang mabisa, mabilis, at mas murang screening technique para sa authentication ng mga pulot na gawa ng kiwot ang handheld X-ray fluorescence spectroscopy (hXRF) method katuwang ang ilang machine learning models. 

Pinamagatang “Identifying bee species origins of Philippine honey using X-ray fluorescence elemental analysis coupled with machine learning,” ang kanilang pag-aaral ay nailimbag sa Food Chemistry noong Pebrero 2025.

Sa pangunguna ni Dr. Angel T. Bautista VII, Direktor ng DOST-PNRI, ito ay naglalayong sukatin ang hXRF bilang alternatibong paraan ng pagpapatunay ng mga pulot sa pamamagitan ng paghahanap kung sa aling uri ng bubuyog ito nagmula. Taliwas ito sa mga kasalukuyang pamamaraan ng authentication na gumagamit ng mga pinagmulang pollen ng pulot o kaya naman ay gamit ang lebel ng asukal.

PAANO SA LABORATORYO. Si Dr. Angel T. Bautista VII, Direktor ng DOST-PNRI, habang ipinapaliwanag ang proseso ng honey authentication tests sa kanilang laboratory.
(FEATR Media/YouTube).

Sa pamamagitan ng hXRF analysis, nakitaan ng mas mataas na lebel ng Potassium (K) at Chlorine (Cl) ang pulot ng kiwot kumpara sa mga European honeybees (Apis mellifera), at Philippine giant honeybees (Apis breviligula and Apis dorsata) o pukyutan. Ang mga nakuhang datos na ito ay ginamit para mahanap ng mga machine learning models kung aling uri ng bubuyog ang gumawa ng sample na pulot. Base sa kanilang imbestigasyon, matagumpay nitong natukoy ang mga pulot na galing sa kiwot nang may 95.3% na accuracy at 98.3% na specificity, kumpara sa accuracy para sa mga honeybees na nasa 75% lamang.

Using the handheld XRF, we can use it as a pre-screening method such that pag pumasa siya doon, sure na authentic siya. Pero pag bumagsak siya doon, kailangan nating i-verify using SCIRA method. Useful siya for quick screening,” saad ni Bautista.

Handheld XRF Para sa Kiwot

Karaniwang sinusukat ng XRF ang porsyento o parts per million (ppm) ng mga elementong matatagpuan sa pulot mula Sodium (Na) hanggang Uranium (U). Ginagamit ang mga resulta ng elemental analysis upang sanayin ang mga machine learning models na makilala kung saang lugar galing ang pulot o kaya naman ay anong uri ng bubuyog ang gumawa nito.

ALTERNATIBO. Biswal na representasyon ng isang point-and-shoot na
handheld X-ray fluorescence o hXRF. (Bauyon et al., 2023)

Sa pag-aaral nina Bautista, ginamit nila ang handheld XRF katuwang ang Random Forest at Logistic Regression na mga machine learning models upang tukuyin kung aling uri ng bubuyog ang gumawa ng mga pinag-aralang pulot, partikular kung ito ba ay nanggaling sa Philippine stingless bees, European honeybees, o Philippine Giant Honeybees.

Hindi lamang handheld XRF ang mga pamamaraan ng pagpapatunay ng pulot na ginagamit sa Pilipinas. Nariyan ang sugar profile testing o mas tinatawag din na HPLC (High Performance Liquid Chromatography) kung saan sinusukat ang konsentrasyon ng iba’t ibang uri ng asukal sa pulot kagaya ng glucose, sucrose, at fructose. Ang Stable Carbon Isotope Ratio Analysis naman o SCIRA ay sumusukat sa bakas ng mga stable carbon isotopes na matatagpuan sa pulot at ikinukumpara sa carbon isotopes ng mga halamang kinakain ng mga bubuyog.

Kwento ni Bautista, bagaman pinakamainam na pamamaraan ang stable carbon isotope, umaabot ito ng ₱8,000 kada sample at dalawang linggong proseso. Samantala, ang handheld XRF na kanilang ginamit sa pag-aaral ay ₱1,500 lamang kada sample at natatapos sa loob lamang ng limang minuto.

Aniya, “Kung kaya na pala ng mas mura at mas simpleng method, you don’t have to go to the mas mahal at mas matagal na method. Syempre, practicality-wise, you want to be able to accomplish yung gusto mong ma-accomplish in the fastest and cheapest way.”

Pulot ng Kiwot at mga Isyu ng Pamemeke

Adulterated honey ang tawag sa mga pulot na may halong ibang sangkap tulad ng corn o sugar syrup. Noong 2021, naitala ng PNRI na pitumpu’t limang porsyento (75%) ng mga lokal na pulot sa merkado at walumpu’t anim na porsyento (86%) ng mga pulot na binibili online ay maituturing na peke. Lumabas din sa kanilang pag-aaral na ang mga honey brands na ito ay sugar syrup lamang talaga at walang halong totoong honey.

PULOT-KIWOT. Hilerang bote ng mga pulot na gawa ng kiwot ang isa sa pangunahing ibinebenta ng Blushing Beekeeper na matatagpuan sa LB Sunday Market.
(Charlie Centeno/LB Times).

Kaya naman para kay Francia, mahalaga ang honey authentication sa mga katulad niyang beekeeper upang mapanatili ang kanilang integridad bilang isang beekeeper na nagbebenta ng honey. Ito rin ang opinyon ni  Dr. Cleofas Cervancia ng UPLB Bee Program.

Aniya, “The study seeks to tackle this problem by developing a fast tool for detecting adulteration, thereby ensuring honey’s authenticity and preserving its integrity. Additionally, it may aid in standardizing honey quality across different regions, promoting trust and transparency within the industry.”

Ang hXRF method katuwang ang ilang machine learning models ay nakatutulong upang mas makilala at masuri ang tunay na pulot ng mga kiwot sa mga pamilihan kumpara sa mga peke. Dagdag pa rito, mas mae-engganyo ang mga mamimili na tangkilikin ang mga pulot at iba pang produkto mula sa mga kiwot.

“So imaginin mo na 4 out of 5 ng kalaban mo sa market ay fake tapos bagsak presyo pa sa kanila. So paano lalaban yung authentic beekeepers natin sa ganong landscape ng market? Definitely, there’s some pressure to lower the prices of their products. Nasasayang yung potential,” paliwanag ni Bautista.

Ang kiwot (T. birIoi) ay isang uri ng bubuyog na walang panusok o sting. Itim ang kulay ng mga ito at may kaliitan ang sukat na umaabot lamang mula 3 hanggang 5 millimeters. Ayon kay Cervancia, ang mga kiwot ay social insects na may reyna at mga trabahador. Ang populasyon ng mga kiwot ay tinatawag na colony. Dagdag pa niya, ang mga kiwot ay mahusay na mga pollinators sa mga halaman tulad ng mangga, avocado, rambutan, at mga gulay.

Bukod sa kanilang ambag sa kapaligiran, ang mga pulot na ginagawa ng mga kiwot ay nakitaan ng mataas na nutritional value. Paliwanag ni Cervancia, ang pulot ng kiwot ay may mas mataas na antioxidant properties. Mas mababa rin ang lebel ng sucrose nito (0.3-1.0%) kumpara sa 5% ng mga karaniwang laywan at pukyutan.

Ayon naman kay Bautista, maikukumpara ang methylglyoxal (MGO) ng pulot galing sa kiwot sa pulot Manuka. “May mga studies na nagsasabi na yung stingless bee honey ay at par or sometimes even better pa yung non-peroxide activity compared to Manuka. Kaya masasabi natin na may panlaban si stingless bee honey. May potential siya na mag-rival sa Manuka honey na sobrang sikat,” saad niya.

Mga Hakbangin sa Paglutas ng Problema

Sa kinakaharap na suliranin sa laban ng authenticity ng mga beekeepers at honey sellers, ang mas mura, mas mabilis, at mas accessible na authentication test ang nakikitang solusyong ng DOST-PNRI upang labanan ito. Ayon kay Bautista, hangarin nila na maisama sa Philippine National Standards ng Department of Agriculture ang hXRF bilang natatanging method para sa mga kiwot.

TOTOO O HINDI. Nakahanda na ang iba’t ibang samples ng pulot para sa isang
stable isotope test sa laboratoryo ng DOST-PNRI. (FEATR Media/YouTube)

“Meron tayong tool, technology, science, research and technology na nadevelop. Meron na tayong available to really combat this problem, to really solve this problem. It’s a matter of help, tulong tulong ng ibang sectors,” wika ni Bautista.

Hinihikayat din ng DOST-PNRI na ituring ng Food and Drug Administration ang pagbebenta ng pekeng pulot bilang isang malaking problema sa industriya ng beekeeping. Ang pagbebenta ng mga high fructose corn syrup bilang pulot ay may kaakibat na masamang resulta sa mga mamimili dahil kinokontra nito ang nutritional at medicinal purpose ng tunay na pulot.

Upang masiguro ang pagpapatuloy ng pagtulong ng hXRF para sa mga nag-aalaga ng kiwot at nagbebenta ng pulot, nais din ng DOST-PNRI na magkaroon ng isang mobile app na mailalagay ang datos ng nagawa nilang machine learning models.

Saad ni Bautista, “Kahit sinong may hXRF, magbasa, and then use the smartphone app. Ipapasok nila yung data from hXRF doon sa smartphone app and then yung app ang magsasabi kung authentic or not.

Sa panig naman ng mga beekeeper, ayon kay Francia, malaking tulong ang mga pamamaraang ito upang maayos na makontrol ang mga ibinebentang pulot sa merkado. Aniya, nararapat lamang na bilihin ng gobyerno ang mga teknolohiya sa pagpapatunay ng mga pulot at maging abot-kaya ito para sa publiko.

Hinaharap 

Patuloy ang pag-ugong ng industriya ng beekeeping at honey dito sa Pilipinas. Ngunit kasabay ng paglaganap nito ay ang paglabas din ng iba’t-ibang hamon hindi lamang para sa mga beekeepers, kung hindi para na rin sa mga nagbebenta at bumibili ng honey. Isa na riyan ang honey authentication, na ayon kay Bautista ay pumipigil sa potensyal ng mga Philippine stingless bees o kiwot.

Sa kabutihang palad, patuloy ang siyensya sa pagtuklas ng mga paraan kung paano mapapadali ang pagpapatunay ng mga honey, tulad na lamang ng bagong diskubreng hXRF. Sa tulong nito, mas uusbong at mamulaklak pa ang industriya ng beekeeping at honey ng mga produktong tunay at totoong makatutulong sa mga PIlipino.

“Nandyan yung honeybee associations, yung mga regulatory agencies, nandyan yung general public. Kailangan tulong-tulong talaga para labanan to [adulteration]. Nandyan na yung solusyon, kailangan na lang talagang gawin. Hopefully, with enough effort, makaabot tayo. Ma-maximize natin yung potential ng ating local honey industry,” pagwawakas ni Bautista.