Ulat nina Jillian Reez Palis, Christian Karl Babaran, Sophia Ann Ramilo, Angenina Paulette Damil, at Janzen Razal
Mahigit kalahati ng mga taga-CALABARZON na may edad 10 pataas ay nakaranas ng cyber incidents, batay sa paunang resulta ng National Information and Communications Technology Household Survey (NICTHS) na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region IV-A (Calabarzon) sa ginanap na Regional Data Dissemination Forum noong Setyembre 29, 2025. Ito ay alinsunod sa pagdiriwang ng Cybersecurity Awareness Month ngayong Oktubre.
Ayon sa datos, 46.7% ng mga indibidwal ay naging biktima ng SMS fraud, habang 7.3% ang nakaranas ng phishing, 4.5% ng hacking, at 1.4% naman ng cyberbullying. Sa kabila nito, isa lamang sa bawat tatlong indibidwal na may edad 10 pataas ang may kaalaman sa data privacy, na nagpapakita ng malaking puwang sa kamalayan hinggil sa cybersecurity sa rehiyon.
Sa kabila ng mga panganib na ito, lumalawak naman ang koneksyon ng mga mamamayan sa Internet. Lumabas sa parehong ulat na 53.2% ng mga kabahayan sa Calabarzon ay may internet access noong 2024, isang pagtaas ng 29 puntos mula 2019. Tinatayang 9.98 milyong residente o 71.4% ng mga may edad 10 pataas ang gumagamit ng internet, kadalasan mula sa sariling bahay (72.8%), kasunod ang paggamit sa bahay ng iba (40.6%), sa pamamagitan ng mobile access (31.8%), at sa mga pampublikong pasilidad (10%).
Ipinapakita ng mga resulta ang sabayang pag-angat ng internet connectivity at cyber risks, na lalong nagpapatingkad sa pangangailangan ng mas malawak na cybersecurity awareness programs sa rehiyon.

