Ulat nina Arissa Jelina Cuyos at Nerelaine Espalto
Isinagawa ang isang kilos-protesta sa UPLB noong Nobyembre 17 bilang paggunita sa International Students’ Day, kung saan mariing ipinahayag ng mga estudyante ang kanilang pagtutol sa umano’y talamak na korapsyon sa bansa at ang panawagan para sa karapatan sa edukasyon. Nagsimula ang programa sa Oblation Park sa hapon at nilahukan ng iba’t ibang organisasyon at kolektibong estudyante.
Nagbigay ng pahayag si Ivan Combate, kinatawan ng College of Development Communication Student Council (CDC) sa University Student Council (USC). Ayon sa kanya, mahalagang tungkulin ng mga iskolar ng bayan na maging tulay ng mga panawagan ng mamamayan.
“Tayo, na may pribilehiyong makatamasa ng isang burgis na uri ng edukasyon, ay may tungkuling dalhin ang mga panawagan mula sa labas papasok sa loob, at ibalik sa kanila ang serbisyong inaasahan nila mula sa atin,” aniya. Dagdag pa niya, hindi maihihiwalay ang laban ng mga estudyante sa mas malawak na pakikibaka ng sambayanan.
Nagpahayag din ng suporta ang iba pang organisasyon tulad ng Youth Advocates for Peace with Justice–UPLB (YAPJUST-UPLB), Rise for Education UPLB, at iba pang progresibong grupo na nagbigay-diin sa kahalagahan ng isang makatarungan at makataong sistema ng pamamahala.
Para kay Lei Itable, isang freshman, nakapagbibigay-lakas ang mga ganitong pagkilos. “Sobrang nakakapagbigay-buhay ng dugo,” aniya. Binanggit din niyang tungkulin ng mga estudyante na patuloy na manawagan ng pananagutan at bantayan ang mga isyu upang hindi ito malimutan sa paglipas ng panahon.
Nagsimula ang serye ng mga aktibidad dakong 7:00 ng umaga at ipinagpatuloy pagdating ng 2:00 ng hapon bilang paghahanda sa sabayang pagmartsa patungong Crossing, Calamba.
