Sa likod ng entablado: Sining at paglilingkod ng mga artistang Los Bañense

Ulat nina Julia Caballero, Gwen Salespara, at Josh Stephen Astillero

Himig Eskultura Chorale/Facebook

Kaugnay na ulat: Kumpas ng Isang Pangarap

Gaano nga ba kahalaga ang pagkilala sa sining, musika, at kulturang mayroon tayo?

Nagpahayag ng mga saloobin ang mga lokal na alagad ng sining mula sa larangan ng pagkanta, pagtugtog ng instrumento (cello), pagsayaw, chorale conducting, at pag-arte. Sila ay ilan sa mga artista ng bayan na patuloy na nagbibigay-buhay at kulay sa bayan ng Los Baños.

Bagama’t hitik sa talento ang lalawigan ng Laguna, samu’t sari rin ang hamong kanilang kinahaharap — kakulangan sa espasyo para mag-ensayo, limitadong pondo, at kakulangan ng tuloy-tuloy na suporta mula sa lokal na pamahalaan. Sa kabila nito, hindi nagpapigil ang kanilang dedikasyon at pagmamahal sa sining. Patuloy silang lumilikha, umaawit, sumasayaw, at tumutugtog — hindi lamang para sa sarili kundi para sa bayan.

Tunay na ang kanilang sining ay anyo ng paglilingkod at pagpapahayag, isang matapang na tugon sa panawagang buhayin at panatilihin ang ating kultura.

Sa pamamagitan ng kanilang mga mensahe, ating mararamdaman ang puso ng kanilang sining — at kalakip nito ang kanilang mga pangarap, paninindigan, at pag-asa. Bawat tinig at kilos ay nagsisilbing paalala na ang sining ay hindi lamang para sa entablado kundi para sa bawat daan, tahanan, at komunidad.

Aktibo mang kumikilos ang lokal na pamahalaan upang pasiglahin ang sining ng bayan, nananawagan pa rin ang mga lokal na artista sa partisipasyon ng publiko. Ang sining ay salamin ng ating pagkatao, ugnay ng ating pagkakakilanlan, at tulay ng ating mga kwento.

Pakinggan ang ating mga lokal na alagad ng sining — sapagkat sa kanilang paglikha, patuloy na nabubuhay ang ating kultura at identidad bilang isang Pilipino.