Tourism nanguna sa agenda ng ilang mga sektor ng Los Baños

Ulat ni Miguel Victor Durian

Nanguna ang tourism sa pinaka-importanteng isyu ng iba’t ibang kalahok na sektor ng Los Baños sa isinagawang LB Bayanihan Community Gathering noong ika-6 ng Setyembre 6 2025 sa covered court ng Colegio de Los Baños (CDLB) kung saan tampok si Los Baños Mayor Neil Andrew Nocon.

Ayon sa kanila, sa tourism nakakalamang ang Los Baños dahil sa taglay nitong mga likas na yaman, kultura, at pamana na nagbibigay pagkakakilanlan dito. Tinutuhog din daw nito ang iba pang mahalagang isyu kagaya ng kalusugan, culture and history, education, environment, at livelihood. Kaya isinulong ng sektor kay Mayor Nocon na pag-ibayuhin pa ang ugnayan ng tourism projects ng bayan sa mga isyung ito.

Ang taunang Bañamos Festival ay isa sa pangunahing tourism programs ng LGU. Kasama rin dito ang SyenSaya Science Festival na pinangungunahan ng Los Baños Science Community Foundation Inc. kung saan miyembro. Ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) ay isinusulong naman ang kahalagahan ng kalikasan sa programa nitong Promoting Agroforest Stewardship and Ecological Observations through Edutourism (PASEO).

Layunin ng aktibidad na palakasin ang ugnayan ng lokal na pamahalaan at ng komunidad sa pagbuo ng mga plano para sa bayan at sa pagtukoy ng papel ng mamamayan sa pagpapatupad ng mga ito.

Samantala, ang mga isyu ng systemic corruption, health, at traffic ang sumunod sa mga pangunahing agenda ng mga kalahok.

Ang ekonomistang si Cielito F. Habito at ang Life Learning Organization of PEACE (People Engaged in Active Community Experience) ang nagsilbing punong-abala ng pagpupulong.

Sa pangunguna ng PEACE members na sina Gian Carlo de Jesus at Kate Palma de Jesus, ang pagbabahagi ng pananaw ng mga kalahok ay parte ng “MANIFESTIVAL: A Futures Game with the Mayor” initiative kung saan sila ay lumikha ng mga “artifacts” o kongkreto at malikhaing representasyon ng mga posibleng hinaharap ng bayan.

Kabilang dito ang mga kathang produkto, balitang pahayagan, o parangal na naglalayong gawing mas malinaw at mas madaling maunawaan ang kanilang mithiin.

Bunga ng nasabing laro at dayalogo ang collective vision para sa bayan: “Los Baños: The Science, Nature, Culture, Sustainability, and Spirituality City.”

Sa kabuuan, nagsilbing espasyo ang pagtitipon upang marinig ng lokal na pamahalaan ang tinig ng iba’t ibang sektor at mapalalim ang partisipasyon ng mamamayan sa pagbabalangkas ng mas inklusibo at progresibong kinabukasan para sa Los Baños.