ulat nina Vince Cortez, Mistral Reyes, at Crissel Tenolete kasama ang mga larawang kuha ni Mistral Reyes
Nagtipon-tipon ang mga blood donors at volunteers sa New Municipal Hall Activity Center ng Los Baños. Ito ay para sa taunang bloodletting project na “Dugong Bayani” sa pangangasiwa ng Los Baños Municipal Health Office (LBMHO), noong Pebrero 10, 2018.
Isinagawa ang unang bloodletting project ngayong 2018 sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Blood Center (PBC) at iba pang mga kabalikat agency sa Los Baños; gaya ng mga paaralan, local government units (LGU), at simbahan. Ang taunang proyekto ay nangyayari tuwing buwan ng Pebrero, Hunyo, at Oktubre.
“Ang pinaka-purpose namin ay humingi ng dugo sa mga tao na talagang handang tumulong,” sabi ni Irene Bautista, head coordinator ng proyekto. “Ang kapalit naman [nito] ay pwede silang humingi ng dugo kung kinakailangan, nang walang bayad,” ani niya.
Dagdag pa ni Bautista, maaari ring lumapit ang mga nangangailangan ng dugo kahit hindi pa sila nakakapadonate, pero hinihikayat nila ang mga ito na makibahagi sa mga susunod na bloodletting project.
Para maipalaganap ang proyekto, mayroong tarpaulins na idinidikit sa bawat barangay at may mga anunsyo rin na binabahagi sa Facebook. Ayon kay Lorelie Padillo, Barangay Health Worker, nasa humigit kumulang 100 na katao ang pumupunta para magdonate ng dugo. Ani pa niya, isinasagawa nila ang proyekto para sa mga mamamayan ng Los Baños, gayong ang mga bags naman ay dinadala sa tanggapan ng PBC.
Target ng tagapamahala ng proyekto na makatamo ng 100–150 bags ng dugo. Bawat taon simula 2014 ay hindi pa umaabot ng 150 bags ang nakukuha nila, ngunit masaya sila dahil naaabot nila ang 100 na quota.
Upang makapagbahagi ng dugo, ang mga donors ay kinailangan dumaan sa apat na istasyon: registration booth, vital signs booth, screening booth, at consultation booth. Sa istasyon ng vital signs, tiningnan ang blood pressure, timbang, at temperatura ng mga nais maghandog ng dugo.
Sa screening booth isinasagawa ang hemoglobin check at panayam sa mga nais mag-donate ng dugo. Tinitiyak ng mga health workers na ang volunteers ay may timbang na 50 kilo pataas, nakatulog nang maayos bago ang araw ng bloodletting, at hindi uminom ng alak or alcoholic beverage.
Taliwas sa pinaniniwalaan ng ilan, maaaring ma-donate ng dugo ang mga may tattoo. Ayon kay Bautista, maaari silang magbahagi ng dugo basta’t naka-isang taon na ang tattoo mula noong inilagay ito.
Ang pinakabatang edad na maaaring mag-donate ay 15 na taong gulang, habang ang pinakamatanda naman ay 60 na taong gulang. Sa mga edad na mula 15 hanggang 17 ay kinakailangang may dala silang parent’s consent.
May mga pagkakataon na hindi tinatanggap ang mga donors sa kadahilanang hindi sila pasok sa mga nasabing requirements.
Ayon kay Lianne Marie Calimutan, Medical Officer III ng PBC, ang mga organisasyon na nais makipagtulungan sa PBC ay maaaring lumapit sa kanila. Kinakailangan lang nilang pumirma ng Memorandum of Agreement (MOA) na nagsasabing 70% ng dugo ay magiging pag-aari ng PBC at 30% naman ay sa partner nito. Dagdag niya, 65,000 na bag ng dugo ang target ng PBC ngayong taon. Ito ay dahil na rin sa dami ng mga nangangailangan nito.
Para sa karagdagang impormasyon, makipagugnayan sa tanggapan ng Philippine Blood Center sa numerong (02) 709-3703 o sa kanilang Facebook page.