Ulat ni Mary Edrielle Valiente
UPDATE (5:38 PM)
Sa ganap na 5:00 PM sa Paaralang Elementarya ng Paciano Rizal (PEPR) ay hindi pa rin dumarating ang bagong vote counting machine (VCM). Wala nang nakapila upang bumoto.
UPDATE (3:02 PM)
Ang isang vote counting machine (VCM) sa Paaralang Elementarya ng Paciano Rizal (PEPR) sa Bay, Laguna ay nasira kaninang alas dyes ng umaga at kasalukuyang hindi pa rin gumagana.
Ayon kay Gng. Maiel Luzande, punongguro ng PEPR, ang VCM ay hindi makatanggap ng balota matapos ang ika-151 na botante. Ang solusyon na kanilang ikinonsulta sa COMELEC ay ang pagpapatuloy ng botohan ngunit ang mga balota ay itinatabi lamang muna sa isang kahon. Ang mga botante ay pipirma muna sa isang waiver na nagsasabing pumapayag sila sa ganitong proseso bago sila tuluyang pabotohin.
Ang COMELEC ay may ipadadalang bagong VCM ngayong hapon.
(1:40 PM) Ang isang vote counting machine sa Paaralang Elementarya ng Paciano Rizal sa Bay, Laguna ay hindi gumana ng humigit-kumulang 30 minuto kaninang alas otso ng umaga. Ito ay nagdulot ng pagtagal sa pila ng ilang mga botante ngunit naayos ding muli.
Kasalukuyang patuloy ang pagboto sa paaralan. Ayon sa mga mamamayang bumoboto dito, kulang ng mga taong gagabay sa kanila sa pagpila sa tamang presinto at maraming hindi mahanap ang kanilang pangalan sa listahan na nakapaskil sa paaralan.
May iilang namimigay pa rin ng mga flyer na pangampanya sa labas ng Mayondon Elementary School ngayong araw ng eleksyon.
Ang pamimigay at pagsusuot ng campaign materials sa presinto ay ipinagbabawal ng Commission on Elections.