Ulat nina Emmanuel Andrei Pelobello at Althea Rodriguez
Nagtipon-tipon ang mga mamamayan ng Los Baños sa General Paciano Rizal Park upang maaninag ang paglubog ng araw kasama ang pagpapailaw ng lumang pantalan ng Los Baños bilang parte paglulunsad ng Sunset at the Park nitong ika-25 ng Oktubre 2025. Bukas ito sa publiko tuwing Sabado.
Kasabay nito ang pagtatampok ng mga lokal na Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) bilang pagpapahalaga sa produkto at serbisyong likha nila na nagpapayabong sa turismo at ekonomiya ng bayan ng Los Baños. Tampok din dito ang mga lokal na artista na luingguhang magtatanghal sa entablado ng programa.
“Okay siya para sa mga locals ng LB kasi nabibigyan ng opportunities ‘yong maliliit na businesses tulad naming mga crafters. Nabibigyan kami ng pagkakataon na ma-showcase ‘yont crafts namin dito sa ground ng LB,” ani Collen, kasapi ng EsKultura organization ng Laguna State Polytechnic University – Los Baños.
Nagbigay-daan din ito kay Aira, may-ari ng Z Coffee, upang mapayabong ang kanilang negosyo at matulungan ang mga working student na nagtratrabaho sa kanya.
“Ito [Sunset at the Park] ‘yong isang lugar na p’wedeng mabuo ‘yong mga turista natin, tapos kami ‘yong nago-offer ng p’wede nilang makain, mainom,” dagdag niya.
Pinasinayaan naman ang premiere show ng mga performance mula sa Cesar P. Perez Brass Band at LSPU-LB EsKultura – Vocal Solo, Vocal Duet, Contemporary Dance, at Himig EsKultura Chorale.
Parte ito sa plano ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños, sa pangunguna ni Mayor Neil Andrew Nocon at Konsehal Leren Mae Bautista, Sangguniang Bayan Committee Chair on Tourism, para ipagmalaki at ipakita kung saan kilala ang bayan at payabungin ang turismo ng Los Baños.
“Ito, Sunset at the Park, syempre gusto natin i-highlight ‘yong old pantalan … tapos ‘yong sunset kasi natin, ito ‘yong isa sa pinupuntahan sa bayan ng Los Baños. It’s the best selling point para sa mga turista, tsaka sa local tourists, and sa residents natin na buhayin ulit natin ang bagong tradisyon,” ani Konsehala Bautista.
Paraan din ito ni Los Baños Mayor Niel Andrew Nocon upang tulungang bumangon ang mga Los Bañense sa naging epekto ng pandemya kahit tatlong taon na ang nakalipas.
“Ang pinakamabilis to spur economic development really is tourism. When tourism advances, poverty retreats. ‘Pag may turista, may kita. Kaya iyon ang ginagawa natin, ‘yon ang pinakamabilis.” diin ni Mayor Nocon.
Samantala, nilatag ni Mayor Nocon ang plano niyang gawing “Spanish Park” ang plaza sa susunod na taon. Kasama ito sa kasalukuyang ginagawang heritage walk activity ng Pamahalaang Bayan tampok ang mga makasaysayang lugar sa Bayan bilang pagpapahalaga sa kasaysayan ng Los Baños.

