Ulat ni Mai Mariano at Eunice Bonifacio
Mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino ang pagdiriwang ng Pasko, panahong inilalarawan ng salu-salo, pagbibigayan, at pagsasama ng pamilya. Kaugnay nito, kamakailan ay naglabas ng pahayag si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na maaari umanong magkasya ang ₱500 bilang Noche Buena budget para sa isang pamilyang may apat na miyembro. Ang pahayag ay ibinatay sa 2025 Noche Buena Price Guide ng DTI, na naglalaman ng presyo ng mga karaniwang sangkap tuwing Kapaskuhan.
Umani ng negatibong reaksyon mula sa ilang residente ng Los Baños, Laguna ang nasabing pahayag. Para sa marami, hindi tugma ang inilatag na badyet sa aktuwal na presyo ng mga bilihin at sa kanilang karanasan bilang mga mamimili.
Ayon kay Zaldy Caparaz, may-ari ng maliit na negosyo at residente ng Barangay Batong Malake, hindi makatotohanan ang ₱500 na Noche Buena budget. “Kahit anong gawin mo, hindi magkakasya ’yon. ’Yung mga nasa gobyerno, puro salita lang. Sa aktuwal, hindi mangyayari ’yon,” ani Caparaz.
Ibinahagi rin ni Felipe Olmidillo Jr., isang appliance technician mula sa kaparehong barangay, ang hirap ng mga manggagawang walang regular na kita. “Baka sa kanila sapat ’yon kasi hindi nila nararanasan ang hirap. Pero sa amin, araw-araw namin ’yang dinaranas,” aniya.
Para kay Ronnie Casas ng Bay, Laguna, hindi rin maikakaila ang bigat ng Pasko sa kulturang Pilipino. “Sa ganitong okasyon, hangga’t maaari, buhos talaga. Hindi uso sa atin ang magtipid kapag Pasko,” aniya.
Samantala, para naman kay Crizelda Suela, isang tindera ng balut at penoy sa Barangay Batong Malake, kung walang ibang pagpipilian ay pagtitiisan na lamang ang ₱500. “Kung wala talaga, ayun na lang ang pagkakasyahin at pagsasaluhan,” sabi niya.
Batay sa pahayag ni Secretary Roque, maaaring makapaghanda ng ham, spaghetti, at macaroni salad sa halagang ₱500. Ayon sa DTI, 129 sa 256 produktong kasama sa 2025 Noche Buena Price Guide ang hindi nagtaas ng presyo kumpara noong nakaraang taon.
Gayunman, kahit ibase sa pinakamurang brand ng mga sangkap na nakasaad sa price guide, kulang pa rin ang ₱500 upang mabuo ang mga nasabing handa. Hindi pa kabilang sa kalkulasyon ang iba pang kailangang sangkap, gastos sa pagluluto, at iba pang pangangailangan sa paghahanda ng Noche Buena. Sa aktuwal na pagtutuos, kulang pa umano ng ₱22.66 ang limandaang pisong badyet, kahit piliin ang pinakamurang opsyon.
Dagdag pa rito, walang kasiguraduhan na mabibili sa lahat ng pamilihan ang mga produktong may pinakamababang presyo, kaya’t maaaring mapilitan ang mga mamimili na bumili ng mas mahal na alternatibo.
Bagama’t iginiit ng DTI na posible ang ₱500 Noche Buena, ipinapakita ng karanasan ng ilang mamamayan na nananatiling hamon ang pagkakasya ng nasabing halaga. Para sa maraming pamilyang Pilipino, ang Pasko ay patuloy na ipinagdiriwang sa gitna ng limitadong badyet kahit mangahulugan ito ng pagtitipid, basta’t may maihain sa hapag at maibahagi sa pamilya.
