‘under_score’ inilunsad ng Sining Makiling Art Gallery

Ulat ni Janzen Razal

Tampok sa bagong eksibisyon ng UPLB Sining Makiling Art Gallery ang likha ng sampung lokal na pintor ng MakiSining na inilunsad nitong ika-16 ng Setymbre 2025.

Pinamagatang ‘under_score,” ang eksibisyon ay bukas hanggang ika-16 ng Oktubre, 8:00 AM to 5:00 PM, sa UPLB DL Umali Hall sa pangunguna ng UPLB Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA).

Kasama rito sina Betsy Alejo-Aytin, Bezaleel Banogon, Domiel Mercado, John Carlo Dioso, Paul John Galagar, Dalnold Laotingco, Malachi Lim, Bong Salazar, Miguel Toledo, Ritche Yee, at Struss Yee.

Sa seremonyang pambungad, ibinahagi ni Luis E. Yee, Jr. o kilala bilang ‘Junyee’, Father of Installation Art ng Pilipinas, na dapat taglayin ng isang alagad ng sining ang craftsmanship, composition, at originality. Dagdag pa niya, mahalaga para sa isang artista ang pagiging bukas ang isipan at handang tuklasin ang mga bagong ideya araw-araw, sapagkat walang hangganan ang posibilidad sa sining.

Layunin ng eksibisyon na gamitin ang sining bilang simbolo ng mga hindi nakikita at hikayatin ang publiko na pag-isipan kung paanong ang pagkakahiwalay ay maaari ring magsilbing koneksyon. Tinatalakay din nito ang mga bagay na madalas nakakaligtaan ng ating atensyon at pinapakita ang ugnayan ng kultura, sining, at lipunan na mga haliging isinusulong ng MakiSining.

Isa sa mga tampok na obra ay ang likha ni Bezaleel Banogon na pinamagatang “I See The Future.” Ipinapakita nito ang dualistic aspect ng Eye of Ra (Sun God) bilang simbolo ng pagkasira at ng Eye of Horus (God of the Sky) bilang simbolo ng paglikha.

Ayon sa kanya, “Ang era ng destruction natin today, I believe is temporary only. And it will eventually give way to a new age ng pag-usbong ng mga bagong ideals, ways of life. One day, maybe not in our lifetime, magkakaroon ng time for new birth for things.”