ni Francesca Cabugoy
“Ang volunteerism ay pagiging bayani at para sa amin, ang pagiging bayani ay kapag nag-step out ka sa comfort zone mo… Hindi ka na lang tumutulong para sa sarili mo, [pero] para na rin sa bayan mo,” buong pusong ibinahagi ni Ian Ventura, pangulo ng UP Gawad Kalinga Los Banos (UP GK-LB).
Sa pagdiriwang sa National Volunteerism Month, nagbalik-tanaw si Ian sa kasaysayan ng kanilang organisasyon. Nagsimula ito noong 2006 bilang isang proyekto ni Carlos Juan Paolo Vega, isa sa mga nagtatag ng nasabing organisasyon. Aniya, naghanap ng volunteers si Ginoong Vega para sa noo’y itinatayong GK Village sa Brgy. Tuntungin-Putho. Ang mga lumahok sa nasabing proyekto ay ang mga naging unang miyembro ng UP GK-LB.
Layunin at mga programa
Ang UP GK-LB ay naglalayong wakasan ang kahirapan para sa limang milyong pamilya sa Pilipinas pagdating ng 2024. Ito ay nakaangkla sa tinatawag na Development Roadmap na nahahati sa tatlong yugto: Social Justice, Social Artistry, at Social Progress. Sa Social Justice naka-ayon ang kanilang plano noong taong 2003 hanggang 2010. Layunin nilang hamunin at bigyan ng inspirasyon ang mga tao na magbigay ng donasyon para sa mga kagamitan na kailangan sa pagpapatayo ng mga bahay. Sa Social Artistry naman, nakipagtulungan sila sa mga institusyon at mga indibidwal para sa disenyo ng mga bahay, noong taong 2011 hanggang 2017. Ngayong taong 2018 hanggang 2024, batay sa Social Progress, hangarin nilang magkaroon ng pagbabago pagdating sa kalidad ng buhay ng mga mamamayang Pilipino — sa pagkakaroon ng sapat na pangunahing pangangailangan at permanenteng matitirahan.
May iba’t-ibang proyekto ang UP GK-LB na nagbibigay daan upang makamit ang mga hangarin nito, tulad ng house build programs, child and youth development programs, at immersion. Ang kanilang mga miyembro ay tumutulong sa pagtayo ng mga bahay sa iba’t ibang GK Villages na matatagpuan sa Laguna, Quezon, Cavite, at Quezon City.
Noong 2016, ipinagdiwang nila ang kanilang ika-sampung anibersaryo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng medical mission sa Brgy. Tuntungin-Putho, isa sa kanilang mga beneficiaries. Mayroon din silang mga programa para sa kabataan kung saan sila ay nagtuturo ng mga araling pang-akademiko at sining. Bukod dito, sila rin ay nagsasagawa ng mga immersion programs na tinatawag na Bayani Challenge. Noong Abril 13-16, ang mga miyembro ng kanilang organisasyon ay nakipamuhay sa mga mamamayan ng Bicol para sa isang “intense house build.” Dito hinati ang humigit kumulang isang libong kalahok sa iba’t ibang barangay upang magtayo ng mga bahay.
Proseso ng pagsali
Ayon kay Ian, maaaring maging miyembro ng UP GK-LB ang mga estudyante at empleyado ng UPLB. Sila ay kailangang dumalo sa dalawang minor builds at grand build sa iba’t ibang GK Villages sa CALABARZON. Pagkatapos nito, magkakaroon sila ng Youth Camp.
Patuloy na pinapahalagahan ng UP GK-LB ang volunteerism dahil ito ang humuhubog sa kanilang organisasyon. Ayon kay Ian, isinasabuhay nila ang konsepto ng “padugo” na ang ibig sabihin ay “You give until you bleed.” Aniya, may kaakibat na pagsasakripisyo ang kanilang ginagawa kung kaya’t mahalaga na bukal sa puso ang kanilang intensyon.
Hinihikayat ng UP GK-LB ang mga organisasyon sa UPLB na sumama sa kanilang mga programa para sa komunidad. Sabi nga ni Ian, “Kapag nagvo-volunteer work ka, parang mas lalong lumalalim yung passion mo for volunteerism, mas lumalalim [din] yung passion mo na tumulong sa iba.”