ulat nina Danielle Arnisto at Shayne Inojales
Isinagawa ng LATCH (Lactation, Attachment, Training, Counseling, and Help) ang Best Beginnings in Breastfeeding seminar kahapon, ika-14 ng Abril 2018, mula alas-dose y medya hanggang alas-singko ng hapon sa Classroom B, Continuing Education Center (CEC) o Obdulia F. Sison Hall, University of the Philippines Los Baños, Los Baños, Laguna.
Ito ay naglalayong magbigay ng kaalaman sa wastong pagpapasuso ng anak. Mahigit-kumulang 30 na katao ang dumalo, kabilang na rito ang mga buntis, nagpapasusong ina, tatay, at support group mula Los Baños at iba pang kalapit na munisipalidad.
Ang nasabing seminar ay ikalawa na ngayong taon at isinasagawa isang beses kada dalawang buwan.
Ito ay pinangunahan ng mga tagapagsalita na sina Armi Shyr Baticados, L.A.T.C.H. Los Baños coordinator, at Bing Sallan-Gonzales, miyembro ng LATCH Los Baños.
Ang mga sumusunod ay ang mga temang tinalakay sa seminar: Importance of Breastfeeding and Risks of Artificial Feeding, Birth and Breastfeeding: Unang Yakap Protocol, Getting Started: What to expect and do during the first week, Proper Latch And Breastfeeding Positions, at Busting Breastfeeding Myths.
Bagama’t ang saklaw ng seminar ay tungkol halos sa kahalagahan ng pagpapasuso, ito ay hindi lamang para sa mga buntis at nagpapasusong ina kundi para sa lahat ng interesado na matututo ng pag-aalaga at pagpapasuso sa isang sanggol.
Isa si Len Padua, nanay na nagpapasuso ng anak mula sa Bay, ang dumalo sa seminar.
“Gusto kong mas marami pang malaman about breastfeeding kasi nga alam natin ang importance ng breastfeeding,” dagdag ni Padua, “Since first time mom ako, gusto kong mawiden [‘yung kaalaman ko].”
Samantala, si Joem Gomez, isang tatay mula sa Mayondon, ang dumalo upang samahan ang kanyang asawa. Ayon sa kanya, bilang isang “first-time daddy”, gusto niya rin madadagdagan ang kaniyang kaalaman upang matulungan ang kanyang asawa na alagaan ang kanilang anak.
Ang LATCH Los Baños ay isang organisasyon na nabuo noong Abril 2016 na naglalayong mapalawak ang naaabot ng LATCH Philippines at maging mas madali magbahagi ng mga impormasyon tungkol sa pagpapasuso ng mga sanggol.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa kanilang Facebook page o magpadala ng e-mail sa [email protected].