Nina Jyas Calub-Bautista at Andrea Beth Amit
Nagbigay ng ulat tungkol sa kalagayan ng Brgy. Bagong Silang ang mga kawani at liderato ng barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman Marcelo Navarez noong Oktubre 13, 2018, ganap na 9.30 ng umaga sa Bagong Silang Elementary School.
Ayon sa State of the Barangay Address ni Navarez, umaasa ang barangay sa Internal Revenue Allotment (IRA) nito na may halagang Php 1.2 milyon, at kulang umano ito para sa mga pangangailangan ng barangay. Dahil dito, marami raw na mga proyekto ang hindi natatapos sa tamang oras dahil kailangan pang humingi ng karagdagang pondo mula sa local government unit (LGU) ng Los Baños.
Nagbigay rin ng ulat ang mga kagawad ukol sa iba’t ibang proyekto ng barangay. Samantala, ipinaalam ni Kagawad Rey Castillo ang mga bagong myembro ng mga komite ng barangay para sa waste segregation, disaster risk reduction and management, bids and awards, peace and order, nutrition, anti-drug abuse, at barangay development. Tinukoy rin ng mga bagong direktiba ukol sa pananakit sa kakabaihan at kabataan (violence against women and children), pati na ang ukol sa pisikal na kalusugan at sports.
Kabilang sa mga pinaplanong proyekto ang pagtatayo ng Materials Recovery Facility, pagsasagawa ng mosquito collection sa pamamagitan ng ovi traps, pagtatanim ng high-value crops, at pagbibigay ng livestock sa mga magsasaka ng barangay.
Dumalo rin sa pagpupulong si Local Government Operations Officer Maricar Castro bilang kinatawan ng DILG-IV A, pati na si Los Baños Municipal Councilor Tony Kalaw at si Kagawad Dexter Concio ng Brgy. Mayondon. Ayon kay Castro, ang Barangay Assembly ay kinakailangang idaos dalawang beses sa isang taon, kadalasan ay sa mga buwan ng Marso at Oktubre. Karapatan at tungkulin umano ng bawat Pilipino ang pagpunta dito.
Nagsagawa rin ng medical mission at raffle ng bigas at mga gamit pambahay kasabay ng pagpupulong.