nina Ranielle Averion at Lindsay Estacio
CALAMBA, LAGUNA – Isinagawa ngayong araw ang ikalawang araw ng taunang “Oplan Tuli” sa Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital sa Bucal, Calamba, Laguna. Ito ay isang programa ng Provincial Government of Laguna sa pangunguna ni Gob. Ramil Hernandez para sa mga kabataang lalaki edad 10 – pataas.
“Hindi ako kinakabahan, alam ko na kasi yung mangyagari”, pabirong sinabi ni Justin Ramos, 11, taga-Pansol, Calamba bago sya operahan. Sinamahan raw siya ng kanyang Ate ngayong araw.
Samantala, ayon naman kay Dr. Natividad S. Ocampo, pinuno ng Outpatient Department at ang Chief of Clinics ng nasabing ospital, na “nagiging routine na (ng mga binatilyo) ang magpatuli pagtapos ng Semana Santa” kaya naman taunan na nila itong isinasagawa.
Ngayong araw ay 35 na binatilyo ang natuli na nagtagal mula 1:30 hanggang 2:30 ng hapon. Inaasahang mahigit sa 30 na binatilyo pa ang pupunta sa mga susunod na araw.
Ang Oplan Tuli 2018 ay tatagal sa nasabing ospital hanggang Biyernes, Abril 6. Maaaring magpunta bukas sa Dr. Jose P. Rizal Memorial District Hospital para magpalista ng slot para sa pagpapatuli sa nasabing araw, sa Huwebes, at sa Biyernes.
Maaring kontakin ang nasabing ospital sa (049) 545-0082 para sa iba pang karagdagang impormasyon tungkol sa nasabing programa.