ulat nina Laubrey Ella G. Fernandez at Ma. Greatchin S. Brucal
mga litrato ni Jeric Agorilla
Nasa 50 hanggang 100 katao ang dumalo upang magbigay ng dugo sa ika-anim na yugto ng taunang blood drive handog ng UP Open University (UPOU) ngayong araw. Ang programa ay nagsimula ng alas-nwebe ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon sa Oblation Hall ng UPOU Headquarters, Los Baños, Laguna.
Ayon kay Ms. Emely M. Amoloza, event head, malaking bagay ang pagbibigay ng dugo dahil bukod sa tulong nito sa mga nangangailangan, ito rin ay isang benepisyo sa mga volunteers dahil ang pagpapalit ng dugo ay may maganda raw na epekto sa kalusugan.
“Ang malaking factor padin ay kung paano ka nakakatulong sa ibang tao”, sambit ni Amoloza.
Ang blood donation drive ay pinangunahan ni Amoloza bilang isang alaala para sa kanyang anak na namayapa noong Abril, pitong na taon na ang nakaraan. Ani niya, bagama’t hindi siya nahirapan sa paghahanap ng dugo para sa kanyang anak ay nakita niya ang matinding pangangailangan at importansya ng sapat na suplay ng dugo para sa buhay ng isang tao.
Dagdag pa niya, “Isa itong pasasalamat sa lahat ng tumulong sa aming pamilya noong panahon na may sakit ang anak ko.”
Samantala, ang mga volunteers naman ay nakatanggap ng libreng pagkain at t-shirt. Bukod sa mga walk-in volunteers, ang programa ay dinaluhan ng mga miyembro mula sa iba’t-ibang mga organisasyon na katuwang ng nasabing unibersidad.
Ang mga organisasyong ito ay ang sumusunod: 4RCDG ARESCOM, Camp Eldrige, Burning Bush International Ministry, Destiny Los Baños, Gospel Fundamental Baptist Church, Lakas Angkan Ministries Inc., MAKBOYS Adventure Team, Motorcycle Community Organization for Peace and Security/ Great Praetorian Riders Society, Philippine Red Cross- Laguna Chapter, Romeo M. Ramirez Transport Services, The UPLB Genetics Society, UPLB College of Development Communication, UPLB Credit and Development Cooperative, UP Community Broadcaster’s Society, Inc., UP Rural High School, UP SIBOL, at UP Soil Science Society.
Isa sa mga nag-donate ng dugo ay estudyante mula sa UPLB na si Nina Camille Gonzales, 19 na taong gulang. Ayon kay Gonzales, kinabahan siya dahil ito ang kanyang unang beses na magbigay ng dugo. Bukod pa rito, maaring hindi raw siya matanggap bilang volunteer. Matapos makita ang dugo na kaniyang naibigay ay labis niya raw itong ikinatuwa.
“The importance of donating is actually something intangible. It’s hope given to victims of disease and accidents that need blood. And only through donation can blood be obtained since it cannot be replicated by scientific means”, dagdag pa niya.
Ibinibigay ang mga dugong nalikom sa Philippine Red Cross na nag-susuplay ng dugo sa iba’t ibang panig ng bansa. Samantala, sampung porsyento (10%) ng mga nalikom na blood bags ay maaring hingin ng UPOU upang personal na maibigay sa mga nangangailangan.
Ang adhikain nila ay hindi natitigil sa isang araw na programa sapagkat tumutulong din ang opisina ni Amoloza sa paghahanap ng suplay ng dugo para sa mga nangangailangan kung sakaling hindi sapat ang kanilang naimbak na dugo.
Para sa karagdagang impormasyon patungkol sa blood donation ng UPOU, maaari na lamang tumawag sa numerong (049) 536-6001 (loc. 841); (049) 536-5993; o 09175025467 at hanapin si Ms. Ems Amoloza.