ni Chantale Francisco
Kasama sa paggunita ng ika-dalawampung taon sa serbisyo ng Autism Society Philippines (ASP) – Laguna Chapter ay isinagawa ang isang seminar para sa mga guro, magulang, at mga tagapag-alaga ng mga taong may autism at iba’t iba pang mga kapansanan. Ginanap ito sa bagong munisipyo ng Los Baños noong ika-5 ng Mayo mula 8:30 ng umaga hanggang 3:30 ng hapon.
Kaakibat sa pagsagawa ng programang ito ay ang pamahalaang bayan ng Los Baños, NORFIL Foundation Inc. at iba pang mga sumusuporta sa nasabing organisasyon. Pinangunahan ni John Paul O. Mallari, isang occupational therapist, ang unang bahagi ng programa na tungkol sa paggabay ng mga magulang at guro sa mga batang may autism at iba pang mga kapansanan para sa kanilang paglaki at pagtatrabaho.
Ayon kay Ginoong Mallari, dapat ay maagang sanayin at turuan ang mga batang may kapansanan ng mga pang araw-araw na mga gawain kagaya ng pahahanda ng sarili nilang pagkain, pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, at pakikihalubilo sa kanilang komunidad.
“Mahalaga na maexperience ng mga bata ang mga ito dahil they are like us, dahil access to the community is a basic right,” sabi ni Mallari.
Samantala, pinangasiwaan naman ni Shella Marie D. Tugonon, isang physiotherapist, ang huling parte ng programa kung saan tinalakay ang pagpapahalaga sa kalusugan tulad ng pag-eehersisyo.
“Regardless na kung gaano karami ang may kapansanan ay iniisip natin sa lahat ng sistema natin, mapa-edukasyon, kalusugan, pulitika man yan, ang kanilang kapakanan,” ani ni Tugonon.
Para kay Ginang Tugonon, importante ang pagbibigay kahalagahan sa kalusugan hindi lamang ng mga bata kundi pati rin sa mga tagapangalaga dahil sila ang mga pangunahing gabay ng mga ito.
Bukod sa talakayan, nagkaroon din ng aktwal na demonstrasyon ng ilang mga ehersisyo na makakatulong sa kalusugan ng mga dumalo.
Ayon sa panayam kay Catherine L. Lopez, pangulo ng ASP Laguna Chapter, ang pagsagawa ng seminar na ito ay pasasalamat din sa mga tumulong na makaabot ang samahan ng dalawampung taon. Dagdag pa ni Ginang Lopez, layunin ng ASP Laguna Chapter na magkaroon ng isang supportive environment at enabling community na tanggap ang mga taong may autism at iba pang mga kapansanan at tulungan sila na mapasama sa kani-kanilang komunidad sa lalawigan ng Laguna.