Ulat ni Sophia Ramilo
Nagsagawa ng Plastic at E-Waste Collection Drive ang UPLB kaninang umaga sa UPLB Saturday Bazaar sa SU Parking Lot ngayong Setyembre 20, 2025. Bahagi ito ng “Clean UP, LB” campaign ng UPLB Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) ngayong linggo.
Hinikayat ang komunidad na dalhin ang kanilang mga malilinis at tuyong plastics gaya ng mga supot, balot, at iba pang pakete para sa tamang pagrerecycle. Kasama rin ang lumang electronic devices gaya ng cellphone, charger, at iba pang kagamitan upang maisama sa tamang proseso ng e-waste management.
Layunin nitong mapababa ang dami ng plastic waste, mapangalagaan ang kapaligiran, at maitaguyod ang malasakit sa kalikasan sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng komunidad.
Noong Setyembre 15 ay nagsagawa rin ng webinar ang OVCCA ukol sa 5S of Good Housekeeping at Waste-at-Source Segregation (WASS).
