Ulat nina Hannah Reyn Magbanwa at Carl Daniel Patambang

Pinangunahan ni Vice Chancellor for Community Affairs and UPLB PASEO Project Leader Roberto Cereno ang campus heritage walk kasama ang mga nagnanais maging Educators for Nature Tourism | Larawang Kuha ng UPLB PASEO.
LOS BAÑOS, LAGUNA—Sa gitna ng luntiang kapaligiran ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), patuloy na umuusbong ang programa ng Promoting Agroforest Stewardship & Ecological Observations (PASEO) through Edutourism, na pinamamahalaan ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA).
Itinatag ang PASEO sa UPLB noong 2023 sa ilalim ng Commission on Higher Education (CHED) StudyPH Program, at suportado ng travel tax fund mula sa Department of Tourism (DOT).
Kasama sa programang ito si Jerome “Pichi” Atangan, isang Educator for Nature Tourism (ENT) mula sa College of Development Communication, na nagsabing pinalalim ng programa ang kaniyang pagmamahal sa UPLB at nagpatibay ng pakikilahok sa komunidad at adbokasiya para sa kalikasan.
“It really solidifies your identity as a student—not just as a student, but as a member of the community here at UPLB. It’s a huge help to me because I get to know a lot of people; and from the people I get to know, I learn a lot,” wika ni Pichi.
Pagsasanay ng isang ENT
Bagama’t noong una ay kinabahan siya dahil bago sa kaniya ang konsepto ng edutourism, sa pamamagitan ng training workshop series para sa mga nagnanais maging ENT, natutuhan niya ang tamang tour etiquette, scriptwriting, at delivery.
Dagdag pa rito, tumatak kay Pichi ang una niyang pag-tour sa Green Mobility Campaign ng UPLB kung saan naroon si CHED Chairperson Prospero De Vera III.
“That was the first time, and I was assigned sa first station. Kinabahan ako, pero naging masaya rin kasi nakita ko na maraming taong may parehong passion para sa environment at climate justice.”
Ayon kay Pichi, bahagi ng kaniyang paglago ang mga karanasang gaya nito na nagpapatunay na patuloy ang pagkatuto sa labas ng silid-aralan.
Bilang bahagi ng lagpas 20 na ENTs, natuto siyang makinig, mag-adjust, at maging intensyonal sa mga sinasabi, dahil naniniwala siyang may kapangyarihan itong baguhin ang pananaw ng iba tungkol sa kalikasan at edukasyon.

Nagsagawa ang UPLB PASEO ng Tour Guiding Workshop para sa mga interesadong mag-aaral, kasama ang mga kasalukuyang Educators for Nature Tourism (ENT) kagaya ni Pichi, Mayo 19.
Layunin at benepisyo ng PASEO
Ayon kay For. Roberto Cereno, Vice Chancellor for Community Affairs at program leader ng PASEO, nakasentro sa agham, sining, at kalikasan ang mga programa ng UPLB PASEO tulad ng campus heritage walks na itinuturing na interactive learning experience para sa mga bumibisita.
Umiikot sa apat na pangunahing tema ang PASEO na mayroong iba’t ibang mga aktibidad na isinagawa:
- Agriculture and Science
- Biodiversity and Forestry
- Technopreneurship
- Culture and Arts
Layon ng programang hikayatin ang mga bumibisitang estudyante na mag-enroll sa UPLB at isulong ang pagiging edutourism site ng naturang campus.
Hindi lamang ENTs ang natutulungan ng PASEO, kundi nabibigyan din ng kita at oportunidad ang mga lokal na artisan, negosyante, at serbisyo sa paligid ng kampus dahil sa pagdami ng turista.
Sa ngayon ay nagsasagawa rin ng rehabilitation sa iba’t ibang lugar sa campus gaya ng pagsasaayos ng Makiling Botanic Garden, habang inilunsad na rin ang official tour application na UPLB TRIPS.
“This is the part of the tour that you can book through a program we developed called TRIPS. Now, using your mobile, you can book your trip to UPLB using that mobile,” ani Cereno.
Kabilang sa pangunahing layunin ng programa ang pagpapalakas ng partisipasyon ng lokal na komunidad, kaya’t hinihikayat ni Cereno ang lahat na makilahok sa programa. Sa pamamagitan din ng programang ito, ginagawang mas bukas at kapaki-pakinabang para sa publiko ang unibersidad bilang isang destinasyon para sa pagkatuto at turismo.
PASEO bilang modelo ng edutourism sa iba pang pamantasan
Bitbit ang mga kaalaman at kasanayan sa PASEO, patuloy na isinusulong ng UPLB ang konsepto ng edutourism sa iba pang mga unibersidad sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa potensyal ng bawat kampus para rito.
Ayon kay For. Cereno, tanging UPLB pa lamang ang may aktibong edutourism program sa buong UP system, habang may ilang kampus na rin ang nagpapakita ng interes.
Dahil dito, nagsasagawa sila ng mga seminar sa mga lugar tulad ng Cagayan Valley, Tuguegarao, Davao, at Butuan, sa pamamagitan ng programang Higher Education Leadership Mentoring Scheme (HELMS).
“I heard that UP Visayas is also applying and Baguio. After doing their museum, they also want to have a program like this. Cebu, Tacloban, and even Mindanao also have potential,” aniya.
Dagdag pa niya na kasabay ng UPLB ang Bulacan State University at Central Luzon State University sa unang batch na nagsimulang magpatupad ng programa.
“We’re glad that we are entrusted by CHED to do this. We’ve been helping other state universities and colleges.”
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang implementasyo ng PASEO hindi lamang sa UPLB, kundi pati na rin sa mga pamantasan sa bansa. Para sa kanila, dito mas lumalawak ang edutourism na siyang nagpapatatag sa pamumuhay at kultura ng mga lokal na komunidad para sa mga mamamayan at kalikasan.
“I think the best thing about this is, aside from promoting what UPLB has, it really spearheads or forwards a movement—a movement for climate justice, a movement to preserve the environment, a movement to preserve culture and the arts, a movement to appreciate the arts.” saad ni Pichi.